Relationship: Under Repair (a love story) – Chapter III

lovestoryKinabukasan, kinompronta ako ni Dianne. Sa Skype.

Pilit ko mang pangatwiranan ang nagawa kong pagkakasala’y wala na kong lusot pa para akong magnanakaw na huling-huli sa CCTV in HD!

Galit na galit siya. Bagama’t hindi ko nakikita ng sandaling ‘yon si Dianne ramdam kong nagtransform na naman siya sa pagiging mabangis na dragon.

Pero nang time na ‘yun under repair ang aking laptop. Nagka-crash ang internet. Kaya’t ako nang tumawag sa kanyang opisina. Kahit alam kong makakatikim ako ng mga ‘sweet nothings’ mula sa kanya, hindi ko na ‘yun inalintana – ang mahalaga ay maplantsa at maunat ko agad ang nagugusot na relasyon namin ni Dianne.

 “Honey sorry! Wala naman akong ibig sabihin dun sa chat e!”

“Ako pa talagang lolokohin mo?! Jireh Lin ka na, ayaw mo pang umamin? Anong palagay mo sa akin, fan ng teleserye na makukuha ng drama at sorry mo? Bakit ayaw mong magreply sa chat?! May kachat ka namang iba siguro no?”

“Hindi, wala akong kachat. Nagloloko kasi ‘yung computer ko e, nagka-crash…”

“O, ‘di ba nagloloko ka rin? Bakit ‘di ka pa mag-crash?!”

Parati akong barado sa tuwing mayroon kaming pagtatalo. Kung kapwa kami abogado at siya ang laging nakakalaban ko sa husgado malamang wala akong maipanalong kaso sa husay at bilis ng kanyang pag-uutak.

Hinabol ko si Dianne.

Hindi niya kailangang tumakbo dahil ‘yung kanyang paglalakad ay sumasabay sa mga pasaherong humahangos sa pampasaherong jeep sa tuwing rush hour sa Maynila. Para kaming mga pusang naghahabulan at naglalampungan sa ibabaw ng yerong bubungan, siya ‘yung pusang tumatakbong palayo at ako ‘yung pusang gustong makaiskor.

“Dianne, ano ba? Please naman mag-usap naman tayo!”

Huminto siya sandali.

Binuksan ang bag na tila may hinahanap.

Akala ko’y pagbibigyan ang pakiusap ko ngunit may kinuha lang pala sa kanyang bag at tumuloy ulit sa mabilis na paglakad

 Sa LRT ang kanyang destinasyon. Carriedo Station.

LRT Card pala ang kanyang kinuha sa bag na agad niyang ininsert sa slot ng barrier. Wala akong card at kung pipila naman ako para bumili nito’y siguradong hindi ko na siya aabutan sa dami ng mga commuter na nakapila. At isa pa’y baka ma-carnap ang prize possession kong Corolla. Wala akong magawa kundi tanawin papalayo si Dianne na hindi man lang nakuhang ako’y lingunin.

Wala siyang awa sa isang taong gutom, pagod at alipin ng pagmamahal.

At tuluyan na ngang naglaho si Smaug, sumuot at nagkubli sa malawak na kabundukan ng Erebor.

Sabado. Pasado alas-diyes ng umaga.

Pagkatapos mag-almusal ay diretso ako sa internet shop ng kapitbahay. Hindi upang kausapin si Dianne sa chat. Hindi muna ngayon.

Nagbrowse sa Facebook. Sinilip ang account ni Dianne na 3 days ng walang update. Nagbasa ng dati naming conversation. Naglogged-out.

“Anak, may problema ba kayo ni Dianne? Nag-aaway ba kayo?” magkakasunod na tanong ni Mama na may implant yatang radar apparatus sa katawan.

“Wala po.” ewan ko kung makukumbinsi siya sa sa sagot kong ‘yon. Ayokong mag-open up. May matagal na akong plano at alam kong epektibo ito.

Linggo. Pasado alas-diyes ng umaga.

Pagkatapos mag-almusal ay diretso ako sa internet shop ng kapitbahay. Hindi upang kausapin si Dianne sa chat. Hindi muna ngayon.

