Sa Kanyang Unang Pagluhod

Source: fredhatt.com
Source: fredhatt.com
Source: fredhatt.com

Nakatatlong tungga na ako ng gin ngunit parang wala parin itong talab sa akin. Sabi nila, alak daw ang kailangan upang lumakas ang loob mo na gawin ang isang bagay na ayaw mo ngunit kinakailangan.

Tumingin ako sa langit at sinalat ang bulsa kong walang laman. Napapikit na lamang ako dahil miski ang kalangitan ay kadiliman din ang sagot sa akin nang mga oras na ‘yun.

Bakit ba sa akin pa ito nangyari? Hindi naman sigurong masama na kwestyunin ang Diyos sa mga pangyayaring nagaganap sa buhay ko. Sunod sunod kasi ang pasakit. Hindi pa ako nakakabangon, ngunit heto nanaman ang isang problema na maglulugmok sa akin.

Isang tungga pa ng gin bulag ang dumaan sa aking lalamunan. Dama ko ang init na hatid ng alak sa aking katawan. Ayokong gawin ito ngunit kailangan. Noong nakaraang buwan ay iniwan ako ng asawa ko tangay ang dalawa naming anak. Reklamo niya sa akin ay wala daw silang mapapala kung mananatili pa sila sa poder ko. Hindi na niya matagalan ang buhay sa iskwater, ang jumper na kuryente at iligal na kabit sa tubig. Lahat na lang daw ba ay nakaw at pahiram? Wala daw ba akong ambisyon sa buhay? Ang gamot daw ba kapag nagkasakit ang mga anak ay galing sa “delihinsiya” sa palengke?

Wala akong nagawa nang dumating ako isang hapon na wala na akong pamilya. Nais kong magalit kay Rose ngunit mas nagagalit ako sa sarili ko. Tama siya, wala akong kwenta. Mas mapapabuti siya sa kamay ng kanong handang bigyan ang aking pamilya ng magandang buhay sa Amerika.

Hindi pa man ako nakakaahon sa hukay ay isa nanamang dagok ang nanglugmok sa akin. May sakit si Nanay at wala akong pera upang maipagamot siya. Si Nanay na lang ang kaisa-isang babaeng hindi ako iiwan, kaya naman lahat ay gagawin ko gumaling lang siya. Ngunit paano? Hindi sapat ang kinikita ko sa pinasukan kong trabaho. Kumayod man ako na parang Kuracha, hindi magkakahimala.

Naangilid ang luha ko pagsilip ko sa maliit na silid kung saan nakaratay si Nanay. Para bang kinukurot ang puso ko habang nakikita ko ang kulubot niyang kamay at ang buto’t balat niyang katawan.

Tinungga ko ang kalahating bote ng gin. Dinamdam ko ang init na dulot nito sa aking katawan. Maya maya lang ay gagawin ko ang isang bagay na hindi ko pinangarap o inakalang gagawin ko.

Oo. Mamaya ay ibebenta ko ang katawan ko sa mga bakla o matronang nais akong ikama. Mamaya ay lulurayin nila ang katawan ko. Gagamitin sa paraang gusto nila dahil bayad ako magdamag. Kahit ayaw ko, kung nais nila akong lamasin, lapirutin at ngasabin ay hindi ako aangal. Malaki ang bayad, sapat na upang maipagamot si Nanay sa mga susunod na araw.

“Tara na.” Sabi ng lalake sa kotse na pumarada sa harapan ko. Isang buntong hininga ang binitawan ko bago ako sumakay. Habang nasa daan ay di ko maiwasang kaawaan ang sarili ko. Isa akong mangmang, walang pinag-aralan, dukha at walang ambisyong lalake. Ito lang ba ang kaya kong gawin? Bayag nga lang ba ang kaya kong ipagmalaki? Asaan ang aking pagkalalake?

Huminto ang kotse sa isang bahay na may pulang pinto. Nanginginig ang aking tuhod at mukhang hinid sapat ang nainom kong alak. Pumasok kami sa loob at doon naghihintay ang lalakeng mas malaki pa sa akin.

“Hubad na.” Agad niyang sabi. At nang gabing ‘yun, nalaman ko na may mas mapait pa kesa alak. At sa kanyang pagluhod, bumuhos ang aking luha na kanina pa nag-uumapaw sa aking kalooban.

Sa kanyang impit na ungol, naririnig ko ang damdamin kong humahagulhol. At sa pagsunod ko sa mga nais niya, naramdaman ko ang galit sa aking sarili dahil wala akong magawa. Kontrolado ako ng pera.

Natapos ang magdamag na ituturing kong bangungot. At sa paghagis niya sa akin ng pera, nalaman ko ang tunay kong halaga.

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans