Sa Susunod na Babaeng Aking Mamahalin

Image credit to Pinterest, Lovelyish.com

Darating ang araw na makikilala kita. Kung paano, kung saan at kung kailan; hindi ko alam. Magiging kabiruan at magiging kasalo sa tawanan. Magiging bahagi ka ng bawat araw ko.

Sa paglipas ng mga araw, mapalalapit ang loob ko sa ’yo. Maibabahagi ko sa ’yo ang mga pangyayari sa buhay ko. Mga kagaguhan, mga katatawanan, mga nakalulungkot at nakaiiyak. ‘Yung totoong ako. ‘Yung hindi ako matatakot, magdadalawang-isip o mahihiya. ‘Yung hindi ko kailangang magtago sa likod ng pen name ko para masabi lang sa ‘yo. At ito ay mga bagay na naibabahagi ko lang sa mga taong nagiging importante na sa buhay ko.

Ako ‘yung tipo ng taong masyadong makasarili, pagdating sa mga pinagdadaanan ko sa buhay. Tahimik, hindi masyadong nagsasalita. Laging nasa sulok at gustong-gusto mapag-isa. Hindi mo malalaman na nabibigo ako; na nalulungkot at nasasaktan. Pero darating ang araw na mababago ‘yan, at iyan ay dahil sa ’yo.

Darating ang araw na kailangan kita. Magiging kulang ang bawat oras ko ‘pag hindi ka makausap. Magiging malungkot ang bawat araw ko kung hindi ka makita. Darating ang araw na hihintayin ko ang pagdating mo, aabangan ko ang mensahe at tawag mo. Darating ang araw na magiging mabagal ang pag-ikot ng mundo ko, kapag kasama na kita.

Darating ang araw na pagsasabihan kita, sa mga mali na ginagawa mo, sa mga bagay na makapapahamak sa ’yo. Hindi kita babaguhin, ngunit ibabahagi ko sa ’yo ang masamang dulot ng ginagawa mo, kung mayroon man. Para ikaw mismo ang bumago sa sarili mo. At gagawin ko iyon dahil mahalaga ka sa buhay ko.

Darating ang araw na iingatan kita. Aalagaan at ayaw masaktan. Darating ang araw na magiging libangan ko ang pasayahin ka. Darating ang araw na aasarin kita, maiinis ka pero susuyuin kita. Darating ang araw na malulungkot ka, asahan mo na patatawahin kita. Darating ang araw na may pagdadaanan ka, asahan mo na lagi akong handa para damayan ka. Darating ang araw na masasaktan ka, ako man o hindi ang dahilan, asahan mong mag-so-sorry ako sa ‘yo at gagawin ang lahat para mapawi ang sakit na nararamdaman mo.

Darating ang araw na mahuhulog ako sa ’yo. Maaaring pipigilan ko ang aking nararamdaman. Pero darating ang araw na mas magiging matimbang ang nararamdaman ko para sa ’yo, kaysa sa paniniwala na dulot ng pait ng aking nakaraan.

Darating ang araw na matututo akong magmahal ulit. At muling bubuksan ang sarado ko nang puso, para sa ’yo. At malalaman mo iyon, bago ko pa man sabihin sa ‘yo, dahil hindi ako titigil na ipakita at iparamdam sa iyo. Na mahalaga ka. Na mahal na kita.

Ang tanging hiling ko lang, pagdating ng araw na iyon,

SANA HANDA KA NA, HANDA NA PARA MAHALIN DIN AKO.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.