Randy (Yah Walleth Book 2) K-3

Kabanata 3 – ‘Si Charles’

Gulat na gulat si Charles nang iabot ni Randy ang kanyang resignation letter. Ang una ay ang General Manager at anak ng may ari ng Derek’s.

“Bakit, Tol? May problema ba sa mga kasama mo o trabaho mo o sa akin?” nakakunot-noong tanong nito, “Pag usapan natin,” anitong inangat pa ang kamay.

Magkasing-idad lang sila ng binata at naging kaklase niya ito sa isang seminar ng food service na ginawa sa PICC. Humanga siya sa mga aktibong pagtatanong nito kaya pinilit niyang makilala upang kunin sa bubuksan niyang negosyong iyon.

Naging matalik silang magkaibigan kaya naging Tol ang kanilang tawagan.

“Wala naman, Tol. Gusto ko lang sumubok sa ibang bansa,” malumanay na sagot ng binata.

Tumayo si Charles sa kanyang swivel chair at lumapit sa binata; “Magkano sasahurin mo dun? Tatapatan ko?” pangungumbinsi nito.

“Kilala mo ako, Tol. Ayaw ko ng ganyan, ‘yang isipin mong nagpapataas lang ako ng sahod. Hindi ako mapagsamantala.”

“Opsss, sorry sorry sorry! Sunod sunod na paumanhin ni Charles. “Ang sa akin lang ay para huwag ka nang umalis,” dagdag paliwanag ni Charles.

“Gusto ko lang manggaling sa sariling kong pagpapawis ang kapital na gagamitin ko sa negosyong ganito. At gusto kong mapadali. Alam mo na, 25 na tayo. Kailangang bago tayo lumagpas ng kalendaryo ay matatag na,” pagtatapat ni Randy.

Nag-alanganin na si Charles na alukin ng kapital ang kaibigan sa sinabi nito.

Tila naman nababasa ni Randy ang iniisip ng una kaya: “Nais ko lang ng ibang karanasan..” nakangiting sabi ng binata.

Matamang pinag-aralan ng lalaki ang kaseryosohan sa mukha ng kaibigan at pagkuwa’y: “Hmm.. kung sakali’y lagi pa rin akong handang kunin ka kapag naisipan mong bumalik dito. Okey?” anito bago nakipagkamay.

“Yes, Sir. Salamat po. Aalis na po ako.”

“Hahahahahaha! Sir ka dyan. Sa labas lang ‘yun oy!” paalala ni Charles.

Si Randy din ang may gusto ng ganun, na kapag nasa trabaho ay ‘Sir’ ang itatawag niya upang hindi masabing may palakasan.

Nakatitig pa rin si Charles sa pintong nilabasan ng binata.

Hindi niya maisip ang dahilan ng biglaang pasya ng kaibigan.

Napakasipag ni Randy.

Ilan sa mga pagbabago sa restaurant na nakatulong para madagdagan ang sales ay idea ng binata.

Gaya ng paglalagay ng news paper at mga magazine.

May mga customer na nakada-dalawang kape gawa ng pagbabasa at may mga natapos nang kumain na oorder ng cafe para magbasa.

Ito rin ang nagsuhestyon na maglagay ng tindang souvenir/collection items.

At ang mabentang lovers table; ang area na napapaligiran ng mga bulaklak.

Hindi na dapat ito nagdadala ng order gawa ng captain waiter niya ito, pero ginagawa ng binata pati na nga paglilinis ng mga lamesa.

Bukod dun, nang minsang makausap niya ito ay humanga siya sa prinsipyo ng binata lalo na sa pangarap nitong ibigay na buhay sa mapapangasawa o magiging pamilya.

Naikuwento nga niya ang lahat ng tungkol dito sa kanyang Papa at hangang-hanga ang huli. Kagayang-kagaya daw ng kanyang bff na kasosyo.

Hinayang na hinayang si Charles; “Sana… maisipan mong bumalik..” bulong nito.

_______________________

Sa loob ng sinasakyang eroplano ay pilit na nilibang ni Randy ang sarili pero para namang tuksong lumitaw ang video ng From the Start ni Rachel Ann Go nang naghahanap siya mapapanood sa In-Flight Entertainment na nasa harap ng kanyang upuan.

Hindi niya kilala ang singer pero nadinig niyang inaawit ni Devie ang kanta ni Rachel habang nagluluto ito ng almusal sa kitchen ng apartment, nung unang gabi at araw na inangkin niya ang katipan.

Nagbalik tuloy sa kanyang isipan ang lumuluhang si Devie nang magpaalam siyang magtatrabaho sa ibang bansa.

“Alam mo ba ang dinadasal ko kada magsisimba tayo? ‘Yung hindi ka mawala sa akin kapag natuklasan mong mayaman kami. Huhuhu”

“Shh… Oh, Hindi naman ako nawala sa iyo, ah. Nakadami na nga tayo. Lika isang round muna. Hehehe!” tukso ng binata.

“Puro ka biro, eh. Huhuhu!”

“Sa iyo pa rin ako.” Kinuha ng binata ang kamay ng nobya at inilagay ang ATM card: “Eto, kabibigay lang sa akin dun sa Pidos. Lahat ng sahod ko ay ihuhulog ko diyan. Kung may kailangan ka, kumuha ka. Kita mo hindi pa tayo kasal, nag-iintrega na ako at buo pa.”

Nais sanang sabihin ng dalaga na hindi niya kailangan ang pera kundi ang binata pero baka masamain. Alam na niya ang prinsipyo nito.

Para namang nabasa ulit ng binata ang nasa isip ng katipan gawa ng nanatiling nakabuka lang ang palad nitong may ATM card kung kaya:

“Ang magiging laman ng ATM na iyan ay parang ako na rin dahil dugo at pawis ko ang panggagalingan niyan. ‘Yan ang gagamitin kong kapital para sa negosyong gusto ko. Para lumebel naman ako kahit konti sa angkan n’yo. Para hindi naman ako mahiya sa mga magulang mo,” seryosong paliwanag ng binata. “Ayokong magmukhang basang sisiw kapag kaharap ko na ang mga kaibigan mo’t pinsan. Dapat alam nilang paldo din ako,” biro na naman nitong sinamahan pa ng kaunting tawa.

Isinara ng dalaga ang kamay na may ATM bago itinapat sa dibdib: “Susulat ka lagi ha!”

“Oo. Kung hindi ako makasulat ‘wag mong iisiping kinalimutan kita. Hangga’t nagkakalaman ang ATM na ‘yan ay tanda ‘yan na Mahal kita at pagbalik ko pakakasal na tayo. Pagka-graduate mo kumuha ka muna ng experience sa pagpapatakbo ng restaurant kasi ikaw ang General Manager ko.”

Yumakap ang dalaga sa binata: “Ang hirap naman ng gusto mo, huhuhu!”

“Shhh… Trust me… I love you.” bulong niya sa katipan.

“Gagraduate ako, wala ka, huhuhu!”

“Yun nga ang hinahabol ko, tapos ka na, dapat mapakasalan na kita bago ako maunahan ng gusto ng Papa mo, para sa iyo.”

“Pakasal na muna tayo. Kahit secret lang, Huhuhu!”

Nag-isip ang binata.

Naputol dun ang kanyang alaala nang tanungin siya ng stewardess.

“Do you want to try our fresh fruit salad, Sir?”

Itutuloy…

Kabanata 1  –  http://definitelyfilipino.com/blog/randy-yah-walleth-book-2-k-1/

Kabanata 2  —  http://definitelyfilipino.com/blog/randy-yah-walleth-book-2-k-2/

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.