Sa Araw Ng Aking Pagtatapos!

graduation photoHINDI kami mayaman. Tipikal na pamilyang nakatira sa isang maliit na tahanan dito sa kalakhang Maynila. Katunayan, isa lamang sekyu sa isang maliit na ospital ang aking ama, samantalang tindera naman ng mga gulay sa talipapa ang aking ina.

Bukod doon ay lima kaming magkakapatid na magkatuwang nilang binubuhay, iginagapang sa pag-aaral at pilit na tinutustusan ang mga pangangailangan naming magkakapatid sa araw-araw.

Ako si Jerlyn, panganay sa aming magkakapatid. Magtatapos ngayong buwan sa hayskul at ang tanging bagay na maipagmamalaki ko sa aking mga butihing magulang ay ang diploma at medalya na bunga ng aking pagsisikap at pagpupursige na makatapos sa sekundarya. At siyempre, ang walang patid na pagsisikap din ng aking mga magulang na igapang ang aking pag-aaral hanggang sa ako ay magtapos. Utang ko ang lahat ng ito sa kanila.

Alam ko na hindi birong sakripisyo at hirap ang ginagawa nina Itay at Inay para lamang maigapang kaming magkakapatid sa aming pag-aaral. May mga araw na pumapasok kaming walang baon na pera. Pero hindi iyon naging hadlang para huminto kami sa pag-aaral.

Katunayan, ang kahirapan na aming tinatamasa ngayon ang isa sa mga naging inspirasyon ko para pagbutihan ang aking pag-aaral at para makapagtapos. Alam kong isa ang edukasyon sa mag-aahon sa amin sa kahirapan balang-araw.

Kaya naman sa araw-araw na pagpasok sa eskuwelahan, sinisigurado kong isa ako sa mga magagaling at mahuhusay na estudyante. Lagi akong tutok sa bawat aralin sa loob ng klase, laging aktibo sa lahat ng extra curricular activities at mapalad ako dahil kabilang ako sa magtatapos ngayon sa aming batch na may bitbit na karangalan.

Magtatapos ako bilang isang Salutatorian!

Nakita ko sa luhaang mga mata ng aking mga magulang nang sabihin ko sa kanila na magtatapos ako na Salutatorian ang labis na galak at tuwa. Batid kong walang pagsidlan ang nadarama nilang kaligayahan ngayon dahil sa karangalang ito. Ramdam ko rin na sobrang proud sila pareho at alay ko sa kanila ang tagumpay kong ito.

Sila ang aking inspirasyon sa tuwina. Ang aking lakas para maging matatag sa anumang hamon ng buhay dala ng kahirapan, ang aking pinakamahusay na mga guro, at ang mga idolo ko sa lahat ng bagay.

Kaya sa aking pagtatapos, tutuntong ako sa entablado habang suot ang puting toga na punong-puno ng mga ngiti, pag-asa, pagmamalaki at pasasalamat. Kasama ang aking mga magulang.

At sa araw ng aking pagtatapos, kasabay ng pagmartsa at pagbigkas ko sa aking Salutatory speech, ay ang pangako sa aking sarili na sa pagtuntong ko sa kolehiyo ay mas gagalingan at tututukan ko pa ang aking pag-aaral.

Umpisa pa lamang ito ng mas mahirap na yugto sa buhay ko bilang isang estudyante. Batid kong marami pa akong susuunging hirap at sakripisyo, lalo na ang aking mga magulang.

Kaya gagawin ko ang lahat para mairaos ko din ang aking pag-aaral sa kolehiyo at kailanma’y hinding-hindi ko bibiguin ang aking mga magulang.

Pangako ko rin sa aking sarili na darating ang araw na maiaahon ko sa kahirapan ang aking mga magulang at mga kapatid. Gagamitin ko ang talinong kaloob sa akin ng Diyos upang magtapos ulit ng may bitbit na karangalan sa kolehiyo pagdating ng panahon.

At ito rin ang magsisilbi kong sandata para maabot ang aking mga pangarap sa buhay!

“Education is one of the steps to reach our dreams and goals in the future.”

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!