Prinsesa ng Baryo (Ang Walang Kakuwenta-Kuwentang Kuwento)

ligaw (Photo Credit: notbuknilhan.blogspot.com)
ligaw (Photo Credit: notbuknilhan.blogspot.com)
ligaw (Photo Credit: notbuknilhan.blogspot.com)

Ang bida sa kuwentong ito ay si Maria, isang dalagang Pilipina, isang napakagandang dilag na araw at gabing tinitingala at pinipilahan ng mga lalaking ang hangad ay makamtam ang kanyang matamis na “oo”. Nasa loob siya ng kanilang bahay, sa sala, nakaupo sa kawayang sofa. Isa-isa niyang kinakausap ang pitong lalaking sabay-sabay na umaakyat ng ligaw sa kanya nang gabing iyon. Siya ang itinuturing na Prinsesa ng Kanilang baryo, diwata nga kung tawagin siya ng iba dahil sa kanyang kakaibang ganda.

Simple ang kanyang ayos; nakapuyod ang buhok, may malamlam na make-up, at suot ang hindi naman bagong blusa. Nasa kaliwa niya ang kaniyang Ama’t Ina, laging nakasubaybay sa dalaga. Inaantabayanan ang magiging desisyon ng kanilang anak, papabor din ba ito sa kanilang gusto o hindi?

May pagkamasungit at mataray ang Ina ni Maria, siya ay si Magdalena. Lumaking may galit sa mga lalaki, ngunit nag-asawa rin noong inatake ng pangangati sa may bandang hita, at ang naging asawa nga niya ay si Mateo.

Si Mateo ay isang mabuting tao, subalit walang paninindigan. Nadadala siya sa mga udyok ng iba, mabilis magbago ang isip, at mahina ang loob. Sunod-sunuran ito kay Magdalena. Under-de-saya ang role niya sa buhay ng asawa. As in literal, tagadikdik ng mani, para gawing peanut butter.

“Nakaaantok naman dito Iha”, nagparinig si Magdalena sa anak.

“Oo nga”, sabat ng kanyang asawa.

Si Marco ang unang manliligaw ni Maria; tahimik, halos hindi nagsasalita. Magtatanong si Maria, sasagot si Marco. Ganoon ang scenario hanggang sa huli.

“May gusto ka bang sabihin Marco?”, pag-uusisa ni Maria

“Ah, eh, ah, eh. Sige, aalis na ako. Maraming salamat, sana’y maging mabuti tayong magkaibigan Maria”, nahihiya niyang tugon.

Tumayo na si Marco sa kanyang kinauupuan, nahulog pa ang kanyang suot na salamin, kinapa pa niya iyon sa may ilalim ng sofa, subalit nasa may tuhod lamang niya iyon.

“Ito oh”, iniabot ni Maria ang salamin sa manliligaw.

Nakatitig sa kanya ang lahat ng taong naroroon, sa isip niya’y puro kahihiyan ang kanyang ginawa.

“Assuss! Makikipagkaibigan lang pala, nakipila pa”, sa mahinang tinig ni Magdalena.

“Kailan ko ba makukuha ang iyong buwan?”, si Herman, pangalawang manliligaw.

“Ha?”, si Maria.

“Ang ibig kong sabihin ay ang iyong puso”

“Ah, iyon ba?”

“Ano ba’ng maiaalay mo sa anak ko?”, sabat ni Magdalena.

“Gagawin ko ang lahat

Susungkitin ko ang mga bituin

Lalanguyin ko ang karagatan

Aakyatin ko ang mga bundok

At kung iyong mamarapatin

Ililipad kita sa hangin.”

 

“Sa iyo lamang tumitibok ang aking puso

Ikaw ang iibigin hanggang sa dulo

Ipagtatanggol sa mga tao

Iaalay ko ang aking mundo.”

“Ang lahat lahat sa akin

Ay parang iyo na rin

Halika sa aking piling

Pag-ibig ko ay tangga . . . . .”

“Hep! Hep! Hep!, kasunod?”, si Magdalena ulit.

“Inay?”, pagpigil ni Maria.

