Relationship: Under Repair (a love story) – Chapter II

ily
(Photo Credit Baker Marketing Services)

“Tinatanong mo kung kanina pa ako?!” at lumabas na nga ang nagngangalit na apoy mula sa bunganga ni Smaug.

 “Usapan natin alas-siyete ‘di ba? Anong oras na? Naka-set ba ang relo mo sa orasan ng Bangkok at hindi mo nalalamang lampas ka na ng mahigit isang oras? Naorder, nakain at halos mabilaukan na ko sa kakaorder ng lahat ng nasa menu dito pero ni isang text man lang hindi ka nagparamdam?! Kanina pa ako mukhang tanga dito na nakaupo at naghihintay sa ireponsable kong boyfriend na hindi ko alam kung nabunggo ng pedicab ang minamaneho niyang bulok na kotse tapos itatanong mo kung kanina pa ako?!”

Walang patid na rapido ni Dianne. Pakiramdam ko’y binigwasan ako ng kung ilang ulit ng mga kamao ni Da King at hindi ko man lang makuhang depensahan ang sarili ko. Oo, sira ang cellphone ko pero pwede naman akong makitext sa kaofficemate ko ‘di ba?

“Bakit hindi ka nagtitext! Bakit hindi ka tumatawag? Wala ka bang pangload? Bakit ‘di mo na lang ibenta ‘yang kotse mong bulok para may pambili ka ng load? Nananadya ka ba talaga?! Sobra ka na ah, lagi ka na lang ganyan!”

Gusto kong sumagot. Gusto kong mangatwiran.

Kawawa naman ako at kawawa rin ang 1995 Toyota Corolla ko na lagi na lang pinagdidiskitahan sa tuwing nagkakaroon kami ng diskusyon. Minsan na rin kasing naghintay ng mahigit dalawang oras sa akin si Dianne at ang dahilan: namamatayan ng makina ang aking ‘vintage’ na kotse. Second anniversary namin nun at may diner date kami sa isang restoran sa SM North. Mabuti na lang at sa bahay nila sa Malabon ko siya nakatakdang sunduin noon, hindi gaanong nakakainip ang paghihintay dahil kung nagkataon baka magkakakulay na ang iris, pupil at cornea ng kanyang mga mata sa tagal nang paghihintay niya.

“Pasensiya ka na. Nasira kasi ‘yung kotse e, namamatayan ng makina.” my valid explanation.

“O, di ba sira ka rin? Gago ka pa nga e, bakit ‘di ka pa namamatay?” bungad siya sa akin noon na medyo nakangiti. Siguro’y alam niyang lampas ang kanyang biro sa akin kaya ‘yung ngiti niyang iyon ang magsisilbing peacemaker sa kapilyahang kanyang nasabi. Nasiraan ka na nga, ang dungis mo na nga, ganun pa ang maririnig mo. At sa awa ng bathala ng mga kotseng palaging sira ay natuloy naman ang dinner date naming dalawa.

Center of attraction na kaming dalawa ni Dianne.

Nakapako na ang tingin sa amin ng papaunting customer ng fastfood at lahat ng crew ng McDo. Tumigil muna sila panandali sa anumang kanilang ginagawa upang panoorin ang isang championship game sa pagitan ng dalawang magkaribal na team: Baranggay Ginebra at Rain or Shine. Tambak ang Ginebra, 96 – 69. Mismatch ang laban.

Tumayo na si Dianne mula sa kanyang kinauupuan. Kinuha ang bag. At akmang aalis na nang hawakan ko siya sa braso. “Magpapaliwanag ako!”, gusto kong ipaglaban ang aking karapatan bilang isang inaaping mamamayan. “Wala akong kasalanan!” ito ang mga gusto kong ikatwiran sa kanya pero alam kong walang saysay ang anumang eksplanasyong manggagaling sa bibig ko gaya ng pangangatwiran ng mga suspek sa isang krimen na hindi pinakikinggan ng mga pulis kahit bago pa nila arestuhin ang mga ito’y sasabihin na nilang: “Sa presinto ka na magpaliwanag!”

“Honey naman, ‘wag ka namang umalis, please. Matrapik lang talaga kaya ako late. Hindi kita natext o natawagan kasi nagloloko ‘yung cellphone ko kaya namamatay” walang joke, ‘yun talaga ang rason ko.

“O di ba nagloloko ka rin? Bakit ‘di ka pa namamatay?” mataas ang kanyang boses.

Pumalo na yata sa 140kph ang gauge ng kanyang toyometer. Ang sinumang humarang ay tiyak na masasaktan at masasagasaan. Duguan. Mapapaslang.

Hindi ko siya masisisi. Higit limang buwan pa lang kasi ang nakararaan nang mahuli niyang nagloloko ako. Correction: magloloko. Hindi ko naman kasi alam na naka-save pala sa conversation history ang lahat ng palitan ng message namin ni Jill, ‘yung liberated na dating OJT ng kompanyang pinapasukan ni Dianne. Bunga ng katangahan at hindi eksperto sa pagloloko, ‘di ko nalogged-out sa laptop ‘yung YM ko.

Ang malas ko lang kasi laptop ni Dianne ang gamit ko nun.

Jill: Hi. Thanks sa pag-accept, ha? 🙂

Me: Welcome. Nauna ka lang na mag-add e, ako sana ang mag-aadd sa’yo. 🙂 Kumusta?

Jill: Okay lang. GF mo si Ma’m Dianne ‘di ba?

Me: Yep. Why? Problem?

Jill: Wala naman. Just asking. Baka kasi magalit siya, alam mo na…

Me: Ba’t naman siya magagalit? May ikakakagalit ba siya?

Jill: Hmmm. Wala pa naman. Hihi. 🙂

Me: Haha. I like you. You’re frank.

Jill: Likewise. GTG muna. May puntahan lang ako. We’ll talk about it sometime. 🙂

Me: Okay. Take Care. Next time na lang. 🙂

Pero pasalamat na rin akong nabasa at naagapan ni Dianne ang first ever attempt kong magloko (sana) kundi ay baka may mas malalang nangyari. Baka nawala na sa akin si Dianne, baka hindi niya ako mabigyan ng second chance. Hindi ko afford na mawala sa akin ang Dianne ng buhay ko para lang sa isang estrangherong si Jill.

 Ang problema lang sa tuwing may pagtatalo kami ni Dianne – ang isang pagkakamali kong ‘yun ang lagi niyang bukambibig, ang lagi niyang sinusumbat. Parang ‘yon na ang naging sukatan ng aking pagiging lalake.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.