Problemang Mag-asawa (Tara, pag-usapan natin!)

(Photo Credit: manwifeanddog)
(Photo Credit:  manwifeanddog)
(Photo Credit: manwifeanddog)

NA-CURIOUS akong isulat kung anu-ano nga bang pangunahing problema ang madalas na pasanin ng mag-asawa sa araw-araw? Bagama’t Single pa rin ang status ko sa pontong ito at wala pang karanasan sa buhay may-asawa, naitanong ko tuloy sa sarili ko, pa’no ba napag-uusapan o naaayos ng bawat mag-asawa sa tuwing may dumarating na problema sa pagitan nila?

Tara, pag-usapan natin ang ilan sa mga ito at alamin kung paano nga ba sosulusyunan ng mag-asawa ang mga problemang ito.

1. FINANCIAL PROBLEM:

Tanong ko muna, sino sa inyong dalawa ang mas kumikita ng malaki o nagbabanat ng buto? Si mister ba o si misis? O pareho. Gaano ba ninyo kadalas pinoproblema ang usaping ito? At kung panahon na ng kagipitan, paano ninyo pinagtutulungang mag-asawa na masolusyunan ang problemang ito? Minsan, may mga mag-asawa na imbes na magdamayan sa krisis na ito, lalo pa silang nagbabangayan, nagbabatuhan ng sisi sa isa’t isa. Na kesyo maluho si misis/mister. Na hindi marunong magtipid at iyon na nga, waldas dito, waldas doon. Sa problemang ito, iwasan na muna ninyo ang magsisihan. Bagkus, kapit-bisig ninyong hanapan ng solusyon kung paano ninyo maaagapan ang krisis na ito. Kapag pinairal kasi natin ang init ng ulo, lalong walang mangyayaring maganda. At kung aminado ka naman misis/mister na ikaw ang may pagkukulang kung pa’no kayo nagipit na mag-asawa sa pera, dapat itatak mo sa isip mo na sa susunod ay baguhin mo na ang maling paghawak sa pera. Pinaghirapan mo man ito, pakaisipin mo rin na dahil pamilyado ka nang tao, dapat pamilya muna ang unahin mo. Saka na ang luho, ang paggastos sa mga walang kapararakang bagay just to please yourself. At sa nakikita ko, pera ang nangunguna sa problemang madalas pagtalunan ng mag-asawa. Kaya habaan ang pasensiya at lawakan ang pang-unawa kapag ito ang problemang mabigat na pasanin ninyong mag-asawa.

2. UNFAITHFULNESS/MAY KABIT SI MISIS O MISTER:

Uso ngayon sa mga palabas sa Telebesiyon ang usaping The Legal Wife. hehe. Pero sa mag-asawa, sa totoong buhay, hindi natin maitatangging isa ito sa pangunahing problema na dumarating sa inyong pagsasama bilang mag-asawa. Tanong ko lang, bakit kaya nasikmura ni misis/mister na mangaliwa? Hindi kaya dahil wala na siyang pagmamahal na nararamdaman sa kabiyak? O simpleng init lang ng katawan na kailangan niyang ipakamot sa iba? Maari ding mahina lang talaga sa tukso si misis/mister. Sa mga nabanggit ko, ang huli ang tila hindi katanggap-tanggap na rason na puwedeng masabi ni misis/mister kapag nagloko ito. Kasi, ang tukso kayang labanan ng kahit sino. Nasa tao ‘yan kung padadala ka, o kung pamilya talaga ang iniisip mo at may respeto ka talaga sa asawa mo. Kung ito ang itatatak mo sa’yong isipan, kahit gaano pa karaming tukso ang pumalibot sa’yo, yakang yaka mo itong paglabanan. Walang taong mahina sa tukso. Ang taong nagpapadala sa tukso ay hindi puwedeng sabihing mahina kundi makasarili. Kaya ikaw misis/mister, paano ninyo napag-uusapang mag-asawa kapag nalaman mong may kulasisi si misis/mister? Hiwalayan na ba agad ang ending? O bibigyan muna ninyo ng chance ang isa’t isa? Pero teka, pa’no kung inulit uli ni misis/mister? Not just once, twice o higit pa? How will you going to handle this issue? Will you still hold-on or its time for you to let go? Well, ikaw mismo ang makasasagot niyan. At kung paano mo haharapin ito, pakaisipin muna natin ang magiging saloobin o kalagayan ng inyong mga anak. As far as I am concern, maraming mga kababaihan na kapag niloko ng kanilang mister dahil sa pambabae, ay nagagampanan pa rin nila ng maayos ang tungkulin bilang ama’t ina sa kanilang mga anak after the separation. So if you think na mas makabubuti sa’yo at sa mga anak mo ang magkanya-kanya kayo ng buhay ni misis/mister mo, then go. Minsan, hindi lang dapat puso ang ating pinaiiral. Ang utak pa rin ang dapat na mas mangibabaw at hindi ang puso.