“Tumahimik ka Maria”, si Mateo. “Hindi ka bubuhayin ng mga imposibleng bagay, huwag kang pabibilog sa malakundimang sugnay. Ang puso mo’y ginto, nararapat lamang sa kapwa  ginto. Tulad ng sa akin, sa Inay mo”, pagpapatuloy niya.

Pinalo ni Magdalena ang braso ni Mateo, natahimik siya; kunot-noo.

“Next”, ulit ni Magdalena.

“AKO SI EDGAR!”, pasigaw na pagpapakilala.

Nagulat ang mga magulang ni Maria, pati siya ay nagulat din dahil sa tumalsik na laway nito sa kanyang leeg.

“Ano ang iyong sadya? Lalaking bungangero?”, si Magdalena.

“AKO PO AY AAKYAT NG LIGAW SA INYONG MAGANDANG ANAK!”

“Sinisigawan mo ba ako?”, si Magdalena.

“Ako rin ba?”, si Mateo.

“HINDI PO, NAIS KO LAMANG PONG HINGIN ANG KAMAY NG ANAK NINYO”

“Abay magkakamatayan tayo!”, ganti ni Magdalena.

“Inay! Hindi iyon, gusto niya akong maging nobyo”, singit ni Maria.

“Gusto mo ba siya?”, tanong ni Magdalena.

“Hindi po”

“Next”

“Hello po Ginang Magdalena at Ginoong Mateo. Hi Maria, hi mga kuya, magandang gabi po sa inyo”, pakilala ng isang guwapo na may matiponong pangangatawan, si Neil. Napangisi ang buong pamilya.

“Ay! Ang sarap mo naman Iho”, salubong ni Magdalena. Yumakap sabay bumeso sa pisngi ng lalaki.

“Oo nga”, dugtong ni Mateo.

“Tumigil ka nga”, pigil ni Magdalena sa asawa.

“Ano po iyon?”, usisa ni Neil.

“Ah, masarap ang dala mong pansit”, inabot ni Magdalena ang bilaong hawak ni Neil, sinadya ni Magdalena na hawakan ang mga daliri ni Neil. Nagkatitigan silang dalawa; matagal.

“Hoy Magdalena! Kumakati na naman ba ang hita mo?”, galit na tinig ni Mateo.

“Sorry, sorry Hon, huwag kang mag-alala, ipakakamot ko na lang sa iyo mamaya”, paglalambing ni Magdalena.

“Ako naman si Maria”, nakipagkamay ang dalaga sa bisita.

“Oo, kilala na kita. Kumusta ka na? maaari ba kitang ibigin magandang binibini?”

“Ah, eh, maaari naman”

“Eh ikaw? Maaari mo ba akong ibigin?”

“Ah, eh, Inay?”, humingi siya ng tulong kay Magdalena.

“Oo, oo ang isagot mo anak. Bagay kayo. Isang saucy at isang yummy, para kayong tocinno. Sige anak, mabubusog ka sa kanya. Marami siyang bala, nadadama ko”, sabay kumagat ng labi si Magdalena.

“Sige, iibigin kita Neil. Siya nga pala, sina Mark at Dave, mga kapatid ko sila”, pakilala niya sa dalawang kapatid malapit sa may bintana.

“Hello mga pare”, niyakap ni Neil si Mark at Dave; matagal, ayaw nang bumitaw. Napanganga bigla si Magdalena habang nakatingin sa palad ni Neil na hinihimas-himas ang braso ng anak niyang si Dave.

“Ang daming ipis!”, sigaw ni Mateo.

“Ayy! Ayy! Eww, ayayayyy! Kadiri! Ilayo ninyo sa akin iyan. Diyos ko, matetegi ang beauty ko ditey. Matsutsugi na yata aketz. Mariano garapon”, palirit ng machong si Neil.

Napakamot ng ulot si Maria. Tumakbong parang binabaeng naiihi sa takot papalabas ng bahay si Neil. Umupo na sa harap ni Maria ang panlimang manliligaw niya. Mukhang mayaman, malinis ang katawan, guwapo rin, medyo may kalakihan din ang katawan, maputi, naka-americakana at slacks.

“Hi! I’m from Mak-kati Ceetey. I am Luga”, pakilala ng animo’y dayo.

