Sa Ngalan Ng Abroad at Pamilya

(Photo Credit: www.tribal-fusion.org)
(Photo Credit:  www.tribal-fusion.org)
(Photo Credit: www.tribal-fusion.org)

Salitang Abroad?

Kahali-halina sa pandinig ng mga taong hindi pa nakararanas mangibang bayan upang maghanap-buhay, kay saya-saya para sa mga pamilyang pinadadalhan buwan-buwan; lalo na kung mayroong kasamang balik-bayan boxes. Musika sa tainga sa mga naiwang kapamilya sa tuwing ito ay tatawag sa telepono kasabay ng pagsasabing ‘ kumuha ka ng ballpen at papel para sa Control Number’, o ‘di kaya’y ” paki-check na lamang ng inyong ATM, nahulugan ko na iyon.’

Lumulundag ang anak sa tuwa nang mabasa ang mensahe ni inang sa Facebook na nagsasabing, “anak, naibili na kita ng iyong Apple ipad para mapadali ang iyong mga project sa skul, kasi balita ko ikaw na lang ang walang ipad sa mga klasmeyt mo.”

Halos hindi makatulog si Misis sa kaiisip dahil tumawag si mister na nagtatrabaho sa Qatar at sinabing, “Hon, may ipinadala akong sets of jewelry para sa ‘yo, iyon regalo ko sa ating anniversary.”

Minsan ang iba, sila pa ang nagdedemand ng kung anu-anong ipinabibili para maging “IN” sila dahil abroad naman ang isa sa kanilang kapamilya.

Kumusta naman kaya silang mga nag-aabroad mismo?

Jane ang tawag nila sa akin, nagtapos ng komersyo sa isa sa mga pinagpipitagang paaralan sa aming probinsya, mataas ang ekspektasyon ng mga taong nakapaligid sa akin dahil isa ako sa umakyat sa entablado upang isabit sa aking leeg ang may mataas na karangalan sa mga nagtapos nang taong iyon. Magulang ko’y taas noo para sa akin. Nasisiguro nilang magandang trabaho ang naghihintay at umaasa sa maaliwalas na kinabukasan.

Pangingibang-bansa agad ang naging suhestiyon ng aking mga magulang para ako ay agad na makatulong sa kanila. Sinunod ko ito at masuwerteng natanggap sa Dubai bilang isang Clerk sa opisina.  Mas mataas naman ang suweldo kung ikukumpara sa mga clerk sa ating Gobyerno. Lalo pa’t wala kaming kamag-anak na pulitiko. Kaya grab ko na ito. Hindi naging madali ang lahat dahil nga perstaymer ako, lahat kailangang pag-aralan, mula sa lenggwahe hanggang sa pagkain pati mga ugali nang mga taong aking nakakasalamuha.

Live-out ang tawag sa mga taong hindi nakatira sa akomodasyong ibinigay ng kompanya. Ganoon ako, nagre-rent ako bilang bedspacer sa gusaling malapit sa aming opisina. Isang kuwartong hinati sa apat para sa mga tulad ko. May partition lang na lawanit sa gitna para kahit papaano ay mayroong privacy ang bawat boarder. Tumpak ang tawag na salitang bedspacer sa kalagayan ko, sakto lang talaga sa kama ko. Literal talaga! Kasi halos hindi na ako makakilos sa liit nito. Pumapangalawa lang sa bartolina sa bilangguan. Tatayo at hihiga, tapos mga personal na gamit lang sa gilid ng kama, ok na ito, makase-save kahit papaano para na rin sa pinag-aaral kong mga kapatid.

Sa gusaling ito, ibat-ibang tao ang nakatira dito. May pami-pamilya rin. Dito ko nakilala sina Trina; isang saleslady sa tapat na mall at si aling Fe kasambahay ng pamilyang Emirati.

Minsan nagkikita-kita kami sa grocery sa ibaba ng gusali, kasi mga kabayan naman, nagkapalagayan agad ng loob at nagkahingahan ng mga saloobin. Pare-pareho lang pala kami kahit magkakaiba ang aming mga trabaho at may magkakaibang suweldo.

Pare-pareho kaming nag-iipon ng resibo mula sa bangko buwan-buwan para sa ipinadala naming pera sa aming mga pamilya. Nag-iipon ng mga gamit tulad ng mga lotion, sabon ,damit, at kung ano-ano pa para sa BALIKBAYAN BOX na kinasasabikan ng mga naiwan.

Halos laging itlog, noodles at kubos ang laman ng aming mga tiyan para makatipid.

Ang ipinagkakaiba lang namin ni Trina kay aling Fe, bumibili kami samantalang si Aling Fe ay libre ng mababait niyang amo.

Minsan sabi ni aling Fe, binigyan siya ng konsumong shampoo para sa isang buwan, pero hindi na niya ginamit. Gayon din ang lotion at isinilid na lang sa maleta tutal naman ay mahirap nang malagas ang buhok sa kasashampoo(char lang); mabuti na iyon pandagdag na rin sa ipadadalang bagahe.

Ganoon din kami ni Trina, tiis ganda minsan para sa pamilya. Alam kong halos ganoon ang mga ginagawa ng mga OFW sa abroad. Sa mga mall at magagandang view kami nagpapapicture para sabihing masaya kami at nakagagala kahit ang totoo’y minsanan lamang mangyari iyon.

Alam ko walang nasa abroad na tatawag sa pamilya para magreklamo; bagkus, pawang masasaya lamang ang ibinabalita kahit ang totoo’y umaagos na ang masaganang luha.

Akda ni:  MARY ADELLEINE J.ESIC ng DFBI Family

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.