“Sana Nga! Para For Good Na Ako Sa Pinas, Mare” (Dream ng Bawat OFW at Pamilya Nito) Part 3-Usapang Negosyo-Balut-Balot na Pagkain

dorcenmmfacebook
dorcenmmfacebook

OFFICE FOOD DELIVERIES (Balut-Balot na pagkain) iyan ang aking ibabahagi sa inyo ngayon.

Home-based lamang ito at hindi kailangang magrenta ng puwesto.

Natalakay ko na sa mga nakaraang blogs ko, ang pagkakaiba kung “rented” lang o “sarili ang puwesto” na pagtatayuan ng negosyo.

 Lahat ng aking tinatalakay ay galing mismo sa aking sariling karanasan.

1.Pinasok ko noong 2008 ang food deliveries, sa pamamagitan ng “balut-balot na ulam at kanin” sa mga opisina, kung saan meron akong mga kakilala. Malapit sa bahay at opisina.

2.Gumigising ako ng 3:30am para mamalengke.  5:00am nasa bahay na ako. Meron akong dalawang  assistants na nagsasaing sa kalan at rice cooker habang wala pa ako.  At ang isa naman ay kasama ko sa palengke, taga bitbit ng aking pinamili. Ako mismo ang gumagayat ng mga kailangan ko, para sa isasalang ko na tapos nang hugasan at linisn ng isang helper ko. Two burner ang gamit ko para sa 5 putahe.  Rice cooker ang gamit sa pagsaing kapag nag-umpisa na akong magluto

3. Mabilis akong magluto. Inuuna kong lutuin ang isda at gulay isusunod ko ang manok at pang huli ang karne.

4. Tuwing matapos ko lutuin ang isang putahe, binabalot ito sa plastic para hindi matapon ng isang helper at inilalagay sa styro box para hindi lumamig. Kasama na din ang mga kanin na binalot.

5.  Habang nagluluto ako at ang isang helper ay nagbabalot ng kanin, ang isang helper naman pagkatapos niyang linisin ang aking mga lulutuin, ay gumagawa ng listahan ng “menu” para dalhin sa mga opisina. Ito rin ang nagsisilbing order menu slip ng mga empleyado.  Babalikan niya ito ng mga 8:00-9:00am

5. Tapos na akong magluto 7 am or 7:30 ng umaga.  Kaunting pahinga at nagre-ready naman akong pumasok sa opisina ko.  Ang aking helper na ang bahala sa pag asikaso para sa mga deliveries.

6.  9-10:00am oras ng delivery nila sa mga opisina.  Nakabalot na ito ng individual at mayroon na din itong kasamang styro, kutsara at tinidor at meron na itong mga kanya-kanyang pangalan.  Iniiwan na lamang ito sa pantry nila o sa guard house. Ang iba ay inihahatid sa kanilang office table isa-isa  12:00 tapos na lahat, pati na rin ang mga pahabol na orders

7.  1:00pm babalikan ng mga helpers ko ang mga opisina, kung saan kukunin ang mga bayad nila.  Ang iba every Friday ang bayaran, at ang iba naman ay 15/30 ang bayad.

8.  Sa hapon naman 2:00pm, ay nagde-deliver ng mga merienda, tulad ng pansit, spaghetti, turon, banana cue, ginataang halo-halo.  Depende kung ano ang maluto ng isa kong helper.

 Ang negosyong ganito ay hindi nakapapagod masyado, kumpara sa maghapon na carinderia o canteen na nag-ooperate ng  12, 18 or 24 hrs. Meron kasi ditong  mahabang oras na pahinga.

 Tips:  para kumita at paano kikita sa packmeal for office employees

     Pork/beef – kailangan makagawa ng 11 o 12 balot/takal

 (kapag hindi umabot sa bilang na iyan nabalik lamang ang inyong puhunan)

 Chicken – kailangan tantyahin ang laki ng hiwa. Kasing laki ng posporo lamang.       O di kaya ay bumili ng kilohan at timbangin 3 hiwa/20.00 ang cost ng meat.

 (manok ang walang gaanong tubo o profit)

 Isda – Napakahalaga ang sukat at alamin kung ilang piraso ang isang kilo

          (ex. P85/kilo tilapia kailangan ang isang kilo ay 6 piraso.  Sa isda lamang )

Gulay – Piliin ang kung ano ang murang gulay na napapanahon

Sa mga isda at gulay kadalasan kumikita.

Sa karne, cost pa lang ang P18-20.00, wala pa doon ang mga gulay at iba pang sangkap na ihahalo depende sa mga lulutuin mo o kung ano ang menu mo

 Ang iba pang mga gastusin sa negosyong packed meals:

             Plastic para pambalot ng ulam

             Plastic bag para pambalot sa bawat order

             Styro, plastic na kutsara at tinidor

             Transportation para sa delivery- Bike lang dahil magkakalapit lamang

Baboy P 30.00 order Chicken/beef 35.00/order Gulay P 20.00/order Isda P 25-30/order (mga pangmasa ang presyo ko, para maubos at walang matira. Kapag may natira lugi na)

Benta o Sales P 4,400.00  (base sa total na pamalengke kasama ang bigas ay 2,500)

Puhunan              2,500.00    at tama ang pagkatakal ng lahat ng ulam at kanin )

                                ————

Gross Sales      P 1,900.00

Less:                      1,000.00 (electric, water, salaries & other operating expenses  kasama ang aming pagkain sa maghapon

                              ————-

                        P    900.00 net profit

   (Tinalakay ko na rin sa nakaraang blogs ko, kung paano makapag save)

Advantage at disadvantages ng home based balut-balot na pagkain

Advantages:

Hindi pagod, gaano at may kalakihan ang net profit dahil walang renta at 2 lamang ang helper.  Kasama din pala ako sa may suweldo bilang taga pamalengke at tagaluto.

Meron ka nang regular na customers.

Disadvantage: 

Kapag walang pasok, walang income tambay lamang ang mga helper pero tuloy ang suweldo.

Kapag meron natira, malaking kabawasan na sa benta at pati na rin sa net profit. Kaya kailangan marunong kang mag recycle ng mga karne o kahit ng isda.

Kapag merong birthday at hindi ka naabisuhan na meron silang libreng food, marami kang matitirang pagkain

NEXT BLOG ‘PACKED MEALS O VALUE MEALS” ang topic kung saan  mas malaki ang kita.

Alamin sa susunod kung bakit?

3 Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published.