Puro kayo ‘DRAWING’!

600x826xchina-world-map.jpg.pagespeed.ic.0DyFmFvUYf
Ang bersyon ng China ng bagong 10-dash line

Saktong-saktong ang pagkakalarawan ng Malakanyang sa bagong mapa na ipinalabas ng Tsina kamakailan lang, na ito ay balewala – kundi isang hamak na DRAWING lamang!

Isang drawing na puwedeng baguhin ng guhit sa anumang anyo at hugis na naayon sa kaniyang kagustuhan at kapritso.

May kainaman din naman kasi itong kapitbahay natin sa ibayong dagat eh, mula sa 11-dash line noong kapanahunan ni Chiang Kai-shek, tapos ginawang 9-dash line naman noong 1949 ayon sa utos ni Premier Zhou Enlai.

At ngayon, pilit na ibinabalik uli sa 10-dash line. Ano ito, lokohan?

Aba eh, kung ang pagkamkam ng mga lupain at karagatan, ay puwedeng-puwede palang gawin sa pamamagitan ng mga guhit-guhit lamang, kahit walang malinaw at legal na basehan maliban sa historical rights kuno, kahit Grade 1, puwedeng maging landlord ng Spratlys – krayola lang ang katapat.

Maraming sinasabi ang Tsina na inaayos lang daw nila ang dating mapa, para lalong bigyan ng emphasis ang kanilang absolute sovereignty sa mga karagatan sa West Philippine Sea.

Dati raw kasi yung land area lang ng Tsina ang nabigyan ng pansin sa mga naunang mapa at hindi ang mga pag-aari nilang karagatan.

Ang 11 o 9 o 10 dash line ay walang legal o historical na basehan at iyan ay inamin mismo dati ng isang mataas na opisyal ng gobyerno ng Tsina na si Yin Wenqiang at inilabas ng Wikileaks mula sa isang cable ng US embassy sa Beijing noong 2008.

Maliban dito, iyan isang malinaw na paglabag sa UNCLOS kaya nga ayaw nilang sagutin ang memorial na isinampa ng Pilipinas sa international arbitration court kasi alam nilang wala silang panalo. Ang kasaysayan ay hindi kailanman pwedeng maging basehan ng territorial claim ng Tsina sa karagatan, ayon sa mga eksperto, sapagkat ginagapi nito ang layunin ng UNCLOS kung saan ang Bejing ay isa mismo sa mga pumirma.

Kaya maliwanag na ang bagong mapa ng Tsina ay isang ‘drawing’ lang, isang PEKE! Isang self-serving na hakbang para suportuhan ang kanilang pangangamkam.

Ano pa nga ba ang dapat ipagtaka natin? Halos lahat naman puwede nilang pekehin.

Kaya dapat lang na batikusin ang Tsina ng mga bansa, lalo na ng Pilipinas at Vietnam. Tingnan ninyo ha kung gaano talaga kaarogante ang gobyernong Intsik. Kapag sila ang gumagawa ng mga kuwestiyonableng hakbang sa pinag-aagawang mga isla, karapatan daw nila iyon. Pero abot-abot ang protesta nila at pagbibigay ng babala kapag tayo naman ay nakikipagpulong sa US, sa Vietnam at kamakailan, sa Japan.

Alam natin na ang nagbibigay ng lakas ng loob sa mga Intsik ay ang kanilang maunlad na ekonomiya at makabagong mga armas. Kaya alam din nilang mahihirapan din talaga tayong pumalag at idaan na lang sa buntong-hininga at mahinahong paraan ang lahat.

Pero napag-iwanan na yata ng sibilisasyon ang kanilang pag-iisip, na nananatiling barbaro at walang respeto sa karapatan ng iba. Lahat ay idadaan sa lakas, puwersa at kasinungalingan para lang makamit ang layon.

Pero hindi lahat ng araw ay nasa kanila. Kung maipagpapatuloy lang ng mga susunod na administrasyon ang modernisasyon ng AFP na sinimulan ni PNoy, mga ilang taon pa at magkakaroon na tayo ng sapat na gulugod para tumayo nang walang pangamba laban sa mga mapanikil na lahing ito.

Kaya sige lang, Tsina, gumuhit kayo hanggang gusto ninyo. Gawin ninyo pang 100-dash line yan pero walang bansang maniniwala at kikilala sa kalokohang iyan.

Kung drawing contest lang naman pala ang lahat, sana sinabi ninyo agad. Kasi hindi hamak na mas malawak ang imahinasyon ng mga Pinoy.

Pruweba? Eto o, sa ibaba, ang aming bersyon ng F-dash line: Gusto n’yo kopya?

10492299_10152221715372012_585610674643289949_n
Ang ‘Pinas bersyon: F-dash line Photo Credit: The Manila Times

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl