Room Nurse?

nurse
Credits: pinterest.com

“…actually hindi naman kailangang ang NURSE ay matapos ‘yung BSN.  Kasi ‘tong ating mga nurses, gusto lang nilang maging room nurse o sa Amerika or sa other country is ano lang sila, ‘yung parang mag-aalaga.  Hindi naman sila kailangang ganun kagaling.”

 

Hindi ko inakala na ang natutulog na parte ko para makapagsulat ay magigising dahil sa ilang salita na binitawan ng isang tao. Isang tao, na noon ay sobrang hinahangaan ko dahil sa mga bagay na naririnig at napapanood ko na ginagawa niya. Mga bagay gaya ng pagtulong para sa mga mahihirap at maliliit na tao, mga pagkakataong ibinigay niya sa marami para magbago.

Pero bakit nga ba sa dami ng masasaling niya, ang mga Nurse pa ang minalas?

Isa akong nurse. Halos limang taon nang pasado ng board exam, at ngayon ay kasalukuyan nagtatrabaho sa Kuwait bilang isang nurse educator. Bago mapunta sa bansa na ito, naging operating room nurse ako (hindi room nurse), naging clinical instructor, naging academic instructor sa ilang nursing college, naging review lecturer, naging tutor, at naging volunteer. At lahat ng iyon ay nagawa ko, pagkatapos ng apat na taong pag-aaral sa kolehiyo sa kursong hindi ko man dati gusto, pero natutunan kong mahalin.

Apat na taon. Apat na mahabang taon ng puyat, pagod at sakripisyo. OA man pakinggan, dugo at pawis ang puhunan ng mga nurse na kagaya ko. OA man, pero totoo.

Sa desisyon pa lang na piliin ang kurso, malaking tapang na ang kailangan. Hindi naman lingid sa atin ang gastos bago matapos ang kurso.

  • sa tuition fee (parang may LBM ang bulsa ng magulang namin sa paglabas ng pera),
  • sa libro (na parang nagpapaligsahan sa mahal ang bawat subject),
  • sa uniforms (na nagpapalit every year, o may nadadagdag taon-taon. Mula sa simpleng school uniform, na nadagdagan ng CHN uniform, na nagpalit ulit nung capping at naging all-white noong clinical duty, na nadagdagan ng smock gown, na muling nagpalit sa scrub suit.)
  • sa gamit (devices, apparatus at supplies. Akala nyo ba na nahingi lang namin ang ginagamit namin na “BP app” tuwing nagpapakuha kayo ng BP sa community? Gloves, thermometer, isama pa ang sandamakmak na papel at notebook para sa partial charting at endorsement. Print para sa case studies.)

Unang taon. Gaya ng lahat, dumaan din kami sa Physics, sa Chemistry at sa Algebra. Nalito din kami sa numero ng Statistics, nagtanong din kung kailangan ba talagang pag-aralan ang Filipino, Economics and History. Nagkabisado din kami ng Bill of Rights sa Constitution, kilala din namin ang mga naging jowa ni Rizal. Dahil gaya ng ibang kurso, dumaan din kami sa mga subjects na inayawan nyo.

Pangalawang taon. Kalahati sa kaklase namin ang nawala, kick out kasi. Hindi gaya ng iniisip ng iba, hindi naman basta-basta lang pumapasa ang nursing students. Dinala sa komunidad, natikmang maglakad sa init ng araw. Madalas, ang puting uniporme ay nababahiran ng putik at alikabok, dahil hindi sementado ang komunidad na nilalakaran. Walang katapusang BP, walang katapusang survey, daig pa namin ang pinapasweldo ng gobyerno kung makipag-usap sa mga tao. Pero walang reklamo, ginusto namin to.

Dumating ang capping at pinning sa pagitan ng ikalawa at ikatlong taon. Ibinigay ang cap para sa ulunan ng mga babae habang kumikinang na pin sa dibdib ng bawat lalaki. Masarap sa pakiramdam, dahil kahit na nung panahon na yun, madami na naman ang nalagas sa klase, at least hindi kami nasama sa panibagong set ng iki-kick out sa university. At least, na-experience na makapagsindi ng kandila at nakasulyap sa magandang binibining gumanap sa role ni Florence Nightingale.

Ikatlong taon ng magsimulang magduty sa hospital, at dito, nabuksan ang bawat aspeto ng pagkatao namin. Ang totoong mukha ng kahirapan sa public hospital. Ang halaga ng pera at naitutulong nito kapag nasa private hospital. Iba-ibang kwento, iba-ibang tao, sa bawat duty namin sa hospital at pagpasok sa kwarto ng pasyente, bagong karanasan ang natutunan, bagong kaalaman ang tinatandaan. Papasok sa klase, maghahanda para magduty, hindi kami superhero, pero kinakaya namin ang magdamagang duty kahit pa mahirap ang NCm exam kinabukasan. Sa lagay na yan, hindi nga ba kailangan “ganun kagaling” ang nurse.

Dumating ang affiliation. Panibagong kalbaryo, bukod sa mahal na babayaran, panibagong mental torture. Sa dami ng trabaho, at maiksing preparation, kailangan mo talagang magdoble-kayod. Panibagong pagkamulat sa mukha ng lipunan, lalo na nung panahong nakasalamuha ang mga may problema sa kaisipan. Namulat sa mga totoong kwento ng lipunan, namulat sa bangis na minsan ay ibinibigay ng kapalaran.

