Sa Likod Ng Maskara Ni Mister

Image by Andrey Burmakin via ShutterStock

Di ko inakala na sa mura kong edad ay maaga akong makapag-aasawa. Menor de edad pa lang kami nang ikasal kami ng Mister ko, at dahil nga malapit sa kaldero ang angkan namin sa namumuno sa lungsod ay nagawaan ng paraan na maikasal kami sa simbahan.

Maaga kaming nagkaroon ng responsibilidad sa buhay, dahil nabuntis agad ako!

Kaya maaga kaming napasabak sa pagiging Nanay at Tatay.

Lalaki ang naging panganay namin at dahil wala pa kaming muwang sa tamang pagpaplano sa pamilya, ang isa ay nasundan agad ng pangalawa. At pagkalipas ng dalawang taon ay nadagdagan na naman ang anak namin at naging apat na sa edad kong 22 years old!  Nagkandarapa ako sa pang araw-araw namin na pamumuhay lalo na sa pag-aalaga ng mga anak ko.

Naging maayos naman ang aming pagsasama kahit marami kaming anak napakain naman namin ang mga ito nang maayos kahit maliit lang ang pangkabuhayan namin.  Pero pagkaraan ng apat na taon nadagdagan na naman dahil nabuntis ulit ako at nabigla ako dahil kambal pala ito!  ‘Di ko alam kung matutuwa o malulungkot ako.  Paano ko maha-handle lahat nang ito? Pero nandito na kasi kaya buong tapang kong iniluwal ang kambal;  babae at lalaki.   Kaya naka-anim na kami!

“FAMILY PLANNING NA TAYO,  PANG? DAMI NA NATING ANAK!”

Ito ang sinabi ko sa asawa ko, pumayag naman siya. Todo kayod kami sa pamumuhay namin para mabigyan namin ng magandang kinabukasan ang aming mga anak.

Pagkalipas ng maraming taon at may edad na rin kami lumaki na rin ang mga anak namin at nabigyan namin ng mabuting edukasyon. Ngunit isang katotohanan ang gumimbal sa akin nang ipinagtapat ng aking asawa ang tunay niyang pagkatao!

MANG, DI KO NA KAYANG MAGTAGO PA SA IYO.  NAHIHIRAPAN NA AKO!”

Nagtaka ako kung ano ang ibig niyang sabihin sa linyang ito, pero hinakayat ko siya na handa akong makinig sa lahat ng sasabihin niya.  Ngunit nabigla ako nang bigkasin niya ang mga salitang ito…

BADING  AKO, MANG! PERO KAILAN MAN AY ‘DI AKO NAGLOKO SA IYO! PINIGILAN KO ANG AKING SARILI DAHIL MAY ANAK TAYO AT HABANG BUHAY KO ITONG ITATAGO SA KANILA!”

Luhaan ang aking Mister sa kanyang pagtatapat sa katotohanan, ‘di ko alam kung saan ako pupunta sa sandaling ‘yun! Kaya pala iba siya sa tuwing pag-uusapan namin ang pang-kama! Pero binalewala ko ito sa matagal na panahon at ngayon ay naliwanagan na ako sa lahat ng mga katanungan ko.

Nagpaalam akong mangingibang-bansa; pumayag naman siya.  Ito’y para na rin makalayo ako nang kaunti sa kanya dahil mula nang ipinagtapat niya sa akin ang katotohanan sa likod ng kanyang maskara, ang katotohanang lingid sa kaalaman ng mga anak namin, ‘di na kami tabi matulog! Isang kunyaring pagsasamang mag-asawa sa harap ng mga anak namin at mga taong nakakikilala sa pamilya namin.

Nakarating ako sa bansang QATAR, dito ko naranasan ang buhay na malayo sa kanya at dito ko rin natagpuan ang panibagong tukso sa aking buhay! Isang lalaki ang ‘di ko inaasahan na maging karelasyon ko dito; naging mabait naman siya sa akin sa kabila ng status namin sa buhay! Alam kong mali, pero nadala ako sa tukso at ang isang katotohanan na kailangan kong itago at ingatan ay ang tunay na kasarian ng aking Mister sa harap ng aming mga anak. Isang sitwasyon na nagpabigat sa damdamin ko.

Ngayon, nagsasama pa rin kami sa iisang bubong bilang mag-asawa sa harap ng iba. At alam na rin niya na may karelasyon ako at tanggap naman niya. Mag-asawa kami sa harap ng mga taong importante sa amin pero sa likod ng tabing ng maskara, nandoon ang tunay niyang katauhan na dala-dala niya sa mahabang panahon.

#DFBI  #DFBloggersIntl  #DFBloggerJovelyn

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)