Sa Araw Ng Pasko

Image by miapowterr via Pixabay

Pasko na naman ngunit wala ka pa
familyHanggang kailan kaya ako maghihintay sa iyo
Bakit ba naman kailangang lumisan pa
Ang tanging hangad ko lang ay makapiling ka

Sa tuwing nakakarinig tayo ng mga kantang gaya nito, hudyat na nga na malapit na ang Pasko.

Ang Paskong ito ay isang napakahalagang araw para sa mga katoliko kagaya ni Crisanto. Bukod kasi sa ito ang araw na ipinagdidiriwang ang kaarawan ni Jesus, ito rin ang espesyal na araw ni Crisanto dahil ito din ay kaarawan niya.

Ito rin ang araw na magkakasama ang buong pamilya. Kagaya na lamang sa pamilya ni Doc Cris. Magmula nang nag-asawa ito at bumuo ng pamilya, kailanman ay hindi nila nakaligtaan ang pagdiriwang ng pasko. Pagkatapos nilang magsimba ay nagkakaroon ng salo-salo sa malawak na harden ng kanilang bahay.

Puno ng masasarap at iba’t-ibang pagkain ang hapag kainan nila. May spaghetti, salad, embutido, menudo, caldereta, cake, ice-cream, litson, hamon de bola at marami pang iba. Ang buong bahay ni Crisanto ay puno ng mga Christmas lights. Ang kanilang Christmas tree ay puno ng palamuti at sa ilalim nito puno ng mga regalo. Para sa kanilang limang kasambahay, tatlong drayber at dalawang guardiya, ito rin ang araw na hinihintay nila bukod kasi sa naiuuwi nila ang mga natitirang pagkain ay binibigyan pa sila ng pera ni Crisanto.

Isang beses nagkatampuhan si Crisanto at ang asawa nitong si Luisa. Nalaman niya kasi na binigyan ni Crisanto ng tig-dalawampung-libo ang bawat isa sa kanilang kasambahay, pati na rin ang drayber at guwardiya nila.

“Hon, that’s too much! Masyado ka nang naging mabait sa kanila,” pasigaw na sambit ni Luisa.

“Hon, Pasko naman ngayon, intindihin mo na lang ako. Alam mo naman na ito ang kaligayahan ko. Ang magbahagi ng kung anong meron ako sa ibang tao. Isipin mo na lang na nakatutulong tayo sa kanila. Maibabahagi din nila ang halagang ito sa kanilang mga pamilya.”

Mahinahon na ipinaliwanag ni Crisanto sa asawa. Magmula noon inunawa na lamang ni Luisa ang gusto ng asawa. Unti-unti niya na ring binago ang ugali nito. Hindi na siya nagiging madamot at kuripot. Sinusubukan niya na ring maging mabait at mabuti sa ibang tao. Lalo na sa mga kapus-palad. ‘Yun kasi ang laging sinasabi ni Crisanto na itinuturo niya rin sa kanyang dalawang anak na lalake.

Sa katunayan regular na nagbibigay ng donasyon si Crisanto sa kanilang simbahan. Tumutulong din ito sa mga charity clinic. Bilang isang Doctor nasa puso ni Crisanto ang pagtulong; hindi lamang sa pamamagitan ng paggamot sa mga may sakit. Tunay na may busilak na puso si Crisanto at namana niya ito sa mga magulang niya. Kahit na mahirap lang sila noon, tinuruan siyang maging mabait at maging matulungin sa kapwa.

Lingid sa kaalaman ng lahat, bago pumatak ang alas dose at sumapit ang pasko, madalas na umiiyak si Crisanto, nagdadahilan lamang ito sa kanyang asawa tuwing siya ay tatawagin na,

“Hon, 11:30 pm na malapit na magpasko lumabas ka na riyan.”

Kinakatok siya ng asawa sa tuwing malapit na ang Pasko.

“Sige, hon, mauna ka na susunod na ako.”.

Hindi nila alam na mataimtim na ipinagdarasal ni Crisanto ang kanyang mga magulang na sabay na pumanaw isang araw bago sumapit ang pasko. December 23 alas diyes ng gabi, nalaman ni Crisanto noon na pumanaw ang kanyang mga magulang.

