Sa Kabila Ng Lahat, Pinili Kong Magpakatatag

(Photo credit: acelebrationofwomen.org)
(Photo credit: acelebrationofwomen.org)
(Photo credit: acelebrationofwomen.org)

Tawagin nyo na lamang ako sa pangalang Beth.  Naisip kong ibahagi ang kuwento ng aking buhay at sana’y kapulutan ng aral.

Bata pa lamang ako nang maghiwalay ang aking mga magulang, dalawa lamang kaming magkapatid. Si ate ang napunta kay tatay at bilang bunso, ako naman ang naiwan sa poder ng nanay ko.

Nagkaroon ng kanya-kanyang pamilya ang aking mga magulang, at sa mura kong edad ay hindi ko pa lubusang maintindihan ang mga pangyayari. Nagkaanak ng dalawang babae ang nanay ko sa bago niyang kinakasama,  ngunit sadyang mailap ang suwerte sa nanay ko dahil namatay ang stepfather ko.

Muling nakahanap si nanay ng iibigin, matandang binata; wala naman akong masasabi sa kanya dahil naging mabait naman siya sa aming magkakapatid at tinanggap din niya kami; ‘yun nga lang may karamutan siya. “Ayos na lamang din, kaysa naman ang mahalay kami,”  pampalubag ko na lamang sa aking sarili.

Sadyang hindi naging madali ang aming buhay, kailangan naming kumayod at magbanat ng buto para makatulong kami sa gastusin sa bahay, gayundin sa aming pag-aaral. Trabaho sa bukid sa gitna nang mainit na panahon, pamimitas ng gulay kahit pa malakas ang ulan.

Nais ko sanang maghinanakit kay nanay kung bakit nag-asawa pa siyang muli.  Palagi kong naririnig na nagtatalo sila ng stepfather ko at nanunumbat ito na dahil sa aming magkakapatid kaya lalong naghihirap ang kanilang buhay. Nadagdagan ng isa pang lalaki ang aking kapatid kaya naman ang dating kulang ay lalo pang naging kulang para sa amin.

Sinikap kong makatapos ng elementary, dala-dala ang medalya bilang pangalawa sa aming klase, alam kong kaya kong manguna, ngunit dahil sa pagliban-liban ko tuwing may gawain sa bukid ay marami akong napalampas na pagsusulit. Dahil sa kakulangan ng pera, hiniram ko ang aking damit at sapatos na suot noong graduation ko.  Nakahihiya man na hindi bagay ang damit ko para sa okasyon at siniksikan ng papel ang sapatos ko para magkasya lang, naging masaya at proud pa rin ako sa aking sarili. Ninais ko ring makapag-aral ng high school, ngunit hanggang 1st year lamang ang natapos ko; hindi kasi sapat ang kinikita ko sa lahat ng gastusin, project at pamasahe pa lamang ay halos kulang na. Pinasya ko na lamang lumuwas sa Maynila at pumasok na kasambahay doon, hanggang sa nakapag-asawa na rin.

Tutol ang aking nanay sa aking pag-aasawa, dahil mahirap lamang ang aking bf at hindi raw ako kayang bigyan ng masaganang buhay. Dahil mahal na mahal ko siya, kaya sumama ako sa kaniya at nagtanan kami. Ayaw sa akin ng magulang niya, dahil baka raw gayahin ko si nanay na nakatatlo ng asawa.

Akala ko magiging madali ang lahat, hindi pala sapat lang na mahal mo ang isang tao; dapat pala ay kaya mo ring tanggapin lahat ng mayroon siya. Dahil sa palaging away ng aming mga magulang, umabot sa puntong kaming dalawa ay nag-aaway na rin. Pinapanigan niya ang kanyang mga magulang at ako naman ay pinagtatanggol ang aking nanay. Gustuhin ko mang bumukod kami, ngunit hindi namin kaya; wala kaming ipon. Hanggang sa binawi ako ng nanay ko sa kabila ng aking pagdadalang-tao. Ang asawa ko naman ay hindi na rin nagpakita sa akin dahil binawalan na rin siyang pumunta sa amin.

Walang gabing hindi ako umiyak noon, hanggang sa unti-unti ko na lamang natanggap sa aking sarili ang aking kapalaran. Akala ko’y ayos na lahat, ngunit biglang nagkasakit ang aking anak at nangailangan ng pera para sa kanyang mga gamot.

Muli akong lumuwas sa Maynila at nagtrabaho bilang tindera.  Mabait ang mga naging amo ko kaya’t lalo akong nagsipag at nagtiyaga sa trabaho. Dito ko nakilala si Eric, binata siya at mabait. Palagi akong nakahihiram sa kanya ng perang pampadala ko sa probinsiya, pati sa amo ko ay panay na ang bale ko dahil hindi sapat palagi ang naipadadala ko kay nanay. Nahulog ang loob ko kay Eric at kami ay nagpakasal. Tinanggap niya ang una kong anak at bumuo kami ng masayang pamilya, at nabiyayaan ng 4 pang supling.

Isa na yata sa pinakamasakit na pangyayari sa buhay ko ay noong magkasakit muli ang panganay kong anak.  Umutang ako sa lahat ng aking kakilala; pati lending ay pinatulan ko na rin maisalba lamang ang kanyang buhay, pero hanggang doon na lamang talaga siguro ang lahat.  Kinuha rin siya ng Diyos sa akin.

