Proud Kadama (Maid) ka rin ba?

Imahe mula sa Pinterest

Marami tayong mga kababayang OFW na namamasukan bilang Kadama o Katulong sa iba’t ibang panig ng mundo.

Karamihan sa kanila, may mga anak na binubuhay at itinataguyod sa pag-aaral. May kanya-kanyang kuwento ng pakikipagsapalaran sa ibang bansa, at hindi rin maiwasang may malulungkot na pangyayari sa yugto ng kanilang buhay na siyang nag-udyok sa kanila para pasukin ang pagiging kadama.

Ang masaklap nito, marami sa kanila ang minamaliit, inaapakan at ang pinakamasakit sa lahat, minamaltrato’t inaalipusta ng mga among may maitim na budhi.

Pero dapat ba silang hamakin at maliitin? Dapat ba natin silang ikahiya at alipustahin dahil ayon sa iba, mga utusan lamang sila?

Siyempre, hindi!

Marami sa mga tulad nila ang breadwinner ng pamilya. Marami sa kanila ang handang magtiis at magsakripisyo para sa kapakanan ng mga mahal sa buhay. At kahit pa tagalinis o tagakuskos sila ng inidoro gaya ng madalas itawag ng iba sa kanila, isa itong marangal na trabaho na marapat lamang nating ipagmalaki.

Lumaki akong isa ring domestic helper o kadama ang aking ina sa bansang Singapore. Namulat ako sa katotohanang hindi madali ang mga sakripisyong pinagdaanan niya para mabigyan ako ng maayos na buhay. At alam ko na sa kaibuturan ng kanyang puso, iisa lamang ang kanyang hangad. Ito ay ang mabigyan kaming magkakapatid ng magandang edukasyon at masaganang pamumuhay.

Kaya kailanma’y hindi ko ikinahiya na isang kadama ang aking  ina. Hindi kailanman sumagi sa isip ko na maliitin ang kanyang trabaho. Dahil alam ko na dito kami nabubuhay. Ang kagaya niyang may marangal na trabaho at inuuna ang kapakanan ng mga mahal sa buhay ay dapat lamang na ipagmalaki. At oo, proud ako sa nanay kong kadama. Proud ako sa mga katulong na gaya niya na may malinis na hangarin at malasakit sa pamilya.

Ang mga tulad nila, na halos gising 24/7 para pagsilbihan ang mga amo, ay marapat lamang na nirerespeto at tinatrato nang maayos. Higit sa lahat, walang sinuman sa atin ang may karapatan na hamakin at maliitin sila.

Dahil kadama man sila sa paningin nating lahat, tao rin sila na may damdamin at may puso na pamilya ang unang prioridad sa buhay.

Ikaw, PROUD KADAMA (MAID) KA RIN BA?!?

 

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!