Poverty is not a hindrance to succeed

Lumaki ako sa isang mahirap na pamilya na ang tanging ikinabubuhay ng pamilya ko ay pagsasaka. Pangatlo ako sa apat na magkakapatid. Alam ko kung gaano ka hirap ang buhay. Isang kahig isang tuka. Malinaw pa sa isipan ko ang mga panahong nangungutang ang mga magulang ko sa pinsan ko at sa mga kakilala nila.Sa tuwing bayaran na sa school, ay na  problemado ang inay kung saan kukuha ng pera. May pagkakataon ding nagluluto nalang kami ng saging sa tanghalian para itabi ang kanin  at ulam sa pang hapunan. Minsan pag may tira pa sa baon ko ay itinatabi ko. Kung malaki na ang naipon ay bibili ako ng pwede kong itinda para mapalaki ang pera. Ako na rin miso ang magbabayad sa ibang miscellaneous fee para hindi na rin mabigat para sa mga magulang ko. Naisip ko, paano ako mag-aaral sa kolehiyo kung ganito ang buhay namin? Makakapag-aral pa kaya ako? Paano na ang pangarap ko?

Nang makapagtapos ng kolehiyo ang ate ko ay nagkaroon ako ng pag-asa na pag-aaralin niya ako. Pero gumuho ang pag-asa na yon nong nag-asawa siya. Pero hindi ako nawalan ng pag-asa. Nag-take ako ng exam sa dalawang kolehiyo at pinalad naman akong pumasa. Kahit alam kung walang kasiguraduhan na pakakapag-aral ako ay itinuloy ko parin. Sa awa ng Diyos,  nag-volunteer ang kapatid ng aking ama upang tulungan ako sa aking pag-aaral. In short, working student ako. Pero ok lang basta makapagtapos ng pag-aaral.

Ang akala kong madaling buhay ay hindi pala. Dahil nasa poder nila ako ay kailangan kung kumilos. Gawaing bahay, gising ng maaga  para magluto at linis. Masasabi kung nakakapagod at hindi biro na nag-aaral ka at kailangan mo ring isipin ang mga gawaing bahay. Matagal matulog pero gigising ng maaga dahil maagang papasok ang anak niya kahit alas nuebe pa ang pasok ko.Tiniis ko lahat dahil ang laging nasa isip ko ay ang makapagtapos ng pag-aaral. Kung kinaya kung tiisin lahat ng mga gawain sa bahay ang ugali at ang trato sa akin ang hindi. Hindi ko matiis ang ugali ng kanyang anak. sa exam ay pinatayan ako ng ilaw.  Hindi ko rin matiis ang mga masasakit na salitang galing sa aking tita lalong -lalo na tungkol sa pamilya ko. Hindi ko rin matiis ang minsan na  magagalit nalang siya kahit walang dahilan.

New year noon, umuwi ako sa amin para makapiling ko pamilya ko sa pasko at bagong taon. Pagbalik ko sa kanila ay nakatambak ang kanilang labahin. Hinintay pala nila ako. Sunday kina-umagahan ay nag-simba kami. Pagkadating ay nagalit siya dahil sa tambak na labahin. Dahil sa galit niya nilabhan namin ang mga labahin na hindi man lang nag-agahan at kahit tanghalian. Dahil sa sama ng loob ko dahil sinali  na naman niya ang pamilya ko, hindi  ako nakatiis at nakapag bitiw ako ng salita. Patitigilin na niya ako sa pag-aaral. Kaya nag-impaki ako agad para umuwi na sa amin. Kinabukasan, habang siya ay nasa paaralan para magturo ay umalis ako sa bahay at nag-iwan ng sulat.

Akala ko ay hindi na ako makakapag-aral. Pero mabait ang Diyos. Isang kamag-anak ang naawa at kumupkop sa akin. Trinato nila ako bilang isang pamilya. Parang kapatid. Parang anak. Dahil nga working student parin ako ay kailangan ko paring kumilos. Pero sa kanila magaan ang pakiramdam ko. Alam kong hindi parin madali dahil kailangan kong kumilos at sundin lahat ng utos nila pero ni minsan hindi nila ako trinato na ibang tao. Masasabi kong masaya ako ang lubos ang pasasalamat ko na sa kanila ako napadpad. Mahalaga sa kanila ang edukasyon kaya hindi sila nagdalawang isip na pag-aralin ako.May pagkakataon na nahihiya ako lalo na ang humingi ng pambayad sa school pero sila na din ang kusang magtatanong sa akin.

success photo
Photo by Celestine Chua

4rth year college noon at practice teaching student ako nong namatay ang nanay ko. Hindi sila nagdalawang isip na bayaran agad ang utang ko sa school at pauwiin ako sa amin upang masilayan ko ang aking ina sa huling sandali. Nakakalungkot man at napakasakit dahil hindi ko na masusuklian pa ang mga sakripisyo niya sa akin.

Dahil narin sa tulong ng pamilyang kumupkop sa akin ay nakapagtapos ako nag pag-aaral. Dahil na rin sa request ng aking ina na suklian ang lahat ng mga ginawa nila, bago ako umalis ay nag-stay ako sa kanila ng dawalang taon.. Pagkatapos ng dalawang taon ay naisipan kung mag-abroad para guminhawa din sa buhay. Hanggang ngayon ay lubos pa din ang pasasalamat ko sa kanilang pamilya sa lahat ng kanilang suporta. Di ko man matutumbasan ng pera ang utang na loob ko sa kanila pero pagsisikapan kung makabawi.Nagpapasalamat di ako sa Diyos dahil maganda na ang relasyon namin ngayon ng kapatid ng aking ama na siyang una kong tinirhan.

Ang tagumpay ng isang tao ay hindi nasusukat ng estado sa buhay kundi sa pagsisikap at pagdadasal sa Poong Maykapal. Walang ibibigay sa atin ang Diyos na hindi natin kayang lampasan. Hindi hadlang ang kahirapan para maging matagumpay at umunlad sa buhay. Manalig lang tayo sa Panginoong Diyos.

Naway kapupulutan ng aral at inspirasyon ang kwento kong ito.

God Bless!!!