PUSTA

Gambling“Nakasasawa na ang magtrabaho, bakit ba ako hindi pinanganak na mayaman?!”

Nasambit ni George sa kanyang sarili minsang nagrender siya ng Overtime sa trabaho. Andami kasi nilang pending, andami nilang rush na dapat ay matapos ng araw na iyon. Pag-uwi niya sa bahay nila, sinalubong siya ng asawa niya na noon ay kakatapos lang magluto.

“Nakakapagod Agnes, bakit ba kailangang ganoon kadami ang trabaho ko samantalang hindi naman nila tinataas ang sweldo ko?” Reklamo niya habang nasa harapan sila ng hapunan. “Kahit yata magtrabaho ako buong buhay ko hindi ko mabibili lahat ng gusto at pangangailangan natin. Nakakasawa na.”

“Bakit kasi hindi mo pa ako payagan magtrabaho para dalawa tayong may income? Wala din naman akong ginagawa dito sa bahay eh. “ Sagot ni Agnes sa kanyang asawa. At gaya ng dati, hindi ito pumayag sa kadahilanang ang babae daw ay hindi dapat nahihirapan kapag nag-asawa na.

Kinabukasan sa trabaho, nakasimangot si George na umupo sa kanyang desk. Nakita niya ang kasamahan niyang may bago nanamang gadget. “Wow Iphone.” Tahimik niyang nawika habang nakatingin na punong puno ng inggit sa katrabaho niyang bida nanaman sa  kwentuhan nang uamgang iyon.

Sa loob loob niya ay nagtataka siya kung paanong nabibili ng lalakeng iyon ang mga ganon kamamahaling bagay samantalang may tatlo itong anak, nagungupahan pa at higit sa lahat parehas lang sila ng sahod. May sideline kaya ito sa labas? Balita niya ay wala. Ang pamilyang pinagmulan din naman nito ay simple lang, hindi maituturing na mayaman. Kibit balikat siyang umiling saka humarap sa trabaho. Ngunit panaka-naka parin siyang sumusulyap sa kaopisina niyang noon ay kumukuha ng mga litrato.

Napansin yata siya ng Erwin kaya agad siyang nilapitan. “Pare, kanina ka pa nakatingin. Gusto mo din ba nito?” Mabait na tanong nito sa kanya.

Ngumiti lang si George sabay sabi ng, “Oo naman Pre, maganda yang bago mong telepono kaso sa sweldo natin, hindi ko pa kayang bumili niyan. Ilalaan ko na lang sa ipon namin ni Agnes. Buntis kasi asawa ko Pre.”

Tumawa ng malakas si Erwin. “Tara ng mananghalian pare at sasabihin ko sayo ang sikreto ko. Alam ko namang tahimik ka lang eh. Madali lang ito, sigurado makakabisado mo agad.”

Sa canteen ng opisina sabay na kumain ang dalawa. “Pare, ganito lang iyan. Yung sweldo ko nabibigay ko ng buo sa pamilya ko. Itong mga gamit ko pati yung hinuhulugan kong kotse ay nabibili ko lang sa raket ko. Pagkatapos dito sa opisina samahan mo ko dun.” Sabi ni Erwin sakanya. Wala siyang sinabi ngunit naisip niyang wala namang masama kung sasama siya. Sayang din ang pera doon kung saka-sakali.

Saktong uwian nung magkita sila ni Erwin sa labasan ng opisina. “Tara sa kotse pare, bilisan natin at magsisimula yun ngayon ng maaga. Balita ko nga mag big time ang nandoon ngayon.” Nagmamadaling wika ni Erwin. Hindi na siya nakapagtanong pa hanggang sa makarating sila sa isang lugar na walang masyadong tao.

“Pareng Erwin, ano ba kasi itong sideline mo? Baka pwedeng sabihin mo muna sa akin bago ako sumabak diyan.” 

“Basta madali lang to Pare, instant ang pera. Tara na at mukhang huli na tayo.”

Pagpasok nila sa loob, nagulat siyang isa pala iyong pasugalan. Andaming politiko na namumukaan niya. Kasama ng mga ito sa mesa ang mga babaeng halos walang saplot. Maraming alak sa mesa, maraming pagkain at para bang puno ng ulap sa loob dahil sa kapal ng usok ng mga naninigarilyo. Lalabas na sana niya ngunit pinigilan siya ni Erwin.

“Pare, andito na tayo, kapag lumabas ka bigla mapapahamak tayo. Nakatingin na sa atin yung may-ari. Baka paghinalaan ka na taga-tip sa mga Pulis, hindi ka makakalabas ng buhay kapag nagkataon. Tara na ako na bahala sayo.” Hinila na siya ni Erwin sa isang silid kung saan nakaupo na ang mga maglalaro.

“Pero Erwin wala akong alam na sugal. Magagalit Misis ko nito.”

“Wala ng pero-pero tara na, siguro naman alam mo maglaro ng tong-its. Yun na lang muna sa yo. Ako na bahala sa una mong pusta. Sigurado akong mananalo ka kaya bayaran mo na lang ako pagkatapos.”

