Relationship: Under Repair (a love story) – Last Chapter

lovestory“O humahangos ka, saan ang punta mo?” usisa ni Mama.

“Ligo lang ako ‘Ma. Punta ko mamaya kina Dianne. Irirepair ko lang ang relationship namin.”

Muling umiling si Mama at napangiti. Siguro nasa isip niya: “sabi ko na eh”.

Malayo ang Imus sa Malabon pero walang halaga ‘kin ‘yon dahil mahalagang makarating ako kina Dianne. May magandang plano akong matagal ko nang gustong gawin.

Sumaglit muna ako sa isang mall. Naglunch. Bumili ng favorite ni Dianne na JCO doughnut, CD, picture frame, cellphone kapalit ng pahamak kong cellphone at isang statuette ni Mama Mary.

Sumaglit din ako sa jewerly shop saka nagdiretso sa giftwrapping counter.

Akala ko’y magkakaroon kami ng awkward moment ni Dianne dahil galing kami sa isang pagtatalo at dalawang araw na ‘di nagkita pero mas nanaig ang pagkasabik namin sa isa’t isa. Isang mahigpit na yakap at mainit na halik ang isinalubong ni Dianne sa akin habang inaabot ko ang box ng doughnut na pasalubong sa kanya.

Isang maamong anghel na nagkatawang tao ang nasa aking harapan ngayon.

“And here’s another box for you, honey.” isang may kalakihang box ang inabot ko sa kanya habang umuupo kami sa sofa.

“At ano naman ito? Nagawa mo na ang gimik na ito dati ‘di ba?” nakangiti si Dianne na tinanggap ang box. Nakakunot ang noo na tila nag-iisip.

“Hindi. Bago ‘yan. Open it.” ang tinutukoy niyang nagawa ko na ay ang niregalo ko ring isang malaking box noong aming first anniversary. Naglalaman ito ng pitong maliliit na box na may kanya-kanyang label at iba’t ibang item sa loob.

For your eyes: contact lens cleaner

For your arms: wrist watch

For your head: isang box ng pain reliever

For your ears: a pair of earings

For your nose: isang karton ng nose pack

For your finger: a gold ring

At ang pinakaespesyal ay ang may label na ‘For your heart’ na ang laman ng box ay picture ko na nakaframe.

Ang araw na ‘yon ang itinuturing kong pinakamemorable at pinakamasayang araw namin, so far.

Isa-isang nilalabas ni Dianne mula sa box ang statuette ni Mama Mary, box ng O+ cellphone, pambatang flashcard na letter ‘U’, CD ni Willy Revillame at isang picture ko na nakaframe.

Lalong kumunot ang noo ni Dianne parang papel na nilamukos ng isang writer na biglang namental block. Hindi niya mawari ang koneksyon ng mga bagay na ‘yon sa kanya.

Unang-una hindi siya fan ni Willy Revillame at wala ni isang kanta nito ang nagustuhan niya.

Born again siya at hindi devotee ni Mama Mary kaya’t aanhin niya ang stauette.

Walang silbi sa kanya ang isang bakanteng box ng cellphone at flashcard na letter ‘U’.

Ang tanging may koneksyon lang sa kanya sa mga bagay na ‘yon ay ang nakakaumay na picture kong nakaframe.

“Habang iniisip mo kung ano ang kahulugan ng mga ‘yan, mag-CR muna ako, ney.

Tila hindi ako narinig ni Dianne. Sa itsura niyang ‘yon para siyang isang batikang chessplayer na nasa kalagitnaan ng isang tournament. Nakatungo. Malalim ang iniisip.

Kung paano ko siya iniwan bago ako mag-CR ay ganun pa rin ang posisyon niya ng aking balikan. Nakatungo at nakatuon sa ibabaw ng center table habang sinasalansan ang limang mga bagay na nasa kanyang harapan.

 Isang minuto.

Dalawang minuto.

Hanggang umabot ng limang minuto. At na-arrange na niya sa wakas ang limang bagay na kanina niya pa pinag-iisipan. Naunawaan na niya ang message na nais kong iparating sa pamamagitan ng limang bagay na ‘yon.

  • CD na si Willy Revillame ang cover
  • O+ box ng cellphone
  • U na Flashcard
  • Mama Mary statuette
  • Picture ko naka-frame

Limang bagay na ayon sa pagkasunod-sunod ay nangangahulugang:

WillyOUMaryJustin?

Tila parang batang nasurpresa si Dianne na napatingin sa aking kinauupuan. Umiiyak sa katuwaan.

“I love you, Justin. I love you. And yes, I will marry you…” mangiyak-ngiyak na sabi sa akin ni Dianne habang mahigpit niya akong yakap-yakap.

 Sa nararamdaman kong ‘yon tila gustong kumawala ng puso ko mula sa aking dibdib dahil sa labis-labis na pagkabog nito. Ginantihan ko siya ng mahigpit na yakap. Habang nag-uumpisa na ring tumulo ang aking luha. Kapwa na kami humihikbi.