Huling taon, akala namin madali na, pero dito pa pala pinakamahirap. Mag-iipon ng cases para sa board, in-house review at walang humpay na bayarin. Pero sa taon din na ito, nakita namin ang totoong halaga ng pagsagip ng buhay sa operating room. Dito din namin nakita ang kadakilaan ng ina sa pagbibigay ng bagong buhay sa kanilang mga anak. Dito din namin nakita at narinig ang mga unang uha ng buhay galing sa bagong silang na sanggol.

Matapos ang graduation, akala namin tapos na ang hirap. Kasama yata talaga sa kapalaran ng nurse ang salitang sakripisyo, dahil bilang nurse, board exam naman ang susunod na kakaharapin mo. Ilang buwan ng hirap sa pagrereview, ilang nakakabaliw na gabi ng kaba at pag-iisip. Hanggang sa paghihintay sa resulta upang malaman kung ikaw ay nakapasa, isa ding malaking penitensya.

Kaso, pagkapasa ng board, wala din kaming makikitang trabaho. Mabibiktima ng “false volunteerism”, pagsasamantalahan ang kalagayan. Magtatrabaho ng walang pagod, habang ang sweldo ay kakarampot. Sabagay, maswerte pa ang may sweldo, dahil karamihan sa amin, ultimo pamasahe papasok sa hospital ay hinihingi sa magulang.

Sa kabila nito, nakakaamag ng utak makarinig ng komento kagaya nung nasa taas…

Nurse kami…

Hindi basta libro ang binabasa namin, kundi makakapal na libro, yung tipong mas mabigat pa sa utak ng tao. Sa sobrang bigat nito, hinati na sila sa dalawang magkahiwalay na volume. Hindi pa natuwa yung gumawa, may hiwalay pa na worksheet. Mapapa-“sheet” ka talaga kapag sinimulan mo siyang sagutan.

Nurse kami…

Hindi basta exam ang sinasagutan namin, hindi basta multiple choice o identification. Ang bawat tanong sa amin, may kwento, may karanasang nakapaloob. Sinasanay kaming sumagot, makisalamuha at makipag-usap sa bawat uri ng tao. Sinasanay kaming alamin at pakisamahan ang bawat isang tao na nasa loob at labas ng hospital. Doktor, pharmacist, dietician, medical technologist, pati nga mga radiologist. Lahat ng yan, kahit paunti-unti, pinag-aralan namin ang kanilang nalalaman, upang sa pagkakataon na nagkakaroon ng banta sa buhay ng pasyente, hindi kaming parang lutang na susunod ng basta-basta. Lahat sila, idagdag ang pasyente sampu ng mga kamag-anak nila, pinag-aralan naming pakisamahan.

Nurse kami…

Hindi kami basta lang nag-aalaga ng pasyente, nagdudugtong kami ng buhay. Sa bawat paalala namin, sa bawat pagsubo ng pagkain, sa bawat paglilinis ng katawan, sa pagtulong na magbihis, sa pagbibigay ng gamot, hindi lang namin kayo basta inaalagaan, buhay ang dinudugtungan namin.

Nurse kami…

Hindi papel ang hawak namin, hindi pera ang binibilang. Hindi kami nakaharap sa computer, hindi kami nagtatayo ng bahay. Pero sa amin, walang delete, walang back space, walang auditing. Hindi uso ang take 2, hindi pwede ang recounting. Dahil sa amin, ang pagkakamali ay katumbas ng isang buhay. Isa sa mga buhay na ipinagkatiwala sa aming mga kamay.

Sa bawat sanggol na natulungan namin makaiyak ng maayos pagkatapos i-suction…

Sa bawat balikat at kamay ng inang nagsisilang na sanggol na hinawakan namin…

Sa bawat yakap at ngiti na ibinigay namin sa bawat batang umiiyak…

Sa bawat pawis na tumulo at paang nangalay habang nasa mahabang operasyon…

Sa bawat pag-alalay sa paggalaw sa mga matandang pasyente…

Sa bawat sigaw na tinaggap mula sa doktor o pasyente kahit na walang kasalanan…

Sa bawat suka, dumi, ihi at dugo na minsang nagmantsa sa puti naming uniporme…

Sa bawat tanong na sinagot ng ngiti..

Sa lahat ng wheelchair na itinulak namin palabas ng hospital para sa pasyenteng gumaling at napagaling…

Sa pagtitiyagang magbigay ng hot o cold compress…

Sa bawat pagtitiyagang maglinis ng sugat at magwound dressing.

Sa bawat bed making at bedside care.

Sa bawat TSB…

Sa bawat charting…

Sa bawat endorsement…

Sa bawat pagsisikap na maka-in ng IV line ng isang beses lang…

Nurse kami, at kahit pa caregiver ang trabaho namin sa ibang bansa, mananatili ang karapatan naming irespeto ng kapwa namin. Respeto, at kailanman ay hindi dapat kuwestyunin ang kakayahan at galing.

Hindi mo maaaring timbangin, sukatin o bigyan ng level ang galing ng isang totoong nurse… kahit na sino ka pa….

About Mga-sulat-kamay

Hindi ko sasabihin ako ang ideal na tao... nagkamali, nadapa, nasugatan, dumugo, umiyak.. tumahan, naghilom, nagpeklat at sinubukang muli... ganyan ako, hindi perpekto... pero at least totoo... mga sulatin na may konting amag, pero 100 % biodegradable at consumable... safe but with little side effects.. ^_^