Right Love, Wrong Time

(Photo Credit: fabquote.co)
(Photo Credit:     fabquote.co)
(Photo Credit: fabquote.co)

Heto na naman tayo.

Sa parehong oras, sa parehong lugar.

Ngayon, makikita na naman kita, magkukuwentuhan na naman tayo, magtatawanan, magbibiruan. Tulad nang mga nakaraang araw kung saan ang oras ay hindi nararamdamang lumilipas kapag magkausap tayo.

Nakatutuwang isipin na parang kailan lang ay hindi tayo nag-iimikan kasi hindi tayo magkakilala, pero dumating yung araw na binati mo ako.  Iyon na din ‘yung araw na naging simula na naging magkaibigan tayo.

Ilang araw pa nga lang ba ang lumilipas simula noon?

Medyo linggo na rin ang nabibilang, pero pakiramdam ko maraming taon na tayong magkakilala. Iyon din yung sinabi mo sa akin, na parang matagal na tayong magkakilala kasi ang bilis nating naging komportable sa isa’t-isa. Nakakapagbiruan tayo ng mga bagay na ‘di natin puwedeng gawin sa tipikal na kakilala lang.

Ang sarap sa pakiramdam na sa bawat pag-uusap natin ay hindi nawawala ang wagas tawanan.  Minsan, sinabi mo na kulang ang araw mo pag hindi mo ako nakakausap, ako din naman, you are my daily dose of medicine.

Minsan nga nasabi ko din sa ‘yo yung sinabi ni Bella kay Edward sa pelikulang Twilight.   Ang sabi ko sa ‘yo, “you’re my personal brand of heroine.”

Kinilig ka, tinawanan kita, niyakap mo ako.

Ang saya nating dalawa kapag magkasama; nahahawakan mo ang mga kamay ko, nayayakap mo ako. Lahat yun nagagawa natin nang walang halong malisya. Tipikal na magkaibigan ang turingan natin, pero alam naman natin yung totoong nararamdaman ng bawat isa.

Nagulat ako minsan nang bigla mo akong tinanong kung bakit ngayon lang ako dumating sa buhay mo.  Tumawa ako at sinabi ko na ganun talaga ang buhay, may mga bagay na gusto natin, pero hindi puwede. Itinakda na hanggang magkaibigan lang talaga tayo at sapat na iyon para ipagpasalamat.

Tapos biglang bumanat ka “ang problema sa ‘yo, huli kang ipinanganak.

Sinagot kita – “ang problema sa ‘yo ang aga mong ipinanganak” – na sinundan natin ng malakas na tawanan kasi nanghiram na naman tayo ng linya sa pelikula. Pero yung damdamin na sa isa’t isa ay naipararamdam lang natin sa pamamagitan ng mga biro. Biro kasi hindi puwedeng totohanin.  Hindi puwedeng totohanin kasi bawal. Bawal kasi may nagmamay-ari na sa ‘yo.

p.b 02.03.13 / 22:30

About Purple Blaze

I read, I listen, I observe, I feel that's why I write. I am not a professional writer, though. I just put into words what I want to express. Writing is my own version of Yoga. ^_^