“What?”, sagot ni Maria.

“Luga, with the last letter S”

“Lugas?”

“No! not G, it’s C. Luga”

“Ah! Lucas?”

“You’re right”

“So, how’s life? Is that your car?”, itinuro ni Maria ang kotseng puti na nakaparada sa labas ng bahay nila.

“Yeah! That’s my ford expedition. My fifth car since when I graduated from college. Look, I finished my 2 courses from La Salle University”

“Oh really? Oh my God, you’re so reach”

“Reach?”

“Of course, rich”

“Ah, I thought I heard wrong pronunciation”

(kibit-balikat si Magdalena)

“Oh”

“Oh?

“I’m gonna give you house and lot, a million dollar, a BMW car, business, career and extraordinary love”

Dumikwatro ang lalaking mukhang nagsasabi ng totoo, kinagat ang kuko sa kanang hinlalaki sa kamay at idinura sa gilid ni Maria.

“I’m gonna give you everything”, patuloy ng binata.

“Sagutin mo na Maria. Hindi ka na magtatrabaho sa kanya, hihiga ka na lang sa pera, kakain ka ng ginto”, sulsol ng kanyang Ina.

“Inay? Mukha ba akong pera? Para ngang weird siya. English nang English, hindi ko maintindihan”, angal niya sa Ina.

“Lucas!”, sigaw ng lalaki mula sa labas.

Dumungaw sa bintana si Lucas, tinitigan ang lalaking sumigaw.

“Yung kotse daw sabi ni Boss, gagamitin, agad-agad. Hindi ka raw nagpaalam sa kanya na gagamitin mo, itong driver na ito tagala”, sigaw ng lalaki sa labas.

“Sandali lang kamo, susunod na ako. Huwag mong sasabihin na nandito ako, baka mawalan ako ng trabaho”, paliwanag ng nagpakilalang milyonaryo.

“Sige, sige! Itong driver na ito talaga. Tsk! Tsk! Tsk!”, ulit ng lalaki.

“Driver?”, sigaw ng mga tao sa loob ng bahay.

“In fairness, magaling ka palang magtagalog ha”, pang-aasar ni Maria.

“Lumayas ka dito, manloloko ka!”, pinagpapalo siya ng mga sandok ng dalawang kapatid ni Maria (parang sa pelikula? Kengkoy).

Itinulak siya sa hagdan ng dalawa pang natitirang manliligaw ni Maria, nagpagulong-gulong siya hanggang ibaba.

“Aba! Aba! Aba! Ang anak ng hardinero mo Mateo, naririto. Balak mo bang mag-apply bilang kargador ng kopra Buknoy?” paunang lait ni Magdalena.

“Ahahaha”, tawa ni Mateo

“Tumigil ka Mateo, kinakati ang paa ko, hipan mo”, pag-uutos ni Magdalena.

“Hikhikhikhik”, pigil na tawa ni Maria.

“Hindi po Madam Senyora Magdalena”, sagot ni Maria.

“Eh ano’ng ginagawa mo sa mansyon-mansyonan ko alipin? Balak mo bang manligaw sa anak ko? Hmmmmm”

“Opo Madam”

“Hindi maaari”, pigil ni Magdalena.

“Hindi maaari”, pigil ni Mateo.

“Maaari”, pahintulot ni Maria.

“Ngunit, subalit, datapwat”, si Magdalena.

“Inay! Bigyan natin siya ng pagkakataon”, paliwanag ni Maria sa Ina.

“Sige, pumapayag ako, ngunit! Sa isang kondisyon”

“Ano?”, sagot ng kanyang dalawang anak na lalaki.

“Nalulungkot ako, saktan mo ang sarili mo, hakhakhakhak!”, tawang may kasamang paghagok ng plema.

“Hindi ko gagawin Madam, sapagkat nababakas kong masaya kayo at tumatawa”

“Walang modo. Mateo, ihanda ang mukha mo”, utos niya sa asawa.

Lumuhod si Mateo sa harapan ni Magdalena. Tinanggap ang sampal na tanging mukha lamang niya ang pumapawi ng yamot ng minabahal.

