PS! PS! I Love You!

Nung nakaraang Huwebes, masyado akong dinala ng aking isip sa isang malalim na pagbabalik tanaw sa aking nakaraan… Sa aking kabataan….

Meron akong crush nung elementarya pa lamang ako. At take note ha, lalake sya, hehehe! Alala ko yung kalaro kong si MARK, na itinuturing kong childhood sweetheart ko. Madalas kasa-kasama ko sya sa mga laro noon, sa pagtambay sa mga nakaparadang jeep o tricycle sa lansangan habang nakikipag-kwentuhan ako sa kanya ng mga usapang pang-bata. Tinutukso na nga kami nung mga matatandang tsismosang mga kapit-bahay namin na baka daw kaming dalawa ang magkatuluyan kasi nga palagi kaming dalawa ang magkasama. Na ikinatutuwa ko naman, kasi nga kras ko sya. Pati pagpasok sa school, kasabay ko sya pati sa pag-uwi na minsan ay binibitbit pa nya ang bag ko.

Madalas kasama ko sya at kakampi sa larong patintero, syato, luksong kalabaw na talaga namang pagalingan sa pagtalon na kahit na halos nakatayo na yung taya ay kelangan pa din naming makalukso at makatawid sa ulo nyang nakayuko. Kakampi ko din sya sa football, na kelangan kong sipain ang bola ng ubod ng lakas upang maisalba at mabuhay ko ang mga kakampi kong namatay na dahil nabato sila ng bola habang pilit na binibilisan ang takbo pabalik sa home base.

Pati sa larong kalog tansan, tatsing ng tansan o mga tau-tauhan, yoyo, holen, teks, sungka, piko, ang sikat na sikat na ten-twenty, chinese garter na ang ginagamit naman namin ay goma na tinirintas at kung ano-ano pang mga laro na pambata. At isa pa sa mga paborito kong laro ay yung tumbang-preso kung saan titirahin mo ng tsinelas ang latang nakatayo sa bilog na igihunit gamit ang chalk o kaya uling o kaya naman yung kulay orange na piraso ng paso na galing pa sa nabasag na paso ng nanay mo o kapit-bahay mo.

Palaging kasama ko si Mark at kadalasan ay kakampi ko pa sya.

Meron isang laro na hindi na pwede ang kampihan kasi kelangan may taya na hahabol sa lahat ng kasali upang mahawakan ito. At kapag nahawakan mo yung kalaro mo, sasabihan sya ng taya ng “PS”. Ibig sabihin di sya pwedeng gumalaw hanggat di sya nahahawakan ng ibang kasali sa laro at nasasabihan ng “I LOVE YOU”.

“PS, PS, I love you. Mahal mo ba si Gabby, yes or no. Y-E-S (kapag yes ang sagot) or N-O (kapag no ang sagot), ales!” Eto ang popular na lyrics ng larong ito habang tinuturo-turo isa-isa paikot ang lahat ng kasali sa laro. Kapag natapat sayo ang hintuturo ng lider-lideran at ang salitang “ales!”, ibig sabihin alis kana sa nakabilog na mga kasali sa laro at ligtas ka sa pagiging taya. Masayang laruin kapag madami kayo at hindi pwedeng laruin ng dalawa lamang kayo, hehehe! Pero, parang pwede din kung dalawa lang kayo. Kapag nahawakan ka ng taya at nasabihan ng PS, automatic na taya kana at ikaw naman ang hahabol sa kanya. Yun nga lang, wala ng tsansa na masabihan kapa ng I Love you kasi nga dalawa lang kayo. Korni to kapag ang kalaro mo ay kras mo kasi di ka naman nya masasabihan ng I Love You, puro PS lang.,

Nung mga panahon na naglalaro kami nila Mark nito, natutuwa ako kapag na-p-PS sya kasi mamadaliin ko ang pagtakbo para ako ang maka-I Love You sa kanya. Kapag nakita kong di na sya nagalaw, minamadali ko ang pagtakbo ko kahit na halos magkandarapa pako, para makarating agad sa kanya at ma-tap ko sya sabay banggit ng I Love You, with matching smile pa yun. O kaya naman, masayang-masaya nako nun kapag ako ang na-PS at sya ang mag-a-I Love You sakin. Naiinis pa nga ako kapag yung kalaro naming si Junior o kaya si Bong-bong ang nag-I Love You sakin. Parang gusto ko ulet ma-PS ako nung taya at si Mark ang mag-I Love you sakin. O kaya naman gagalaw nalang ako para maging taya kesa naman mag-I Love You sakin si Junior o si Bong-bong.

Pero bakit nung mga panahon na yun, di ako natutuwa kapag babae ang nag-I Love You sakin??? Tapos nakakatawa pa nga, kasi nagkakagulo ang mga babae kong kalaro at nag-uunahan pa kapag ang na-PS ay yung mga kalaro kong lalake. Siguro kung simula pagkabata hanggang sa ngayon ay pwede pa ding laruin ang larong yan, baka sakaling straight ako ngayon. Pero hindi din siguro, kasi nga nung bata palang ako attracted nako sa mga babae kong kalaro, yun nga lang meron nga akong kras, si Mark nga.

Kung ngayon ako makikipaglaro nyan, mas kikiligin ako kapag babae ang nag-I Love You sakin, hehehe! Natatawa nalang ako kapag naiisip ko yung mga masasayang alaala ng aking kabataan. Minsan naiisip ko pa din yung mga kalaro ko kung nasan na sila. Napapangiti na nga lang ako kapag naalala ko ang larong PS! PS! I Love You! Di ko man lang naisip na ngayon mas masaya akong mag-I Love You sa kapwa ko babae. 🙂

About chaponkana

Isang Lesbian OFW na hindi "out" sa pamilya at ibang mga kaibigan. Takot sa "rejection" kaya idinadaan na lamang sa pagsusulat ang mga nais sabihin. Nakahiligan ko ang pagsusulat simula pa nung hi-skul ako. Pero ngayon ko lang naisip na ibahagi ang mga naisulat ko na syang "outlet" ko kapag na-ho-homesick ako.