3. BISYO (eg. Alak, Sugal, Pambabae, Barkada)

Sa usaping bisyo, sino ba ang malimit na nalululong sa mga ito? Si mister ba o si misis? Sino ang mahilig uminom, magsugal, may maraming barkada etc.? Dahil dito, nag-uugat ang isang pagtatalo na nagiging problema na rin ninyong mag-asawa. Problema kung paano mo mapagpapabago si misis/mister sa masamang bisyo nito. Dahil din sa mga bisyong ito, nawawalan na ng oras si mister/misis sa pamilya. Mahalaga ang bonding at quality time ng buong pamilya para mas mapatibay pa ninyo ang relasyon ninyong mag-asawa at ng inyong mga anak. Pero kung busy ka naman lagi sa pag-inom, sugal, barkada, malamang ay wala ka ng panahon pa sa’yong pamilya. Kaya limitahan kung hindi mo man tuluyang maalis ang mga bisyong ito. Pero mas mainam kung tanggalin ang masamang bisyong ito kung nais mong tumagal ang pagsasama ninyong mag-asawa.

4. KATAMARAN O WALANG SENSE OF RESPONSIBILITY:

Sa inyong mag-asawa, sino ba ang kumakayod? Si mister ba o si misis? Paano kung si misis ang lumalabas na padre de pamilya? Ang naghahanapbuhay para sa pamilya at ang masaklap, si mister na wala na ngang trabaho, ay siya pang batugan? Isa ito sa problema ng mag-asawa na madalas ay ugat ng pagtatalo. Kung ang mister mo ay walang sense of responsibility at pabigat lamang sa bahay, paano mo ito iha-handle misis? Ikaw ba ang tipo ng misis na pababayaan na lang si mister kasi mahal mo nga o gagawa ka ng aksyon para matauhan ito? Whatever you think is the best solution, do it now. Huwag mo na itong patagalin para hindi na lumala pa ang pagtatalo ninyong mag-asawa. Sa kabilang banda, may mga mister din na mas gustong maging plain housewife na lang si misis at si mister na ang bahalang magbanat ng buto para sa pamilya. Pero pa’no kung ang misis mo naman ay tamad din sa loob ng bahay? Na ultimo pag-aalaga sa mga tsikiting ay hindi nito magawa ng maayos? May mga ganitong sitwasyon ang ibang mag-asawa. Kaya dapat, pag usapan ninyo ito ng masisinsinan. You should be sensible enough and be fair to one another. Ang buhay mag-asawa, give and take dapat. May tulungan, damayan at bigayan sa isa’t isa. At huwag pairalin ang katamaran o kawalan ng sense of responsibility.

5. PROBLEMANG IN-LAWS:

Kayo ba iyong mag-asawa na laging minamanipula o pinakikialaman ng mga in-laws ninyo? Iyong tipong, hindi na kayo tinantanan bilang mag-asawa. Na laging may side comments sa bawat isyung kinakaharap ninyo bilang mag-asawa. Okay lang sana kung positive ang binibigay nila na komento. E, pa’no kung puro negative pala? Pa’no kung sila na pala ang lumalason sa utak ni misis/mister? Isa rin iyan sa problemang kinakaharap ng ilan sa mag-asawa. Na kung minsan pa’y nakapagdudulot ng hidwaan, tampuhan at bangayan sa inyong dalawa na mag-asawa. At pride ang unang umiiral kung saan lalake ka man o babae, kapag alam mong sinasaklawan ng iba ang mga desisyon mo, doon lumalabas ang pagiging ma-pride natin. Kaya paano nga ba ito maiiwasan ng mag-asawa? Ang masinsinang pag-uusap ay mahalaga. Pag-usapan ninyong mag-asawa kung paano ba ang nararapat na gawin sa mga inlaws na pakialamero? Huwag ninyong hayaang saklawan nila ang pagsasama ninyong mag-asawa. Lalo na kung puro negatibo lang naman ang lumalabas sa mga bunganga nila. After all, may karapatan kayong magdesisyon na mag-asawa at labas na sila sa isyung dapat ay kayong dalawa lang ang nagdedesisyon at nagtatakda.

IILAN lamang ang mga ito sa maraming problemang kinakaharap ng bawat mag-asawa sa araw araw. Anuman ang pagdaanan ninyo, dapat lagi kayong magtulungan na malagpasan ang lahat ng ito. Dahil may sinumpaan kayong pangako sa harap ng Diyos nang kayo’y ikasal. At siyempre, lagi ninyong unahin ang kapakanan ng inyong mga supling bago ang pansariling interes. Walang perpektong pagsasama. Pero hangga’t kaya nating iwasan ang mga problemang nabanggit, gawin natin. Huwag nating hayaang ito ang maging balakid para masira ang inyong pagsasama bilang mag-asawa.

At huling katanungan ko lamang…”Ano na ang estado ng pagsasama ninyong mag-asawa ngayon? Naroon pa ba ang pagmamahal at respeto sa isa’t isa? O kaya na lamang kayo nagsasama ay para sa kapakanan ng mga bata?”

Ano’t anupaman ang mangyari, lagi ninyong gawing sentro ng inyong pagsasama ang Maykapal. Dahil Siya lamang ang makapagpapatatag at makapagpapahaba ng inyong pagsasama bilang mag-asawa!

By: Orlie Ferrer Jacob ng DFBI Family

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!