Sapagkat Minsan ay Hindi na Sapat ang Malasing Lang

Cigarette and Alcohol (Photo Credit: VAntage Point - US Department of Veterans Affairs)

Tama na.
Hindi, isa pa.
Laklakin ang dulot mong sakit.
Lunukin ang sariling damdamin.
Maglasing sapagkat may pangako ang alak ng paglimot.
Pero hindi, mas naaalaala kita.
Mas nadarama ko ang sakit;
Ang unti-unti mong pagbitaw.
Natatanaw ang marahan mong paglayo
Nang hindi lumilingon.
Di ko mahanap ang luha sa iyong mga mata.

Habang ako,
Ilang bote ng alak na yata ang natungga ko.
May dulot pang kirot ang dumadamping palad ng kaibigan sa aking likod.
Ang pagdamay ay tila pagsariwa sa nakaraang masaya.

Hindi ako makalimot.
Ilang gabi nang walang silbi sa ginaw ang kumot.
Mga unan ay binasa ng himutok.
Gigising na ang mga mata’y mugto,
Walang landas na balak pang ituloy,
Mga pangarap ay itinaboy,
Di na mahagilap ang umaga.
Gising sa dilim ng gabi,
Kapiling ang tropa,
Ang serbesa,
Ang lungkot,
ang luha.

 

Magtitigas-tigasan sa kabiguang dinulot ng pagmamahal.
Kunwari’y ayos lang maiwan,
Maya-maya’y aaray.
Ang puso’y niluluray.
Tumitibok ngunit nagugutay.

Laklak pa.
Dumukot ng isang sigarilyong natitira,
sapagkat minsan ay hindi na sapat ang malasing lang.
Hilo na akong magpabalik-balik sa alaala mong naiwan.

Tama na.
Hindi, isa pa.
Isang sigarilyo pa.
Hanggang sa ang puso’y muling magsara,
at maghihintay na lang muli ng alak na ikaw ang may dala.
Saka ako tatahan.
Isang sorry mo lang,
Maniniwala na muli ako sa walang hanggan.

 

#DFBI    #DFBloggersIntl    #DFBloggerSheraldSalamat

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.