Saan Nga ba Tutungo?

(Photo Credit: Dole-kjole.deviantart)
(Photo Credit: Dole-kjole.deviantart)

Ilang gabi na rin akong hindi makatulog. Napakarami ng iniisip ko. Minsan, kahit sa dami na ng mga bagay na pinagkakaabalahan ko, hindi ko pa rin lubos maisip kung bakit puno ako ng pangamba.

Katatapos ko lang mawalan ng trabaho.

“Anong trabaho ko?”, matanong mo. Isa akong mang-aawit. Masaya ako sa tuwing nagtatanghal ako sa harap ng maraming tao. Nakangiti sa tuwinang aakyat ako ng entablado. Kakaway, makikipag-kamay, susuyuin ang mga manonood. Subalit nagwakas ang lahat ng ito dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon. Impormasyong sumira nang tuluyan sa kredibilidad ko bilang isang tao.

Oo, may mali rin akong nagawa at yun ay ang pagbibigay ng buong tiwala sa mga taong nakapaligid sa ‘kin. Ang pagiging totoo pala ay maaring sumira rin sa ‘yo. Pero i-rewind man natin ang lahat, ganoon at ganoon parin ang gagawin ko.  Dahil buo ang kompiyansa kong tama ang ginawa ko.

Kaya ko sinulat ‘to dahil alam kong hindi ako nag-iisa sa ganitong sitwasyon. Bilang isang artist, pinahahalagahan ko ang aking mga natutunan mula pa noong ako’y nagsisimula pa lamang sa teatro hanggang sa marating ko ang kung nasaan man ako ngayon. Naniniwala akong may mas igaganda pa ang kalidad ng mga gawa ng sino mang artist.

Nasabi ko ito dahil sa experience ko, naging critical ako sa mga gawang aking nasasalihan. Sa bawat produksyon, tinatrabaho ko ito nang mahusay at pinaninindigan. Hindi ko sinasabing ubod ako ng galing sa kung ano mang ipinamamalas ko. Ang sinasabi ko lang, lahat ay may prosesong pinagdadaanan. At sa dulo ng prosesong ito, ang ibig nating maabot lahat ay ang pinakamaganda.

Nakapagsasalita lang ako ng ganito dahil dismayado lang siguro sa mga nangyari. Tanging hinangad ko lang naman ay mapaganda pa ang pagtatanghal, pero sinira ako ng mga taong kontento na sa kung ano lang ang mayroon. Di na raw kailangang hasain pa. Pero dahil sa paniniwala kong mas may ibubuga pa ang isang bagay kung lilinangin pa, hinatulan ako bilang isang walang kuwentang tao.

Okey lang. Importante ay ‘di ako sumusuko. Sa ngayon, eto, naghihimutok ako sa blog na ito. Pero darating ang araw, ikaw na nagbabasa nito, makikilala mo ang tunay na katauhan ko at masasabi mong “Ah, siya yung taong may malaking naiambag sa kultura at sining ng Pilipinas.”

Ikaw. Ikaw na nagbabasa nito, magsilbi sanang aral sa ‘yo na huwag kang masyadong maging open sa mga nararamdaman mo. Oo, minsan may mga bagay talagang nakaiirita at hindi mo na mapigilan pa ang sarili mo, pero CHILL ka lang.

Mahirap makapagbitaw ng salita habang galit ka. Sa nangyari sa ‘kin, marami akong nasaktang tao.  Di na nila napansin pa ang mga magagandang suhestyon ko sana. Nahusgahan na ako bilang walang kuwenta. Pero okey lang. May natutunan ako. Malaking tulong to sa ‘kin sa muli kong paglalabak tungo sa kung saan man.

About ckctan1989