PRIDE

(Photo Credit: bytheirstrangefruit.blogspot.com450)
(Photo Credit: bytheirstrangefruit.blogspot.com450)
(Photo Credit: bytheirstrangefruit.blogspot.com450)

BUSANGOT na naman ang mukha ni Ferdie nang datnan ito ng inang si Aling Divina sa kanilang sala nang umagang iyon.

Galing sa pamamalengke ang ginang. At dahil linggo, walang pasok sa opisina ang panganay na si Ferdie na isang Mensahero.

“O, ba’t ganyan na naman ang hilatsa ng pagmumukha mo?” usisa ni Aling Divina na ngayo’y nakakunot-noong nakatitig sa anak. Bitbit pa rin niya ang pinamiling mga gulay at iba pang rekado sa pagluluto.

Nahihinuha na ni Aling Divina na mayroon na namang hindi magandang nangyari rito.

Lalong naging sambakol ang mukha ni Ferdie sa tinuran ng ina.

“‘Yang magaling n’yong anak, kung makaasta akala mo kung sino. Punong puno na ako d’yan. Ang aga aga, binubuwisit ako!” padaskol na tugon ng bente-sais na si Ferdie na napapakuyom ang mga palad. Halata ang galit at inis sa mukha nito.

Si Ernesto na bunso at bukod-tanging kapatid ni Ferdie ang tinutukoy ng binata. Matagal nang hindi magkasundo ang magkapatid. Madalas magkabangayan, magkasagutan at magkasakitan ng pisikal.

Isang taon lamang ang agwat ng edad nila. At kung magturingan sila ay daig pa ang mortal na magkaaway.

Bagay na lubos na ikinalulungkot ni Aling Divina. Siya ang higit na apektado sa tila walang katapusang bangayan ng magkapatid.

At wala din siyang ideya kung hanggang kailan magmamatigasan ang mga ito sa isa’t isa.

Hindi na inusisa ni Aling Divina ang panganay na dumiretso na lang sa kusina habang iiling-iling.

SAMANTALA, nag-ugat ang bangayan kanina nina Ferdie at Ernesto dahil lamang sa tunog na nanggagaling sa radyo na pinatutugtog ni Ernesto.

“Pakihinaan naman ang radyo. Hindi ka ba nabibingi sa lakas?” malumanay ngunit may diing sabi ni Ferdie sa kapatid paglabas niya ng sala mula sa kuwarto. Kagigising niya at ang dumadagundong na tunog ng radyo ang agad bumungad sa kanya.

Hindi tumalima si Ernesto. Bagkus, tila nang-iinsulto pa nitong sinabayan ng pagkanta ang mang-aawit na si Ed Sheeran sa pamoso nitong kanta na ‘Thinking Out Loud’.

Doon naman lalong nag-umalpas ang ngitngit ni Ferdie sa kapatid na kalauna’y binato niya ng unan na saktong tumama sa mukha nito.

At ilang segundo lamang, halos magpambuno na silang magkapatid. Animo’y may boxing sa pagitan nila na parang mga bata. Natigil lamang sila nang bumagsak ang plorera na nakapatong sa ibabaw ng maliit nilang istante na aksidenteng nasiko ni Ferdie.

“Wala ka talagang respeto! Mas panganay ako sa ‘yo. Pero kung umasta ka parang ikaw ang mas nakakatanda!” hinihingal na bulyaw ni Ferdie.

“Ikaw ang walang respeto! Kung marunong ka lang sanang magpakumbaba, hindi ganito ang trato ko sa ‘yo!” balik ni Ernesto na nagpupuyos din sa galit.

Saka ito walang lingon-likod na pumasok sa sariling silid.

Napamaang na napasuntok na lang sa hangin si Ferdie nang maglaho sa paningin niya ang maangas na kapatid.

Sino nga ba sa kanilang dalawa ang dapat magpakumbaba? Siya na panganay o ito? Hindi nga ba’t lagi naman siyang nagpapakumbaba? Pero sadyang matigas ang kanyang kapatid. Hindi komo ito ang bunso ay dapat siya na rin ang laging iniintindi.

At sino nga ba sa kanilang dalawa ang totoong ma-pride???

NAALALA ni Ferdie ang puno’t dulo ng lahat kung bakit malayo ang loob nilang magkapatid sa isa’t isa. Noong mga bata pa lamang sila, tanto na ni Ferdie na hindi patas ang trato ng mga magulang nila sa kanilang magkapatid. Lalo na noong nabubuhay pa ang kanilang Ama na si Mang Dencio. Mas malapit kasi ito sa kapatid kaysa sa kanya.

Gayunpaman, pilit iyong inuunawa ni Ferdie. Lagi niyang sinasabi sa sarili na mas kailangan ni Ernesto ng atensiyon dahil ito ang bunso at sakitin.

Ngunit habang lumalaki sila, nagiging spoiled ang kapatid. Kaya naman napapadalas din ang bangayan at away nila. At mas lalong nabuhay ang kinikimkim na sama ng loob ni Ferdie sa tuwing kinakampihan lagi ng kanilang Ama ang kapatid.

Aniya: “Ikaw ang panganay Ferdie. At ikaw na lang ang magpakumbaba at umintindi sa kapatid mo. Kaso hindi, e. Pinapatulan mo pa. At dapat ikaw ang magpakita ng magandang ihemplo sa kapatid mo!”