“Crisanto! ‘Yung nanay at tatay mo, nasagasaan ng tren. Nandun, putol yung katawan nila, patay na. “

Hindi makapaniwala si Crisanto sa ibinalita ng kaibigan niya.

“Hindi totoo ‘yan! Nangako sila sa akin na pagbalik nila ay may dala na silang pagkain, makakakain na ako ng litsong manok ng Andoks.”

Umiiyak na kinukumbinsi ni Crisanto ang kaibigan nito na sabihing hindi totoo ang ibinalita nito. Mahirap lang sila, nakatira sa squatter malapit sa riles ng tren. Parehas na nangangalakal ang magulang niya. Madalas ay magkakasama silang tatlo na nangangalakal. Pero noong araw na ‘yun, iniwan nila si Crisanto.

“Anak, maiwan ka muna ha? Kami na lang ni nanay ang mangangalakal ngayon, pagbalik namin may dala na kaming litson manok.”

‘Yun ‘yung litsong manok na madalas nilang nadadaanan sa tuwing namumulot sila ng mga plastik sa kalsada. Sa halagang halos isang daan araw-araw na kita nila hindi nila kayang bumili ng litson manok.

Sa hirap ng buhay nila ni minsan ay hindi pa nakatitikim si Crisanto ng litsong manok na ‘yun noong bata pa siya.

“Talaga, tay? Bibili kayo ng litson manok mamaya, ‘yung nandun sa kanto? “

“Oo, anak, pangako ‘yun,” nakangiting sambit ng tatay nito.

“Pero tay, mahal ‘yun, ‘di ba?”

“Kaya nga maiwan ka muna dahil pupunta kami ng nanay mo sa plaza. Maraming tao dun ngayon. Sigurado akong marami kaming mapupulot na mga plastic dun.”.

“Sama na lang ako, tay, tutulungan ko kayo para marami tayong mapulot.”.

Nagpupumilit na sumama si Crisanto noong araw na ‘yun subalit hindi na siya isinama.

“Maiwan ka na lang muna, anak, malayo ang plaza, maglalakad lang kami ng nanay at ayaw namin na mapagod ka. Bantayan mo na lang at baka dumating si Santa Claus, magbibigay ng regalo sa ‘yo mamaya,” pabirong sambit ng tatay niya. Lumapit si Crisanto sa tatay niya na may dalang sako at niyakap niya ito nang mahigpit.

“Sige, tay, hihintayin ko kayo ni Nanay. Tay, paglaki ko maghahanap ako ng trabaho para yumaman na tayo. Hindi na kayo mamamasura ni Nanay.”

Umalis na ang nanay at tatay niya. Pinagmamasdan niya ito habang papalayo nang nakita ni Crisanto na naiwan ang bote ng coke na may tubig at isang supot ng tinapay. Tumakbo ito at hinabol ang Nanay at Tatay niya.

“Nay, Tay, ‘yung baon n’yo po, naiwan ninyo, baka magutom kayo.”

“Naku, anak, tubig na lang ang sa amin, sa iyo ‘yang tinapay, ‘yan na muna ang tanghalian mo mamaya. Hintayin mo kami, sabay tayong maghahapunan,” sabi ng nanay ni Crisanto sabay haplos sa ulo niya.

Hindi alam ni Crisanto na ‘yun na pala ang huling pag-uusap nila ng Nanay niya. Naghintay siya hanggang sa sumapit ang dilim. Kumakalam na ang sikmura niya at hinihintay ang Nanay at Tatay niya. Subalit isang masamang balita ang kaniyang nabalitaan.

Pumunta si Crisanto sa pinangyarihan ng aksidente at nakita niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang mga magulang. Putol ang katawan at naliligo sa sarili nilang dugo. Nagkalat din ang punit na lagayan ng litson manok at pati na rin ang litsong manok na dala nila. Tinupad nga nila ang pangako sa anak na bumili ng litson manok. Napag-alaman na sa kakamadali ng mag-asawa na umuwi, dala na rin ng pagod at gutom ay hindi nila napansin na may paparating na tren.

