Sa Muling Pagtatagpo (Isang Liham)

Photo Credit: https://www.facebook.com/photo.php?fbid=1713806803096&set=a.1445780662610.2063019.1175950733&type=3&theater
Photo Credit: https://www.facebook.com/photo.php?fbid=1713806803096&set=a.1445780662610.2063019.1175950733&type=3&theater
Photo Credit: https://www.facebook.com/photo.php?fbid=1713806803096&set=a.1445780662610.2063019.1175950733&type=3&theater

Arvie,

Huling linggo ng buwan ng disyembre taong dalawang libo at labing isa, natatandaan mo pa ba? Binigyang muli ng oras ang bawat isa para magkakilala. Muntik na nga akong matunaw sa saya noong muli kitang makita. Para akong nakawala sa bilanggo ng nakaraan, dahil alam ko at naramdaman ko na sa muling pagkikita nating ‘yun ay may mas makabuluhang istorya na maitatala sa pahina ng ating kabanata. Pinagtagpong muli tayo sa kadahilanang ang nakakaalam lamang ay si Bathala.

Mahigit isang taon na din tayong magkakasama. Kaibigan ko ay kaibigan mo na rin. Noong una’y halos mahiya-hiya ka pa sa kanila. Ngunit hindi rin nagtagal parang hindi ka na rin iba sa kanila, ‘yung parang matagal mo na rin silang kakilala. Nariyan ‘yung bago magkahiwa-hiwalay ang bawat isa, kailangan munang tumambay ng isang oras o mahigit pa. Nariyan din ‘yung magsasama-sama sa isang bahay para magkarambola. Pati nga ako natutulak mo pa habang ikaw ay tumatawa. Hindi nga lang tawa kung tatawagin, dahil minsan ay halakhak pa. ‘Yung tuwang maihahalintulad mo noong mga panahong hinagis mo ang iyong sombrero nang sabihin ng inyong guro na, “You are now graduate”.

Hindi mo ba alam na halos wala na akong itinatago sa ating dalawa? Dahil halos naisigaw ko na sa buong mundo kung sino ako talaga noong makilala kita. Kulang na nga lang ay gawing pelikula ang love story nating dalawa, dahil halos natapos ko na ang bawat pahina. Pero kahit naman tapusin ko, itutuloy ko pa rin ang ating kuwento. Alam ko na hindi matatapos ‘to dahil hindi tayo susuko hanggang sa dulo. Kahit saang parte ka pa ng mundo pumunta, hindi ito magiging dahilan para bumitiw ako sa ating pagsasama. Kahit malayo tayo sa isat-isa, hindi ako titigil sa pagsusulat ng nasimulan nating istorya.

Marami nang beses tumulo ang luha ko sa lungkot at saya. Saya, dahil matutupad mo na ang iyong pangarap sa pamilya. Lungot, dahil mag-iisa na akong muli at hindi ka na makakasama. Kahit saan ako tumingin, maisip ko lang na aalis ka, bigla na lamang aagos ang luha ko na parang sumisigaw na lagi na sana tayo magkasama, dahil aalis ka na. Sa bawat patak ng luha ko, parang gusto ko na lamang sumigaw sa bigat ng nararamdaman ko.

Sa sandaling magkayakap tayo sa mga oras na dinarama natin ang bawat isa, bigla na lamang tumulo ang luha mo. Hindi ko na rdin napigilan, kaya naman hinayaan ko na lamang ding dumaloy ang aking luhang may kasamang lungkot at saya. Aking dinarama ang higpit ng yakap mo sa sandaling umiiyak ka. Alam ko kasing mahirap, ngunit kailangan.

Sa bagong pahinang maidaragdag mo sa iyong kuwento, huwag mo sanang kalimutang isama ako. Sana kahit malayo tayo sa isat-isa, huwag mong hayaang mapilas ang yugto ng ating pagsasama. Baka kasi sa kabilang banda’y maitago mo na lamang sa baul dahil sa tagal ng ating ‘di pagkikita.

Mahirap sumugal sa pag-ibig na hindi ko alam kung babalik ka pang talaga. Mahirap dahil magiging malayo tayo sa isat-isa. Sa ganitong tagpo na susubok sa ating pagsasama, tibayan mo sana ang loob mo haggang sa magbalik ka. Sana ikaw pa rin si Arvie na nakilala ko noong tayo’y nasa kolehiyo pa. Na sana ako pa rin ‘yung taong mahal mo kahit matagal tayong hindi magsasama.

Pinatagpo tayo noon sa maling pagkakataon, pero lumaban dahil sa iisang damdming pinatatakbo ng panahon. Sana natatandaan mo pa ‘yung gustong- gusto kong katagang nais kong iyong panghawakan. ‘Yung katagang tinanong kita, pero parang hindi mo na naalala. Anim na kataga lang naman ito sa tagalong, “Aalis kang tayo, babalik kang tayo”.

Sa huling pagpatak ng luha ko sa paglisan mo, alalahanin mo sana na ako ‘yung taong maghihintay sa’yo. Maghihintay sa’yo hanggang sa matunaw lahat ng naglalakihang yelo sa taas ng karagatang pasipiko. Alalahanin mo sana na ako si Kaye, ang walang sawang magmamahal sa’yo hanggang sa huling hininga na lalabas sa bibig ko.

Tuldukan man ng iyong paglisan ang ating magandang nasimulan, sana, sa ating muling pagtatagpo, ating dugtungan ang  pag-iibigan na tanging ang nakaaalam ng katapusan ay kung paano natin ito nasimulan.

Nagmamahal,

Kaye…

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.