Pope Francis, inamin ang sekswal na pang-aabuso ng mga pari at obispo sa mga madre

Marami ang nagitla sa pagiging prangka ni Pope Francis nang inamin niya sa publiko ang mga nagaganap na sekswal na pang-aabusong ginagawa ng ilang pari at obisbo ng Simbahang Katolika sa mga madre.

“There are some priests and also bishops who have done it,” sagot ni Pope Francis sa tanong ng isang mamamahayag kung tunay ang mga napapabalitang pang-aabuso sa mga madre.

Ginawa ng Papa ang pahayag habang sakay ng papal plane na pabalik sa Roma matapos ang pagbisita niya sa United Arab Emirates.

Screenshot mula sa video ng Vatican News

Ani Pope Francis, nalalaman ng Catholic Church ang mga eskandalo at ilang kleriko na ang nasuspinde dahil doon.

Ibinahagi pa niya na ang Papa na nauna sa kanya na si Pope Benedict ay napilitang ipasara ang isang kongregasyon ng mga madre na inaabuso ng mga pari.

Screenshot mula sa video ng Vatican News

“Pope Benedict had the courage to dissolve a female congregation which was at a certain level, because this slavery of women had entered it – slavery, even to the point of sexual slavery – on the part of clerics or the founder,” pagsisiwalat ni Pope Francis.

Ayon sa ulat ng BBC, ang kongregasyon ng mga madre na ipinasara ni Pope Benedict ay ang Community of St. Jean na nakabase sa France.

Screenshot mula sa video ng Vatican News

Noong 2013, inamin ng ilang miyembro ng ipinasarang kongregasyon na ang mga pari raw ay kumilos sa paraang taliwas sa chastity sa mga miyembro ng nasabing religious order.

Sa ibang kaso naman na naganap sa India noong nakaraang taon, isang obispo ang inaresto dahil sa paratang na nilugso niya ang puri ng isang madre ng labintatlong beses – sa pagitan ng mga taong 2014 at 2016.

Sabi ni Pope Francis, pinilipit ng Catholic Church na matugunan ang problema, subalit patuloy pa rin daw iyong  nangyayari.

“I think it’s still going on, because it’s not something that just goes away like that. On the contrary,” anang Papa.

Source :

BBC, USA Today, WBUR