“Nay, Tay, bakit n’yo ako iniwan? Sabi n’yo hihintayin ko kayo, sabay tayong maghahapunan. Nay, Tay bakit? “

Ang kawawang Crisanto. umagos ang luha sa kanyang mga mata. Umiiyak din ang mga tao sa paligid niya habang pinagmamasdan siyang nakahandusay. Niyakap ang duguang magulang.

Sumapit ang pasko na nakaharap si Crisanto sa kabaong ng Nanay at Tatay niya.

“Tay, iniwan n’yo na ako. Hihintayin ko pa rin si Santa Claus, ‘di ba sabi mo darating siya?” Umiiyak na kinakausap ni Crisanto ang kanyang tatay.

Tumakbo siya at pumunta sa riles ng tren at sumigaw.

“Santaaaaaaaaa…. Claus! Dumating ka na, ibalik mo ang Nanay at Tatay! Sila ang gusto kong regalo. Ayoko na ng litson manok”

Halos bagsakan ng langit at lupa ang sampung taong gulang pa lamang na si Crisanto noon. Halos ilang buwan din itong tulala at hindi makapagsalita. Dahil wala na itong kamag anak ay kinuha siya ng DSWD. Tumira siya doon ng halos tatlong taon hanggang sa may umampon sa kanya na mayaman. Pinag-aral siya at itinuring na pamilya ng mga tiyuhin ni Luisa. Hanggang sa siya ay naging ganap na Doctor nagsumikap siya sa buhay upang hindi maranasan ng magiging anak niya ang pangangalakal.

Noon may mga pagkakataon na natutulala ito sa tuwing napapadaan siya sa riles ng tren. Napapaiyak sa tuwing nakakakita ng tren; maging ng litson manok. Naalala niya ang mga magulang niya.

Subalit pinilit niyang makalimutan ang nakaraan upang hindi na ito masaktan. Ngunit hindi kailanman nabubura sa kanyang alaala ang mga pangyayari. Umaasa si Crisanto na sa pamamagitan ng pagtulong niya sa kapwa lalo na sa tuwing sasapit ang pasko ay mapapanatag na rin ang kalooban niya at matutuwa ang mga magulang niya.

Kaya tuwing pasko laging sinasambit ni Crisanto ang mga salitang,

“Sana ngayong pasko nandito kayo, Nay, Tay, marami kaming handa, hindi lang litson manok. Kaya lang wala kayo dito, Nay, Tay. Sana nandito kayo.”

Ang bawat tao sa mundo ay may kanya-kanyang kuwento. Katulad ng kwento ni Crisanto, may dahilan kung bakit kailangan mangalakal ng magulang niya noong araw na ‘yun. Dahil may isang batang Crisanto na naghihintay na makatikim ng litson manok kahit sa araw lang ng pasko.

‘Yung iba sa atin, aminin man natin o hindi, kung minsan ay pinandidirihan ang nga nangangalakal. ‘Yung iba sa atin, inaakalang sila ay magnanakaw. Subalit nagkakamali tayo, hindi lahat ng hinala ay totoo. Sana ngayong pasko o kahit na hindi pasko ay abutan natin sila ng kahit na kaunting halaga. Huwag na muna nating isipin na kinukunsinti natin ang mga nanlilimos. Isantabi na muna natin ang pangangatwiran ng…

“Ang laki ng katawan, bakit hindi maghanap ng trabaho.”

Sana ngayong Pasko, ibahagi mo naman ang kung anong sobra na meron ka. Para makapagpasaya ka naman ng kapwa mo. Kahit na ngayong pasko lang.

Malay mo sa susunod na Pasko ikaw naman ang mangailangan at aasang aabutan at bibigyan.

-WAKAS-

Tara, kanta muna tayo!

 

About mjsweetiecarreon

My writings are filled with angst. Deep emotions and a wild imagination are a source of creativity. It is powerful and consuming. I like to entertain people through my stories. Life is one colorful rollercoaster ride . http://www.facebook.com/maryjoy.carreon.9