“Ano ang maipaglilingkod ko sa iyo Buknoy?”, tanong ni Maria.

“Iniibig kita Maria”, bungad agad ni Buknoy sa dalaga.

“Eeeeeewww!”, hinimatay si Magdalena.

Hinimatay rin si Mateo (gumaya lang)

“Ako ang piliin mo, ipagtatanggol kita sa lahat ng nang-aapi. Kay Aling Magdalena, kay Mang Mateo”

Nagising bigla ang mag-asawa.

“Itatanan kita Maria, tutulungan kitang mag-impake ngayon”

“Aba! Aba! Aba! Bulag ka ba Buknoy na anak ng isang hardinerong hindi nag-b-brief, ang lakas ng loob mong magsabi sa harap namin ng ganyan, hindi ka magtatagumpay”, tumaas ang kilay ni Magdalena.

“ba’t alam mong wala siyang brief?”, nakasimangot na nagtanong si Mateo sa asawa niya.

“Mateo, I have an affair with his father”, nag-away ang mag-asawa sa tabi nilang dalawa.

“Huwag mo silang intindihin Maria, hindi sila ang tunay mong mga magulang”

“Haaaaa? Totoo ba ang narinig ko Maria? Hindi ikaw ang tunay naming anak? Bakit mo itinago ang katotohanan sa amin ng Ama mo? Wala kang kuwentang ampon!”, umiyak si Magdalena (pero kunwari lang)

“Magsalita ka! Sino ang tunay naming anak?”, pagpatuloy niya.

“What? Hindi ka namin tunay na anak?”, natataeng pagkagulat ng dalawang tangang kapatid ni Maria.

“Hoy! Tumigil nga kayong dalawa diyan, hindi kayo ang magulang, kapatid lang kayo”, paliwanag ni Magdalena.

“Aahhhh!”, sagot ni Mark

“Aahhhh!”, balik ni Dave.

“Oo, ampon ka lang Maria”, patuloy ang panggugulo ni Buknoy sa istorya.

“Hahahahaha, totoo nga ang tsismis Buknoy”, lumakad nang dahan-dahan si Magdalena habang tinatanggal ang tali ng kanyang buhok.

“Tsismis?”, nagtatakang tanong ni Mateo.

“Oo, totoo Mateo. Totoo na nag-iimbento siya ng kuwento sa kanto”

“Wala akong alam sa sinasabi mo, sa ibinibintang mo”, si Buknoy.

“Puwes! Ako may alam, ito ang sa iyo!!!”

Sumigaw si Buknoy nang NAPAKALAKAS!

“Magdalena, ano ba ang ginawa mo sa kanya?”,usisa ni Mateo.

“Wala!  Pinitik ko lang ang itlog niya, hindi mo nakita ano?”, namilipit sa kilig si Magdalena.

Umalis na ng bahay nina Maria si Buknoy.

“Inay! Ano ba naman iyan? Lahat na lang palpak, wala na bang matinong lalaki sa mundong ito?”, himutok ni Maria.

“Maski ang tatay mo Maria, hindi matino”, hirit ni Magdalena.

“Pati ikaw Inay, hindi matino!”, sigaw ni Maria.

Natahimik bigla si Magdalena.

“Ano ba namang buhay ito?”, sabay punas ng noo.

Padabog na nagtungo sa may pinto ng kanilang bahay si Maria. Nakarinig siya ng isang tinig.

“Nandito ako, ako ang magpapaligaya sa iyo”

Lumingon siya sa kanan, sa kaliwa. Wala siyang makitang tao.

“Ako ang magpapaligaya sa iyo Maria”, naulit na naman ang mahinang tinig.

“Sino iyon?”, usisa ni Magdalena.

“Tunog engkanto”, si Mateo.

“Ako ang tunay na magbibigay ng kahulugan ng pag-ibig”, naulit muli.

Tumingala si Maria, wala pa rin siyang makita. Tumungo siya sa may ilalim ng hagdan.

“Ako si Wendel”, pakilala ng isang hindi mawari kung ano.

“Ay dwende! Tabi tabi po”, gulat ni Magdalena.

“Ay ano iyan?”, si Mateo. “Anak mo yata sa labas Magdalena”, patuloy niya.