Nagbrowse sa Facebook. Sinilip ang account ni Dianne na 4 days ng walang update. Nagbasa ng dati naming conversation. Naglogged-out.

 “Anak, may prob…”

 “Wala nga po.” putol ko sa itatanong ni Mama. Napailing lang siya. Alam kong hindi siya naniniwala sa aking sagot pero pinili niyang manahimik at ‘di na mag-usisa.

Isang weekend ang lumipas na nakatiis akong hindi ko nakausap si Dianne. Sa three years na relasyon namin first time nangyari ‘yon. Ni ilang minutong tawag o kahit isang text message mula sa kanya ay wala akong nareceived. Paano nga pala mangyayari ‘yun e sira nga ‘yung cellphone ko.

Ang totoo, sinadya kong hindi makipagkita o makipagcommunicate sa kanya. Paraan ko ito ng silent protest hindi mismo para sa kanya kundi sa dumadalas na pagiging inconsiderate and childish behavior niya na bigla-bigla na lang sumusulpot na parang riding-in-tandem na bumibiktima ng mahihina.

 

Lunes. Holiday. Pasado alas-diyes ng umaga.

Pagkatapos mag-almusal ay diretso ako sa internet shop ng kapitbahay. Upang kausapin si Dianne sa chat. Ngayon na ang tamang oras, ngayon na ang tamang panahon. Hindi na lang cellphone, laptop o ang aking kotse ang dapat na marepair kundi ang relationship namin ni Dianne.

Nagbrowse ako sa Facebook. Sinilip ang account ni Dianne na 5 days ng walang update. Naka-online siya.

Me: Hi. 🙂 Kumusta?

Dianne: I’m fine. Ikaw, kumusta?

Me: Heto okay na. Nakausap na kita e. Galit ka pa?

Dianne: Hindi na. Daya mo.

Me: Bakit?

Dianne: Two days kang hindi tumawag o nagtext. Do you still care?

Me: Of course I care. Sorry for being unfair pero gusto ko lang kasi magkaroon ka ng realization.

 Dianne: Sorry din sa pagiging childish and inconsiderate ko.

 Me: Nagsosorry ka ngayon pero ‘pag nagkaroon ako ng kahit kaunting atraso sa’yo isinusumbat mo ang dati kong pagkakamali. I love you Dianne at sana pagkatiwalaan mo ako. Past is past at pinagsisihan ko na kung anuman ang naging kasalanan ko sa’yo. I missed you Dianne. I really missed you. Sa sobrang pahkamiss ko sa’yo 2 days kong binbalik-balikan ‘yung mga conversation natin dati..

 Dianne: O, anong nangyari?

 Me: Ayun, imbes na mabawasan’yung pagkamiss ko sa’yo lalo lang kitang namissed!

 Dianne: Wow. I missed you too, Justin. Sorry talaga:(

 Me: Wait for me. I’ll go there.

 Dianne: Okay, I will wait.

-End of conversation.

About ragubalane

Walang pormal na edukasyon sa pagsusulat pero hindi ito naging handlang upang huminto sa pagsusulat ng kanyang mga saloobin. Nagbuhat sa isang tipikal na pamilya, nag-aral sa pampublikong paaralan mula elementarya hanggang sekondarya. Iginapang ng magulang ang kolehiyo at pinagtibay ito ng diploma at lisensya na iginawad halos dalawampung taon na ang nakararaan. Nag-aral, nagsikap hanggang marating ang destinasyong kanyang nilakbay. Umasam, umasa hanggang matupad ang ilang kanyang inaasam sa buhay. Sumubok, sumulong hanggang makamit ang ilang minimithing tagumpay. Nangangarap ng mabuti at magandang Pilipinas sa kabila ng kawalan ng pag-asa ng iilan. Katulad ng karaniwang tao pilit na binubuhay ang pag-asa kahit habol-hininga na lang ito, hindi bibitiw at susuko kahit batid na ang resulta ng pagkabigo. Hindi matalino pero naipasa ang anumang pagsusulit, hindi matino pero nagpupumilit na gumawa ng katinuan. Madalas na napuputikan dahil sa daigdig na kanyang kinabibilangan ngunit agad na naglilinis at naghuhugas gamit ang inuusal na dasal.