Salamat

Photo by Orin Zebest
Photo by Orin Zebest
Photo by Orin Zebest

Hindi ako writer, hindi rin ako blogger ngunit noong aking kabataan ay malakas ang paniniwala ko sa sarili ko na kaya kong magsulat ng kuwento, blog o maging ang pagsulat ng isang libro. (Kahit coloring book patos na yun)

Malakas ang kumpiyansa ko sa sarili noon. Sisiw kumbaga sa akin ang pagsulat. Kahit na wala akong karanasan (at hindi rin ako katalinuhan ha) sa mga essay writing contest, journalism or kahit na anong may kinalaman sa pagsusulat alam ko na kaya kong magsulat. Dahil naniniwala ako na hindi sa talino o sa galing nakukuha ang kakayanan sa pagsusulat, ito ay nasa lakas ng loob, inspirasyon at determinasyon.

Lakas tama ang peg ko noong araw. Inspirasyon ko si Ed Lapiz, wiling wili ako sa pagbabasa ng kanyang mga akda at siyempre ang aking pinaghugutan ng teyorya ay si Bong Ong.

Marami akong gustong ibahagi sa aking iaakda na halos naihahalintulad ko sa mga akda niya, kaya isa rin siya sa dahilan kung bakit naging mahirap din sa akin ang simulan kung ano ang dapat kong sinimulan noon pa. (Baka kasi isipin ng makakabasa ng aking akda, gaya gaya ako sa kanya.)

Hanggang isang araw bumilis na lang ang takbo ang aking buhay. Kung anu ano na ang aking mga naranasan at napagdaanan kaya tuluyang nakalimutan ang pangarap na makapagsulat.

Ngayon na malayo na ako sa Bayang Sinilangan, na kung kailan akala ko ay wala nang puwang pa para ako ay makapagsulat,at ngayon kung kailan may tinatahak na akong ibang landas saka may kung anong bagay ang humila sa akin upang tipahin ang mga titik na iyong binabasa ngayon.

Habang nagpapatay ng oras dito sa disyertong aking pinagtatrabahuhan sa Gitnang Silangan, naisipan kong maghanap ng mga makabuhuhang babasahin sa internet.

Marami akong nabasa mula sa pang pamilya, kaibigan, hanggang sa kabit. Mula sa masaya pati na rin sa malungkot. Iba’t ibang akda, iba-ibang tema, pero iisa ang gustong patunayan, isa silang akda ng mga Pilipinong mahuhusay at nagnanais ibahagi ang kanilang mga saloobin at opinion.

Isa itong pampagising sa aking natutulog na isipan sa mga bagay na dapat binibigyan ng pagpapahalaga at pagsasagawa. Kung kaya nila, alam kong kaya ko ring gawin, pero paano at saan?

Dito ko nakita ang Definitely Filipino, dito ang tamang lugar  para sa akin. This is it pansit. Pasok sa banga.  Marami akong nais ibahagi lalo na sa aking mga karanasang kapupulutan ng aral.

Maraming tumatakbo sa isipan ko na gustong tipahin ng aking mga daliri agad agad,  ngunit sa ngayon isa munang “Salamat Definitely Filipino.”

(Salamat rin, Diosa ng Kagandahan ^_^  –  Editor Mj)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.