‘Sakripisyo’

ray anSiya si Ray-an, sampung taong gulang.  Naulila sa ama sa edad na walo at napilitang isakripisyo ang sarili na mapalayo sa kanyang ina at apat na kapatid bilang tulong sa kanyang ina.

Makabawas sa pakakainin at pag-aaralin ng kanilang ina, pumayag siyang mapatira sa malayong bayan sa Bicol upang doon pumisan sa kanyang mga lolo at lola.  Doon na rin siya nag-aral ng Grade 5.

Hindi madaling bumitaw sa kanyang pamilya.  Mangyari kasi’y kahit hindi sila sagana sa pagkain at materyal na bagay, masaya silang magkakasama. Madlas silang nagtatawanan; sama-samang nanonood ng mga palabas sa telebisyon at namamasyal sa perya kapag Undas.  Iginagala sila ng kanilang ama sa karnabal at kahit simpleng pagsasaluhan sa bawat kaarawan ay mayroon sila.

Ang kanilang responsableng ama ay nagsisimula nang ibangon ang kanilang buhay.  Mayroon na silang mga kagamitang nagpapaalwan sa buhay; washing machine, refrigerator, dalawang motorsiklo.  Nagsisimula na ring maghulog sa kapirasong lupa na pangarap nilang mapatayuan kahit maliit munang bahay.

Ngunit sa isang saglit…ay nawala si Ama.  Kinuha ng bangungot nang walang kaabug-abog. Parang nagiba silang lahat sa pagkawala ng haligi ng kanilang tahanan.  Limang anak na iniwan sa inang ngayon ay tumatayong ama’t ina.  Paano na sila?

Isa-isang napabenta ang kanilang mga gamit, may mailaman lamang sa kanilang sikmura.  Hanggang sa dumating sa puntong si Ray-an at ang kanyang kuya ay naglilinis ng mga nitso sa sementeryong katabi ng kanilang tinitirhan may makain lamang.

Hanggang sa kinailangan nang magtrabaho ng kanilang ina at mamasukan kung saan-saan.  Si Ray-an naman ay pumayag nang pumisan sa kanyang mga lolo’t lola.  Napakahirap ng kanilang buhay, na kahit walang baong pagkain ay pinipilit nilang pumasok sa paaralan.

Ngunit nalulungkot na si Ray-an.  Hirap na siyang mapalayo sa kanyang ina at mga kapatid.  Tinupad niya ang pangakong mag-aaral nang mabuti at siya namang naging top1 sa kanilang klase.  Ang hiling lang niya’y muling makabalik na sa piling ng kanyang ina’t mga kapatid.  Tutulong daw siyang maghanapbuhay; makauwi lamang siyang muli.

Siya si Ray-an… at alam na niya ang kahulugan ng salitang sakripisyo.

 

 

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!