Masakit man, ngunit kailangan kong magpatuloy para sa apat ko pang anak. Naisip kong kailangan kong magpakatatag para sa kanila, sila ay nangangailangan din ng nanay na gagabay sa kanila. Nagsimula kaming muli ng panibagong buhay.  Walang tigil na pagkayod para makabayad sa mga pinagkakautangan, pag-aasikaso sa aking pamilya; dito umikot ang buhay ko. Hanggang sa may nakilala akong recruiter na nag-aalok papunta ng ibang bansa, wala daw gastos kahit na kusing. Pinilit kong mapapayag ang aking asawa para na rin sa kinabukasan ng aming mga anak.  Pagkalipas ng dalawang  buwang pag-aapply at pag-aayos ng mga papeles ay nakarating ako sa Saudi Arabia.

Paglapag pa lamang ng eroplano, naramdaman ko  ang kakaibang lungot. Iba ang klima dito gayundin ang salitang gamit na sa una ay hindi ko maunawaan. Nagtagal ako sa airport nang higit sa isang araw dahil wala pa ang aking sundo. Kasama ng Indonesian, Nepal at Ethiopian ay sinakay kami sa mini bus at dinala kung saan. Dito sa lugar na itoay  nakita ko ang ilan nating kababayan, mga takas daw sa amo. Marami rin ang ibang lahi na nandoon sa lugar na iyon.  Napag-alaman ko na ang lugar na ito pala ay “shua” or social welfare na tinatawag sa atin. Dinala raw kami doon dahil mahigpit na ipinagbabawal ang matagal na paghihintay sa loob ng airport.

Dito ay nakita kong hindi madali ang buhay ng mga kababayan nating takas sa amo, naghihintay lamang sila ng rasyon na pagkain. Ni hindi makatawag sa mga mahal sa buhay dahil walang pera. Nagtratrabaho sila doon, ngunit walang bayad; tanging donasyon lamang. Ang pagkain ngang rasyon ay tinitipid namin para umabot hanggang gabi para iwas sa gutom. Ilang araw rin akong nanatili doon, at naging kaibigan ko na rin ang ibang lahi na aking kasama.

Hanggang sa isang araw, sinundo na rin kami at dinala sa Riyadh, nagpalitan ng mga numero at tanging yakap na lamang ng pamamaalam ang aming iniwan sa isa’t isa. Gabi na nang makarating ako sa bahay ng magiging amo ko, kaya itinuro na lamang sa akin ni Sir ang magiging kuwarto at sinabing, “magpahinga ka na, at si Mam mo na ang bahala bukas na magpapalinawag ng mga gagawin mo.”

Maaga akong nagising kinabukasan at nakilala ko ang aking babaeng amo.  May katarayan siya. Isulat ko raw ang mga schedule ko sa wikang English dahil hindi ko pa naman daw alam mag-Arabic, sabay tanong niya ng, “Do you know how to write?” Ibang klase talaga ang tingin ng mga ito sa katulad kong katulong lamang. Naging ayos naman ang aking trabaho, sumasahod ako sa tamang oras; ngunit anim na buwan akong hindi pinagamit ng telepono. Kaya’t paminsan-minsan ko lamang nakukumusta ang aking pamilya. At dahil pala doon, ay nag-isip na nang masama ang aking asawa na ako ay nakalimot na.

Ang mga biyenan ko naman ay madalas na ang pagpunta sa aming bahay, at naging magiliw na sa akin. Dahil nais kong makaipon kaya ang palagi kong bilin sa aking asawa ay huwag magbibigay sa kanyang mga magulang, dahil tinitiis ko rin namang huwag magbigay sa aking nanay. Minasama na pala iyon ni Eric, akala ay nagdadamot lamang ako. Huminto rin siyang magtrabaho, sinunod niya ang kanyang magulang na magrebelde raw sa akin dahil ako ay lumayo. Naging madalas ang aming pagtatalo tuwing ako ay tatawag. Nabalitaan ko na lamang noong ikawalong buwan ko rito, na may iniuwi raw siyang babae sa aming bahay. Parang matatapos na ang mundo ko noon, iyak ako nang iyak at gulong-gulo ang aking isipan.

Hinayaan ko na lamang si Eric sa ginawa niya, sumama siya sa kanyang babae at iniwan ang aming mga anak sa bahay.  Baka doon siya masaya. Nandito ako sa Saudi para sa kinabukasan ng aking mga anak at sila ang dahilan ng lahat ng pagtitiis ko dito. Nagdesisyon akong mag-extend pa ng kontrata para makaipon at matapos lahat ng babayarin sa Pilipinas.

Hindi ako perpektong tao, sa lahat ng mga pinagdaanan ko alam kong magagamit ko ito sa paggabay ko sa ’king mga anak. Alam kong mahal pa rin ako ng aking asawa, nadala lamang siya ng tukso at sulsol ng mga taong nakapligid sa kanya; sana’y huwag pang mahuli ang lahat, sana’y magising siya sa katotohanan. Ako naman ay nandito lamang para sa aking pamilya, mahal na mahal ko sila, at gagawin ko ang lahat para sa aking mga anak, titiisin ko lahat ng hirap para sila ay makapagtapos ng pag-aaral.”

“Ayokong tuluyang masira ang aking pamilya, ngunit paano ko ito mabubuong muli kung ang mismong haligi ng tahanan ang siyang nagsilbing anay para ito ay masira?” 

About kambal

Simple lang ako. At naniniwala sa kasabihang " Ang pagiging masaya ay hindi ang pagkakaroon ng mga bagay na gusto mo, kundi pagiging kuntento sa kung anong pinag kaloob sa iyo."