“Ako si Wendel Maria. Mahal kita, mahal na mahal (with feelings), inuit-ulit ni Wendel ang kanyang mga sinasabi.

“Inay! (Kinikilig) ramdam na ramdam ko ang sinabi niya, tagos sa aking damdamin. Siya ang aking pipiliin”, si Maria.

“Ano? Siya? Hindi kami makapapayag na magkaroon ng manugang na mas maliit pa noong 4 years old ka, hindi kayo bagay”, pigil ni Magdalena.

“Ganoon po ba?”

“Oo anak. Subukin natin siya”

“Hoy ikaw duwende, este wendel. Saan ka nakatira?”, tanong ni Magdalena.

“Diyan po sa hardin ninyo”

“Oh nakita mo na?”

Alanganing tumango si Maria, umiling-iling.

“Inay, hindi kaya engkanto iyan?”, sabat ng anak niyang si Dave.

“Tumahimik ka nga Dave, napakamapanlait mong anak, kanino ka ba nagmana?”, na-disappoint na si Magdalena.

“Sa inyo”, ganti ni Dave.

“Lumayas ka! Hindi ka bagay sa anak ko”, pinagtulakan ito ni Mateo.

Agad na tumalikod si Wendel. Pinagmasdan ng pamilya ang paglakad nito papalayo. Umiiyak si Wendel nang malakas.

“Mahal kita Maria, mahal kita aking Prinsesa, mahal kita”, patuloy ni Wendel.

“Damang-dama ko talaga inay ang mga sinasabi niya”, nag-iinarteng si Maria.

“Tumahimik ka Maria, niloloko mo lang ang sarili mo. Malandi ka rin eh no?”

“Siguro nga po inay”

“Tama ang iyong ina, anak”, si Mateo.

“Tama ang iyong magulang, kapatid”, si Dave at Mark.

“Tama ang iyong pamilya Maria, sundin  mo sila”

“Sino iyon?”, takang-taka silang lahat.

“Ako ito, si Ben”, pakilala ng lalaking papalapit sa kanila mula sa madilim na lugar.

“Ben? Ikaw ba iyan? Ang lalaking tunay at matagal ko nang minamahal?”, sabik na tanong ni Maria habang himas-himas na ang pisngi ni Ben.

“Ay hindi Maria! Ako si Vice Ganda. Nakikita mo na nga ang mukha ko, magkaharap na nga tayo, at balak na nga sana kitang halikan eh. Ang kaso, naisip ko, baka ako nga si Vice Ganda”, Vice Ganda syndrome.

“Ikaw talaga, napakamapagbiro mo. Natutuwa talaga ako sa iyo, kaya lalo akong nai-inlove eh”, nag-inarte na naman si Maria, haliparot.

“Joke lang siyempre, ikaw talaga ang tanga-tanga”, kinurot niya ang pisngi ni Maria, kinilig naman si maria kahit bahagyang dumugo ang kanyang pisngi.

Kinurot naman ni Magdalena ang singit ni Maria.

“Hoy babae! Ang harot harot mo! Sino ba ang lalaking iyan?”, minulagaan niya si Ben.

Kinurot naman ni Mateo ang singit n Magdalena.

“Basa noh? Napaihi kasi ako kanina noong dumating yung lalaking macho na bakla”

“Maria, mahal kita. Kaya nandito ako sa harap mo ngayon. Balak sana kitang yayaing magpakasal”, hinawakan ni Ben ang dalawang kamay ni Maria.

“Kasal? Ni hindi ka pa nga nanliligaw sa anak ko, kasal agad?”, hiyaw ni Magdalena.

“Inay, matagal nang kami”

“Ha? Kalian ka pa nakikipaglandian sa kanya?”

Nagbilang si Maria.

“Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam, sampu, labing-isa, labindalawa, labin . . . . . . .  ang dami na inay, hindi ko na mabilang. Ilang beses na rin kaming nagtanan”

“Balasubas! Bukas na bukas din, ipakakasal namin kayong dalawa.

“Kami ni Ben, Inay?”

“Ay hindi anak! Ipakakasal kita sa kapatid mo. Try natin kung tatanggapin ng simbahan. Ikaw naman, nagpapakabobo ka na naman”

“Ako po?”

