Salamat, Mr. V

IMG_5853Isang araw na naman ang nakalipas.

Sa bawat araw na dumaraan ay unti-unti ko nang nakalilimutan ang mga bagay na dati ay parte na ng sistema ko. Mga bagay na dati ay bumubuo sa pagkatao ng isang tulad ko. Mga bagay na alaala na lang ngayon.

Pakiramdam ko ay manhid ako ngayon. Kumikilos ako nang hindi ko nararamdaman, naghahanapbuhay nang walang kapaguran, pumapasok at umuuwi nang hindi ko namamalayan. Puwede mo akong tawaging ‘zombie’. Puyat na wala namang dahilan, ngumingiti nang sapilitan, umiiyak pag nag-iisa na lang.

Ano bang nangyayari?

Sa totoo lang ay hindi ko alam, hindi ko na alam. Masyado ba akong nasaktan? O hindi ko lang kaya na wala na siya? O baka naman nag-iinarte lang ako? Puwede.

Bakit kaya ganun? Normal naman ang lahat nung hindi ko pa siya nakikilala. Simple at maayos naman ako, masaya naman ang takbo ng mundo. Nabubuhay naman ako. Kailangan ko na bang tanggapin at isabuhay na hindi na nga kami kagaya ng dati, na ibang tao na kami at hindi na ako ang buhay niya?

Noong mga panahong sawi ang aking pusong umibig ay sapilitan kang pumasok sa buhay ko. Hindi ko naman talaga ginusto, basta ka na lang lumitaw sa kung saan at hindi ko na namalayan na may masakit pala sa akin. Nakalimutan ko na. Mas inaalala na kita.

Mas interesado na ako sa mga kuwento mo, mas masaya na ako sa mga tawanan natin. Salamat, Mr. V, naging gamot ka sa sugat na matagal na hindi naghilom, sa isang bakas na iniwan ng isang mapait na nakaraan.

Oo, inaamin ko, nasaktan ako, pero natuto akong bumangon dahil sa tulong mo. Sa paglipas panahon, baka hindi ko na maalala ang sakit, baka hindi ko na malasahan ang pait, baka bukas puro saya na lang ang tanging maiiwan sa memorya ko. Tapos ibang istorya na ang sinusulat ko. Hindi na drama, baka comedy o kaya ay romantic na di ba?

Marami akong iniisip, alam kong madaming magiging hadlang. Makaya mo kaya? Makaya ko kaya? Makaya kaya natin? Hindi ko alam. Wala pa naman, hayaan na lang natin. Hayaan na lang natin ang tadhanang maghusga sa mga susunod na panahon, sa mga susunod na pagkakataon.

Pero puwede ba akong humiling? Kahit sa sulat na ito ko na lang ipahaging.  ‘Wag ka sanang bumitaw pag dumating ang oras na kinatatakutan ko. Isang multo na nakatago sa pagkatao ko na hindi ko maiwasan. Alam ko darating yun, pero lilipas din.

Puwede ba akong mangarap?  Na sana pag handa na ako ulit ay nariyan ka pa rin. Nakangiti at handang sumalubong sa akin. Na may bukas na mga palad at sa iyo ako ay yayakap. Mahigpit. Matagal.

Tapos matutunaw tayo, para maging isa at hindi na maghihiwalay kahit kalian pa.