Simula noon, mas lalong naging malayo ang loob ni Ferdie sa kapatid. At sa tuwing magpapang-abot sila sa loob ng kanilang tahanan, walang araw na hindi sila nagkakasagutan. O kung hindi naman ay hindi sila nagkikibuan o nag-uusap man lang.

Kaya hanggang sa nagbinata sila, hindi na nagbago pa ang turingan nilang magkapatid na daig pa ang mortal na magkaaway.

At lahat ng ito ay hindi lingid sa kaalaman ng kanilang nahihirapang ina na si Aling Divina. Ngunit maski siya na ina ng dalawa ay walang magawa para magbago ang pagtrato ng mga ito sa isa’t isa.

Parehong ma-pride ang mga ito!

KINAUMAGAHAN, isang masamang balita ang gumimbal kay Ferdie habang nasa trabaho ito.

“N-Nasa hospital ngayon ang k-kapatid mo, Ferdie. N-Nabunggo siya ng kotse habang nagmamaneho ng motor. K-Kritikal daw ang lagay niya sabi ng doktor, anak…” uutal-utal na sabi ni Aling Divina sa anak habang pumapalahaw ito ng iyak.

“Saang hospital kayo ngayon, ‘Nay? Pupuntahan ko kayo d’yan!” ang balisang sagot ni Ferdie. Kinakabahan siya sa lagay ngayon ng kapatid.

At pagkatapos magpaalam sa boss ay mabilis niyang tinungo ang General Hospital kung saan dinala ang kapatid na aksidente. Kahit hindi maganda ang relasyon nilang magkapatid, ni minsan ay hindi sumagi sa isip niya na may masamang mangyari rito. Kahit ganu’n sa kanya si Ernesto, mahal pa rin niya ito bilang kapatid.

ILANG araw ding nawalan ng malay si Ernesto habang nakaratay. Maraming tubo ang nakasaksak sa kanya at muntik na itong hindi maisalba dahil sa mga pinsalang tinamo niya sa aksidente. Lalo na sa parteng ulo. Mabuti na lamang at hindi gaanong napuruhan ang ulo nito. Marami itong gasgas at sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.
Ngunit ayon sa mga doktor, ligtas na raw ito sa panganib ngayon. Bagay na lubos na pinagpapasalamat nina Ferdie at Aling Divina.

LUMIPAS ang mga araw at unti-unti na ring naghihilom ang mga sugat sa buong katawan ni Ernesto. Nakakatayo na rin ito at unti-unti nang bumabalik ang sigla sa katawan nito.

At ngayon lang nagawang kausapin ng seryoso ni Ernesto ang nakatatandang kapatid na si Ferdie. Katatapos lang nilang mananghalian nang lapitan nito ang kapatid na may malawak na ngiti sa mga labi.

“Hindi ko alam kung pa’no ako magpapasalamat sa ‘yo, kuya. Alam kong malaki ang kasalanan at pagkukulang ko sa ‘yo. Dumating din sa punto na tinakwil kita bilang kapatid ko. Pero hindi ko alam na ikaw din pala ang magliligtas sa buhay ko…” ani Ernesto na nagsisimula nang mamuo ang luha sa mga mata.

Mataman lang na nakikinig si Ferdie sa kapatid.

“Kung hindi dahil sa sakripisyong ginawa mo, sa lahat ng ginastos mo sa hospital,siguro wala na ako ngayon. Salamat, kuya. At sana, mapatawad mo ako sa lahat ng mga pagkukulang ko sa ‘yo. N-Ngayon ko napatunayan sa sarili ko na hindi ka talaga masamang kapatid…”

Tuluyan nang pumatak ang luha ni Ernesto.

Maluha-luha namang niyakap ni Ferdie ang kapatid. “H’wag mo nang isipin ang kung anuman ang naging trato natin sa isa’t isa noon. Kahit kailan, hindi ko kayang tiisin na makita kang nahihirapan. At ako man ay may mga pagkukulang din sa ‘yo. Kaya sana, patawarin mo rin ako, Ernesto,” bukal sa loob na ganti ni Ferdie.

Lalong napahikbi si Ernesto sa mga narinig at mas lalong humigpit ang pagkakayakap nito sa kapatid.

“Magkadugo pa rin tayo kahit ano’ng mangyari. Nagkakasakitan man tayo. O pareho man tayong ma-pride. Hinding-hindi pa rin magbabago ang katotohanan na iisa ang dugong nananalaytay sa atin,” dugtong ni Ferdie.

“Salamat kuya. At mula ngayon, magbabago na ako.”

Ginulo ni Ferdie ang buhok ng kapatid na ngayo’y natatawa na. “Ayoko nang madrama. Hindi bagay sa mga tulad nating barako!” aniya na lalong napahagalpak ng tawa.

Natawa na rin si Ernesto na kanina lamang ay humihikbi.

At lahat ng iyon ay nasaksihan ni Aling Divina na kanina pa nakamasid at nakikinig sa usapan ng magkapatid. Higit kaninuman, siya ang lubos na natutuwa ngayon sa pagbabagong iyon ng mga anak. At sa wakas ay nagkapatawaran na rin ang mga ito.

Magiging panatag na ang loob niya. At kahit anumang oras bawiin ng Maykapal ang buhay niya, nasisiguro ni Aling Divina na maiiwan niya ang mga ito na maayos at may magandang samahan sa isa’t isa bilang magkapatid!

W A K A S

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!