Wala na siyang ibang nagawa kundi ang umupo sa bakanteng silya. Kaharap ang mga taong di niya kakilala, limpak limpak na pera, alak at yosi, pinakilala siya ni Erwin. Nagsimula na siyang tumira. Panalo sa unang round. Second game. Panalo ulit. Pangatlo. Pang-apat. Panglima. Sunod-sunod ang panalo ni George. Hindi na niya namalayang pati siya ay tumutungga na rin ng alak.

Pasado ala-una na ng madaling araw nang ihatid siya ni Erwin. “Di ba sabi ko naman sayo pare Easy Money to? Kita mo sa isang gabi nakakubra ka ng singkwenta mil? Ano bukas ulit?”

“Hahahaha oo pare, di ko akalain na ito pala ang sagot sa problema ko. Pero ayos na ako kahit hindi na ako sumama bukas. Magagalit na si Agnes sa akin kapag nalaman niya to.”

“Pare tanda mo yung sinabi ko na baka mapagkamalan kang informer ng mga parak? Baka ka tapusin ng mga iyon. Isang linggo pre tapos tumiwalag ka na para lang sa kaligtasan antin. Okay ba?”

“Sige Pareng Erwin, pero isang linggo lang ha?”

Pumayag si Erwin sa kasunduan nila. Hindi rin niya pinaalam kay Agnes na nakikipagsugal siya. Lagi niyang sinasabi na OT sa opisina ang dahilan kaya nahuhuli siya ng uwi. Hanggang isang gabi ay nabuking siya ng asawa niya. Nakita pala nito ang mga pera niya at mga text message ni Erwin tungkol sa pasugalan.

“George itigil mo na yang sugal na yan, laro yan ng demonyo. Wala kang mapapala diyan. Wala kang panalo, siguro sa ngayon ay nananalo ka pero beginner’s luck lang iyan. Kapag ikaw ay nahumaling sa bisyo mo, baka iyan pa ang ikapahamak natin.” Malumanay na sabi ni Agnes ng gabing iyon.

Pero Agnes, ito na yung sagot sa dasal ko. Na magkapera ng marami para gumanda naman ang buhay natin. Titiwalag din ako pagkatapos ng isang linggo, dalawang araw yun mula ngayon. Alam ko mali pero sa ngayon kailangan ko lang ang pangunawa mo. “Wika ni George.”

Wala naman akong angal sa buhay natin ngayon, kaya kong magtiis. Mas hindi ako kampante kapag alam kong mali ang landas na tinatahak mo. Isa pa hindi yan sagot sa dasal mo! Hindi ibibigay ng Diyos ang sugal bilang sagot sa kahirapan.” At tinalikuran na siya ni Agnes.

Pinagpatuloy ni George ang pagsusugal. Sa loob ng isang linggo ay wala siyang talo. Ngunit imbes na tumupad sa usapan na isang linggo lamang siyang dadayo upang magsugal, hindi siya huminto. Nasilaw siya sa laki ng halaga na napapanalunan niya. Higit pa roon ay ang kasiyahan kapag kainuman niya ang mga taong kasama niyang pumupusta. Sa tingin niya ay hindi siya matatalo dahil magaling siya.

Ngunit isang gabi ay natalo siya. Nanlumo siya ngunit sa halip na tumigil ay lalo pa siyang nanggigil upang mabawi ang perang naipatalo niya. Sinabi na lamang niya na hindi niya suwerte nang gabing iyon. Sumunod-sunod pa ang mga araw ng pagkatalo niya hanggang sa maubos ang perang naipanalo niya noong nagsisimula siya.

At dahil sabik parin siyang mabawi ang perang naipatalo niya, naisanla niya ang mga gamit nila sa bahay, alahas at kahit ang mga pamanang lupa niya mula sa kanyang mga magulang. Nakapangutang pa siya sa mga bombay na nagpapa-5-6 para may maipangtaya.

Nang gabing iyon talo parin siya, ngunit wala na siyang maipangtaya. Nakiusap siya sa kalaro niya na bigyan siya ng kalahating taon upang magbayad ngunit hindi siya pinagbigyan. Tinutukan siya ng baril at sa sobrang takot niya nasabi niyang “Ibibigay ko ang titulo ng bahay namin.” Doon lamang siya pinakawalan ng kanyang kalaro na napag-alaman niyang mamamatay tao pala. At alam niyang hindi sila nagbibiro.

Luhaan at tuliro siyang umuwi sa bahay nila ng gabing iyon. Sinalubong siya ni Agnes na noon ay malaki na ang tiyan dahil kabwanan na rin niya.

“Anong nangyari?” Tanong ng asawa niya nang gabing iyon.

Hindi nakapagsalita si George nang ilang sandali. Pagkatapos ng mahabang katahimikan. Nasabi niya ang problema.

“Naisanla ko ang bahay bilang kabayaran sa utang ko sa sugalan. Isang linggo ang binigay sa akin para maayos ko ang titulo,” sabi ni George na noon ay tuliro at halatang natatakot.

“Pero George, nangungupahan lang tayo. Saan ka kukuha ng titulo? Idagdag mo pang kabuwanan ko na rin at baka sa isang linggo ay manganak na rin ako.”

Wika ni Agnes na noon din ay nanlambot at nanginig sa nalamang balita mula sa kanyang asawa.

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans