Sadista si Sir!

batwife

“May mga taong nakakaawang patayin, nakakainis naman buhayin”!

“Bakit di mo pa kasi siya iwanan? Kayang-kaya mo naman buhayin ang mga anak mo!”

“Magreklamo ka na kasi, magpamedico legal ka, para may makuha kang proteksyon!”

“Huwag kang matakot sa mga sinasabi niya, di niya magagawang idamay mga magulang at mga anak mo!”

“Ang tanga-tanga mo! Aantayin mo pa bang mapatay ka niya? Yun nga lang dinadanas mo eh, kawawa na mga anak mo, how much more kung matuluyan ka pa niya?”!

“Naku, kung ako sa’yo, lalasunin ko na yan, baka nga labanan ko pa yan hanggang sa magkamatayan na kami”!

“Siguro, kaya di mo siya maiwan-iwan dahil gusto mo din na nasasaktan ka ano? Masokista ka ano?”

Binging-bingi na siya sa paulit-ulit na mga advice sa kanya ng mga taong nakapalibot sa kanya, mga taong naaawa na sa kanya. At the same time, naiinis na rin siguro sa kahinaan niya at katangahan niya. Ngunit sino nga ba ang makapagsasabi at makapagbabago ng kapalaran niya.

Bakit nga ba dinaranas niya sa kamay ng kanyang asawa ang kalupitang walang katulad?

Isang guro ang kanyang asawa.Matangkad, guwapo at matalino ( na siyang dahilan kung bakit minahal niya ito).

Propesyonal naman siya. Matalino din (bobo na ‘ata ngayon).Maganda.At seksi pa rin naman kahit may mga anak na. (Sabagay, sino ba ang tataba at lulusog kapag isa kang punching bag)!

“Sige, sumayaw ka! “Yan, igiling mo pa honey! “Wag na ‘wag kang titigil hangga’t di ko sinasabi! Kung hindi, ihahagupit ko ulit ito sa manipis mong bewang ang makapal kong sinturon! Tungayaw ng asawa niya habang mabalasik ang namumulang mata na nakatingin sa kanya. Hinihitit nito ang sigarilyong kakaiba sa kanyang paningin. Pero nahihinuha niya na baka iyon ‘yung sinasabi nilang marijuana.Nakatutok din ang baril nito, na mas higit niyang kinatatakutan kesa sa sinturon. Ano bang panama ng kahoy na itinabi niya, martilyong isinuksok niya sa ilalim ng kama, at kutsilyong ibinalot pa niya sa punda bago inilagay sa unan..

“Ngumiti ka! Harutin mo ako! Yan, ganyan! madali ka talagang kausap honey ko. Habang itinatali ang mga kamay niya sa ulunan ng kama. Puro paso na rin ang mga hita niya. Namamaga na rin ang pisngi niya sa pamaya’t maya’y sampal na inaabot niya dito.

“You f___! How could you be sooo…” Halos paputol-putol na sigaw ng asawa niya…Para na kasi itong sira-ulo. Ganyan ito kapag sobrang bangag..umi-ingles na.Pati nga siya ingles din kung minsan magsalita kapag nabibigyan siya ng pagkakataong lumaban.

Minsan, tinakasan niya ito. kahit latang-lata siya, kulay lila lahat ng bahagi ng katawan niya, pikit ang mga mata sa pamamaga, pati nguso niya busargo na din at halos mawalan na siya ng malay dahil sa torture na inabot niya bago ang sexual act nila, pinilit niyang bumangon at tumakas. Tumira siya sa isang establisiyemento kung saan walang madadamay mahanap man siya nito. At di nga siya nagkamali, natunton siya nito, at sinigurong bangag at lango sa alak bago siya pinuntahan. Umiskandalo ito na tila ba dapat siyang katakutan ng lahat kung hindi’y papatayin niya ang sinumang humara-hara at magtapang-tapangan.

Pero di siya napahinuhod ng araw na iyon. Nagmatigas siya. Nanatiling sarado ang kanyang bibig at tenga. Puso? May natitira pa bang pagmamahal para sa taong katulad ng asawa niya? Nilabanan niya ang pangungulila sa mga anak. Andu’n ang takot niya na baka mapagbalingan nito ang kanyang mga magulang at mga anak. Pero wala na talaga siyang lakas. If ‘di siya tumakas baka pinaglalamayan na siya ngayon.

Isang text lang ang nakapagpabago ng kanyang desisyon. “Subukan mong magtago ng matagal diyan, pag di ka pa rin umuwi, tingnan natin kung mapatawad mo ang sarili mo. Baka nakakalimutan mo, may mga anak ka! At isa sa kanila ay babae.Hahahaha.Matalino ka. At alam mo na ang ibig kong sabihin.

Nanindig ang kanyang balahibo. Nakuha niya agad ang ibig ipahiwatig nito. “Patawarin mo ako, O Diyos ko. Baka mapatay ko po ang asawa ko pag nagkataon” taimtim niyang dalangin habang mabigat sa paa niyang nilisan ang building na kanyang pinagtataguan.”Bahala na, mamatay na ang dapat mamatay ng matapos na ang lahat ng paghihirap ko”, wika pa niya.

Ano nga ba ang puno’t dulo ng lahat? Bakit biglang naging mas bayolente at nananakit ang kanyang asawa? Sabagay, noong nililigawan pa lang siya nito, alam na niyang tumitira ito ng bawal na gamot. Nagbingi-bingihan lang siya dahil mahal talaga niya ito. Binigyan din siya ng warning ng kanyang mga magulang na may tendency itong manakit ng asawa dahil sa kagaspangan ng ugaling di naiiwasang maipakita nito kahit kanino. Mas pinili niya ang lalaking ito dahil akala niya noon, dahil wala ng ibang nakauunawa at umiintindi at nagmamahal dito, ay magbabago pa ito.

Mas doble ang sakit at pagdurusa ang dinaranas niya dahil lang sa isang tsismis. Nang minsang mag-away silang mag-asawa at naisipan niyang lumayas at umuwi siya ng buntis (di niya akalaing naglilihi na siya at isang buwan na pala ang kanyang dinadala.Inakala nito na iniputan niya sa ulo ang kanyang asawa. Kahit anong paliwanag niya na dala ng paglilihi kaya mas naging mainit ang away nila noon kaya siya lumayas ay may laman na pala ang tiyan niya. Pero di ito kailanman naniwala. Kaya ganu’n na lang ang bugbog na inaabot niya pag umukilkil sa isip nito na ang kanilang bunso’y di siya ang ama.

Bakit di niya maiwan-iwan? o Ireklamo kaya? Dahil na rin siguro sa di pa siya established sa trabaho. Wala pa siyang gaanong maipangsusustento sa mga pangangailangan ng mga anak. Nag-aaral na lahat at sa eksklusibo pang paaralan. Sa kanya din umaasa ang kanyang mga magulang. Paano? Bakit ganun kung humusga at mag-advice ang tao? Parang kaydali lang ng mga ipinagagawa nila.

Pero higit kaninuman, siya lang at silang mag-asawa lang ang nakakaalam ng buong katotohanan. (Itutuloy)

About vener

risk-taker...i could be good...i could be bad...but i could never gone that far...