Sa Likod Ng Basura Ay Ang Apat Na Gulong

(Photo credit: Facebook)
(Photo credit: Facebook)
(Photo Credit: Facebook)

Sa init ng sikat ni Amang araw at sa lamig ng simoy ng hangin, sa bawat dampi nito sa aking balat  balahibo’y nagsisintindigan, dahil dama ko ang lamig sa aking kaibuturan. Dalawa kong kamay ay hawak-hawak ang dalawang plastic bags na ang laman ay puro basura mula sa bahay ni Madam. Sa ilang dipa papunta sa garbage bin ay saktong itatapon ko na sana ang plastic bags, ngunit isang boses ang aking naulinigan mula sa aking likuran at ang linya ay:

“Sabre (Wait)”

Bigla akong napalingon at narito pala si Tatang, sa suot niyang maduming kandura, sa puti nitong balbas at buhok at  itim na guwantes sa dalawang kamay, na hawak ay brush at dust pan. Tama, siya nga si Tatang na tagalinis ng aming compound tuwing umaga, at basurero naman pagkatapos niyang magwalis sa boung villa.

Sa edad nito na ‘di lalayo sa 60 years old, malakas pa itong tumuwad o dumampot ng mga nangangamoy na basurahan! Minsan akong napasilip nang marinig ko ang lakas ng mga dagundong sa labas ng bahay ni Madam. Sa bawat tunog na: BOG..BOG..BOG! Alam kong si Tatang na naman ang nasa labas.

Sa aking pagmamasid sa bintana, bawat dampot ni Tatang sa mga plastic bag, karton at paper bag ay diretso niyang itinatapon sa kanyang truck! Sabay hayod sa kanyang likod. Bigla akong napaisip; sa edad ko na trenta na kalahati ng edad ni Tatang na sixty, katulad  rin kaya niya ako na tatanda sa pagbabanat ng buto dito sa disyerto? Isang buntung- hininga ang aking pinakawalan at ang mga katanungan na:

Paano na lang?

Tatanda ako sa pagiging alila dito sa dayuhang bansa?

Napailing ako sabay sa pag-usad ng garbage truck hanggang hindi ko na makita si Tatang. Kaya sabay sarado sa bintana at agad na nag-kuskus ng mesa, dahil parating na pala ang aking amo at alaga at utos nila ay hindi ko pala nagagawa.

Kinahapunan, habang nakaupo ako sa dalawang baitang ng hagdan, habang busy ang mata ko sa pagbabantay sa makulit kong alaga, isang busina ng sasakyan at nakita ko itong tumigil sa ‘di kalayuan. Mata ko ay nabigla, dahil ang sakay ng four-wheel na Mitsubishi ay si Tatang!   Bumaba ang dalawang bata at isang babaeng naka-abaya. At sa lakas ga sigaw ng isang bata na “Yadi (Lolo)”, napagtanto ko na iyun pala ang mga apo niya! Pagkatapos mamulot ng basura ay may apat na gulong palang nakaparada si Tatang!

Buti pa si Tatang; may pamilya siyang mapaglalambingan pagkatapos ng kanyang trabaho. Pero, ako, eto, pagkatapos ng maghapong trabaho ay  pamunas at pambomba pa rin ang kaharap ko!  Tumanda na sa pagiging OFW na ni kalahating gulong ay hindi mabuo.   Buti na lang at may nag-iisang vintage akong sasakyan na ‘di papatalo at tipid sa gasolina —- ang CAR..ABAO ko.

Sa mata natin minsan na madaling manghusga ay may nakatabing palang isang katotohanan na pupukaw sa mali nating akala! Leksyon na dapat nating tandaan na kahit na may dungis at punit na mga suot na damit, ay may isang masaganang buhay pala sa likod ng pagpupulot ng basura ni Tatang.   ‘Di man kasing yaman ng mga hari, pero ang kasama ang pamilya dito sa dayuhang bansa ay isang yaman na niya na kahit sa mabahong amoy ng mga panis na basura ay may pamilya siyang masasandalan sa bawat pagod na nararamdaman.

Tayo kayang mga OFW, ano kaya ang nasa likod ng bawat paghihirap natin dito sa bansang dayuhan? Sarili na lang natin ang nakaaalam, ‘di ba? Na sana sa likod ng ating paghihirap ay may tagumpay sa hinaharap.

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)