“Hindi anak. Ako na lang, ako na lang ang bobo. Nakahihiya naman sa iyo, mapapgod ka pa, magpahinga ka na lang.”

“Salamat inay”, (put an emoticons here, bahala ka na kung anong gusto mo).

Halos gusto nang tirisin ni Magdalena ang anak, ngunit nakapagpigil pa siya.

“Ayon sa ating pinirmahang kasulatan noong nabubuhay pa ang ating mga ninuno. Sa lagay ninyong dalawa ngayon, marapat-dapat na kayong ipakasal, dahil may panganib na darating”, babala ng kanyang ina.

“Ano iyon inay?”, (relax mode lang)

“Hindi ko alam, pamahiin lang iyon anak”

“Kung sa kanya ka masaya, pinakakawalan na kita anak”, pagpapaubaya ng kanyang ama na si Mateo.

Naiiyak na yumakap si Magdalena sa kanyang asawa.

“Tingnan mo nga naman, ang bilis nang panahon. Magpapakasal na ang anak natin Mateo. Magkakaroon na siya ng maraming anak”, umiiyak pa rin si Magdalena, nagkakamot na naman ng singit.

“Huwag kang mag-alala mahal ko, kakayanin nila ang pinili nilang landas. Kung tayo nga na hindi talaga nagmamahalan, nalampasan natin, sila pa kaya na totoong nagmamahalan”

“Ano?”

“Sabi ko, mahal kita”, tinulungan ni Mateo si Magdalena sa pagkakamot.

“Tama ka mahal ko, ipanalangin natin sila gabi-gabi”

“Inay, itay”, magmamano sana si Ben.

“Hindi kita anak”, sagot ni Magdalena.

“Oo nga”, ang pakialamerong si Mateo.

“Tita, Tito”, magmamano na ulit sana si Ben.

“Hindi kita pamangkin”, sagot ni Magdalena.

“Oo nga”, ang pakialamerong si Mateo.

“Kuya, Ate”, magmamano na naman sana si Ben.

“Hindi kita kapatid”, sagot ni Magdalena.

“Oo nga”, ang pakialamerong si Mateo.

“Edi, Mateo, Magdalena”, hinawakan na ni Ben ang kamay ng dalawa.

“Walang modo”, sigaw ng mag-asawa.

“haayyyss”, himutok ni Ben.

“Sige na, pumapayag na kami, basta aalagaan mo ang anak namin ha. Sige na, umalis na kayong dalawa, itanan mo nang muli ang anak ko”, pagbibigay permiso ni Magdalena.

“Gora na!”, si Mateo.

Napalingon ang lahat sa kanya.

“Joke”

“Sige po, salamat po”, tuwang-tuwa si Ben.

“Teka! Saan mo ba itatanan ang anak kong si Maria?”, tanong ni Magdalena.

Kinuha ni Ben ang isang malaking bag na iniwan niya kanina sa may puno ng chico, sinakbat niya iyon.

“Dito po sa inyo”, ngumiti lang siya.

“Tara Maria, umakyat na tayo sa bahay ninyo. Sa gilid ako ng kama mo ha”

“Sige Ben, ako na lang sa may dingding. Huwag kang masyadong malikot mamaya ha”

“Ikaw rin Maria”

“Paliligayahin kita mamaya”

“Ibibigay ko ang lahat sa iyo”

Habang pumapasok ng bahay ang dalawang nagtanan sa sariling bahay, pahina na nang pahina ang kanilang mga boses. Ang mag-asawang sina Magdalena at Mateo ay naiwang nakatunganga sa labas ng bahay. Ilang saglit, pumasok na rin sila nang natauhan sa mga nangyari. Inakbayan ni Mateo si Magdalena, yumakap naman sa baywang ni Mateo si Magdalena. At ang dalawang kapatid ni Maria na sina Mark at Dave na kanina pa nakadungaw sa bintana ay biglang nahulog (joke lang) pumasok na rin sa kanilang kuwarto.

Pinatay na nila ang ilaw.

Abangan ang susunod na kabanata . . .

(Joke lang)

About sherald salamat