Sa Simula ng Wakas

Napakasakit makita ang iyong mahal sa buhay na unti-unti nang kinakalabit ng kamatayan. Alam mong malapit nang lumisan ngunit naniniwala ka nga pala sa mga himala, panalangin, at pag-asa na maaaring maidulot ng paniniwala sa Maykapal.

Ngunit, ayon nga sa mga kasabihan, kapag oras mo na, oras mo na. Wala nang pabalik o pasulong. Kapag nariyan na, hindi na maaaring iwasan o kahit padaliin pa. Dahil sa kada paglisan, ay mayroong babalik at magbibigay muli ng kasiglahan.

Rumururok ang paghihinagpis ng isang inang namatayan ng ina. Patuloy ang agos ng mga luhang pilit na naghahanap ng pag-asa sa bawat paghinga. Marami ang pagod, marami ang nasasaktan, at marami ang naiipit. Mga taong hindi na alam ang landas at napariwara na sa kubakob ng mala-gubat na lipunan; nakasusulasok at nakamamatay.

Marami ang nalulugmok dahil sa mga panganorin ng paghahangad sa pangarap; ngunit kalauna’y makapagdadala rin ng labis na kabiguan. Mga batang nasasakal na, dahil sa kabiguan ng buhay. Marami ang nawawalan ng buhay, ngunit patuloy pa ring humihinga.

Gayunpaman ay mayroon pa ring mga may lakas ng loob at handang sumabak sa mga pagsubok na iniluluwal ng desisyon at tadhana. Dahil karanasan ng isang inang nawalan ng ina’y makapagdadala ng aral sa pagwawaksi niya sa kaniyang pamilya.

Para sa mga patuloy na lumuluha’t naghahanap ng pag-asa’y makatatagpo rin sila ng kanilang ilaw at muling makababangon kahit namumugto ang mga mata. Kahit marami man ang pagod, nasasaktan, at naiipit, ay may sakdal pa rin ng kaligayahan sa bawat pagsilip sa dahilang yuon ay nawari.

Sa mga taong nawawala sa pagitan ng kadiliman ng lipunang nakasusulasok at nakamamatay; mayroon pa ring mga mapangahas na manglalakbay na magbibigay direksiyon sa iyong nais patunguhan. At kahit na malugmok sa panganorin ng paghahangad sa pangarap at kalauna’y kabiguan ang naghihintay na landas, ay maaaring tanong lamang ang mga ito kung handa kang isakripisyo ang ilang bagay para sa pangarap.

Para sa mga batang nasasakal na dahil sa kabiguan ng buhay; ang buhay mo ay mapupuno ng kulay, kailangan mo lamang mamili, magdesisyon, at magmahal. Bagaman ang mga paghihirap ay mapapalitan ng kaginhawaan. Ang mga sakit na nadama ay muling mapapalitan ng kaligayahan.

Dahil sa kada paglisan ng ating mahal sa buhay, ay mayroong pabalik na sisibol mula sa kubakob ng isang pagmamahal. Babalik at sasakop sa bakanteng espasyo ng puso. Magbibigay kulay at ningning muli sa nagluluksang damdamin. Kaya’t huminga ka kahit na umiiyak.

Huminga ka, kahit nagdurugo ang parte ng isang katawan.

Huminga, kahit na nadudurog na ang damdamin.

Huminga, sa pagitan ng paghihirap.

Huminga, sa bawat pagsubok.

Huminga, kahit na nahihirapan.

Huminga ka, kahit na ika’y nasasaktan.

Dahil sa paghinga’y mayroong sakdal ng buhay na dapat mong panindigan.

(Sa akin lahat ang mga larawang aking iginuhit!)

About chsandr_26

Isang makabuluhang pag-iisip sa nag-kakagulong mundo.