Pusoy

(Photo Credit:  www.big-2.net)
(Photo Credit: www.big-2.net)

Ang pagmamahal pala, parang sugal o masasabi kong isang sugal.  Itataya mo ang lahat, halos wala nang matitira sa ‘yo.  Suwerte mo pag nanalo ka, o kaya, pag inabot ka ng kamalasan, ayun, pagdidisketahan ang bote ng gin o kaya pag gusto nang rumekta, lalaklak ng panlinis ng silver.

Kaya ko nasabi yan, naranasan ko mismo ‘yang ganyang parte ng kaartehan sa buhay ng isang tao : ang mabigo sa Pag-ibig. Pero dehins ko naisipan ang lumaklak ng panlinis ng silver, mabigti sa puno ng kamatis, magbaril ng watergun. Hello? Gusto ko pang mabuhay.

Share ko lang ang ‘nakatutuwang’ experience ko. (bahala na kayo kung nakare-relate kayo, basta ako trip ko lang magkuwento.)

Six years kami ng gf ko. Tulad ng ibang magkarelasyon, siyempre, nandun yung ‘magbubuo’ kuno kayo ng pangarap sa buhay, ‘magbubuo’ ng isang pamilya, at ‘magsusumpaan’ pa raw na magsasasama at hindi maghihiwalay ano man ang mangyari.

Akala ko, lahat ng ‘binuo’ naming mga plano at pangarap sa buhay ay magkakatotoo. Dumating ang time na nagplano siyang umalis at magtrabaho sa ibang bansa.  Ayaw ko man siyang payagan, alam kong wala akong karapatan na pigilan siya, gusto niya raw matupad ang pangarap namin, at doon daw sa gagawin niya, hahanapin niya sa ibang bansa ang kapalaran niya. (In short, napapayag niya ako.)

Dumating ang oras na kinatatakutan ko; December 1, 2009 6:45 pm ang flight niya.  Masakit man sa loob ko, tinanggap ko nang maluwag ang pag-alis niya, hindi ako nagpakita ng kalungkutan, o ‘yung tipong wagas kung makaatungal sa terminal ng airport, dahil may tiwala ako sa binitawan niyang pangako; I SHALL RETURN.  Pangako na malabo pa sa sabaw ng dinuguan na matupad.

Sa loob ng tatlong taon, naghintay ako sa pangako niya.  Tatlong taon na ibinuhos ang lahat ng klase ng pagmamahal at paghihintay.  Itinaya ko ang lahat ng puwede kong itaya.  Kung iisa-isahin ko pa, hahaba lang ang kuwento at baka mabored pa kayo.

Napakasakit malaman na ang taong minahal mo at inaasahan mong makasama sa habang buhay ay hindi na puwedeng maging sa ‘yo.  Napakahirap tanggapin na bigla na lang mawawala ang taong naging parte ng buhay mo.  Pero sabi nga ni Pareng Tupac Shakur, “Life goes on.”

Alam kong hindi lang ako ang nakaranas ng ganitong eksena sa buhay.  Mayroon pa sigurong mas brutal ang nangyari.

Kung ano man ang ginagawa niya ngayon sa piling ng iba, alam kong darating ang oras na matatanggap ko rin yun.

Sa nangyaring iyon sa akin, alam kong may plano si God.  Kaya sana, sa susunod kong sugal sa pag-ibig, sana manalo na ako.

About mangHulyan

hmm .. pano ba simulan 'to?? .. ang alam ko ako si William.Mahilig sa lovesong .. mahilig kumanta pero yung kanta walang hilig sakin . Hindi ko alam kung paano magpakilala dito eh .. basta bahala na, kung may magtyagang magbasa ng mga post ko dito .. salamat .. hehehe ..