“I love you Dianne. I love you so much. Three years ago nang pumayag kang maging girlfriend ko despite the ups and downs, inspite of my shortcomings, tayo pa rin. You may be childish and I have failed you once pero hindi naman ‘yun ang importante dahil ang higit na mahalaga ay natuto tayo sa mga naging mali natin. You are still here with me and I am still here with you – nagmamahal sa lahat ng oras, sa lahat ng pagkakataon. I may not promise you forever but I will love you as long as my heart keeps on breathing. I may not be perfect but we can do many things perfectly. Ikaw ang aking gasolina at ako’y pamasahe – ikaw ang dahilan kung bakit ako nagmamahal…”

“Honey, ang corny mo…but I love you. I love you so much.·” humihikbi pa rin siyang nakayakap sa’kin.

Pakiramdam ko’y parang eksena sa Hollywood movie na love story ang tema ang eksena naming ‘yun ni Dianne. Kahit ‘di na halos tumitigil sa pagtulo ang magkahalong sipon at luha namin, masasabi kong kaming dalawa ang pinakamasayang tao sa mga sandaling ito.

Kinuha ko mula sa aking bulsa ang isang maliit na box na naglalaman ng engagement ring na aking pinag-ipunan – ang maliit na bahagi ng aking dahilan kung bakit laging under repair ang aking kotse, cellphone at laptop. At ang kabuuan ng pag-iipong ito’y aking ilalaan para sa kasal namin ni Dianne sa lalong madaling panahon.

“Ms. Dianna Torres of Malabon…Will you marry me?” nakaluhod akong hawak ang singsing sa isang maamong anghel na nasa aking harapan ngayon.

“Yes. Mr.  Justin Gatchalian of Imus. I will marry you!” at muli na namang bumaha ng luha sa Malabon na naging dahilan nang pagkaantala ng mga sasakyang patungo rito.

-wakas

May quota man o wala ang pag-ibig – kadalasan nasa mga kamay mo pa rin ang bawat mangyayari sa buhay mo. Ang pag-ibig ay hindi nakasalalay sa desisyon, sa pagsasaliksik o sa pag-aaral ng isang tao sa mga bagay-bagay kundi sa desisyong gagawin mo. Nakakasawa mang pakinggan pero dapat na ipaglaban ang isang bagay hangga’t may pagkakataon ka pa para dito lalo na kung hindi mo alam ang kahihinatnan o ang magiging epekto nito sa buhay mo kung sakaling mawala siya sa buhay mo.

 

Masarap ang magmahal at mahalin ngunit hindi ibig sabihin nito na puro sarap ang inyong mararanasan; darating ang panahong susubukin ang tatag ng inyong samahan. May mga taong susuko at hahayaan na lang na mawala ang isang bagay na nagpaligaya sa kanya sa loob ng mahabang panahon ngunit kung handa kang maging masaya, handa ka ring maging malungkot, paminsan-minsan. Bahagi ito ng pag-iibigan, ito ang bumabalanse sa tunay na pagmamahalan.

 

Maging responsable sa kamalian at aminin ang nagawang kasalanan, sa ganitong paraan ay mas magiging matatag ang samahan. Magpatawad sa nagkasala ngunit hindi katumbas nito ang maging martir at tanga sa relasyon dahil mas malaking kamalian ang pagtanggap sa isang taong paulit-ulit lang sa pagkakasala.

Ang kakambal ng wagas na pagmamahalan ang minsanang masaktan ngunit palaging mayroon itong puwang sa pagkakasunduan at pagkakaunawaan kung bukas ang iyong isipan sa pagtanggap sa anuman ang kanyang kakulangan.

 

About ragubalane

Walang pormal na edukasyon sa pagsusulat pero hindi ito naging handlang upang huminto sa pagsusulat ng kanyang mga saloobin. Nagbuhat sa isang tipikal na pamilya, nag-aral sa pampublikong paaralan mula elementarya hanggang sekondarya. Iginapang ng magulang ang kolehiyo at pinagtibay ito ng diploma at lisensya na iginawad halos dalawampung taon na ang nakararaan. Nag-aral, nagsikap hanggang marating ang destinasyong kanyang nilakbay. Umasam, umasa hanggang matupad ang ilang kanyang inaasam sa buhay. Sumubok, sumulong hanggang makamit ang ilang minimithing tagumpay. Nangangarap ng mabuti at magandang Pilipinas sa kabila ng kawalan ng pag-asa ng iilan. Katulad ng karaniwang tao pilit na binubuhay ang pag-asa kahit habol-hininga na lang ito, hindi bibitiw at susuko kahit batid na ang resulta ng pagkabigo. Hindi matalino pero naipasa ang anumang pagsusulit, hindi matino pero nagpupumilit na gumawa ng katinuan. Madalas na napuputikan dahil sa daigdig na kanyang kinabibilangan ngunit agad na naglilinis at naghuhugas gamit ang inuusal na dasal.