Sa alaala ni Tito Milambiling: Ang Pagpanaw At Muling Pagkabuhay Ng Isang Alagad Ng Sining

Imahe mula sa Facebook account ni G. Milambiling

Isa sa pinakamahuhusay na kartunista ng kanyang panahon, isa sa founding members ng Samahang Kartunista ng Pilipinas, isang respetadong alagad ng sining — ito ang artist-editorial cartoonist na si Tito Milambiling.

Sa edad na 73 ay pumanaw noong Marso 9, 2018 si Milambiling, pagkatapos ng ilang taon na pakikipaglaban sa karamdaman. Nagluksa hindi lamang ang kanyang mga kapamilya at kaibigan, kung hindi maging ang buong industriya ng mga kartunista.

Imahe mula sa Facebook account ni G. Milambiling

Mula sa pagbabahagi ng throwback photos ng kanyang mga comics strip at mga nilikhang karakter sa iba’t ibang social media platform hanggang sa isa-isang paglabas ng mga comic strip na tribute para sa kanya, damang-dama kung paano naapektuhan ang emosyon ng mga kartunista sa bansa.

At nitong Marso 18, mahigit isang linggo mula noong siya ay pumanaw, ibinahagi ng Samahang Kartunista ng Pilipinas sa Facebook page nito ang ilan sa mga tribute na lumabas sa iba’t ibang pahayagan.

“Tito Milambiling’s death drew various reactions from his colleagues in the cartoon world. The results show in this cornucopia of cartoons,” saad sa caption ng album na pinamagatang Homage to Tito M.

“Tito Milambiling (24 December 1944 – 9 March 2018), editorial cartoonist of Balita, is one of the founding members of the Samahang Kartunista ng Pilipinas (SKP). He is the hand behind The Manila Bulletin’s “Kusyo at Buyok.” An active member and past SKP President, Milambiling has also done editorial cartoons for the Southern Tagalog Bulletin and Bayan News,” pagpapatuloy nito.

Narito ang ilan sa 21 comics strips na ibinahagi sa nasabing page:

Imahe mula sa Facebook page ng Samahang Kartunista ng Pilipinas
Imahe mula sa Facebook page ng Samahang Kartunista ng Pilipinas
Imahe mula sa Facebook page ng Samahang Kartunista ng Pilipinas
Imahe mula sa Facebook page ng Samahang Kartunista ng Pilipinas

Habang binabasa ang mga comics strip na ito, paulit-ulit kong naiisip na totoo nga marahil na hindi pumapanaw ang isang alagad ng sining.

Sa pagyao nila, isa-isang maglalabasan ang mga naging kontribusyon nila sa industriya at sa buhay ng ibang tao sa iba’t ibang aspeto. Dito, mabubuhay muli sila — at isang araw ay babalikan muli ng ibang henerasyon ang mga likha nila, sa klase  man o sa silid-aklatan o sa lumang “baul” kung saan inimbak ng mga nauna sa kanila.

Hindi nga marahil namamatay ang isang alagad ng sining. Ang mga alagad ng sining ay palaging may iiwang bakas; hindi lang sa kinabibilangan nilang larangan, kung ‘di sa mga buhay na nahipo nila at sa mga bahay na pinamanahan nila ng memorabilya.

Kapag minahal mo ang sining, mamahalin ka rin nito — at bibigyan ng buhay na walang hanggan, ng imortalidad.


Mananatili kayong buhay, Tito Tito —  sa alaala at sa inyong mga obra. – Cha

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a former Manila Bulletin reporter, a passionate literary writer, and a resource speaker. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page (http://facebook.com/minsanokaylangmatraffic2016) and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016