Plastic Pa More!

Tapos na ang Earth Hour, napost mo na sa Instagram mo ang selfie mo habang nasa SM para sa countdown at nung isang araw napalitan mo na ‘yung profile picture mo bilang supporta sa WWF. Hanggang social media ka lang ba?

Earth Hour (Photo Credit: starfruitflavortasters.blogspot.com)

Ang Pilipinas ang isa sa pinakakawawa pagdating sa climate change. Sa kasalukuyan wala pa tayo masyadong ginagawa para maipaglaban ang ating Inang Kalikasan. Kung nakapagsasalita lang si Mother Earth tiyak na magmumura siya sa atin dahil sa ating kalapastanganan at sasabihin niya, “Mga walang k’wenta kayo, araw araw pinapakain ko kayo at binibigyan ng lahat ng pangangailangan! Pero ano ginagawa n’yo bilang pasalamat? Hindi na kayo nakuntento! Pinalayas n’yo ang mga Lumad na nag-aalaga sa akin. Pinapatay n’yo ang mga puno sa bundok at karagatan para sa sinasabi n’yong development!”

(Photo Credit: fukushima.intoxvs.info)

Kung sabagay, bakit nga ba tayo magsasayang ng oras para sa planeta natin? ‘Di hamak na mas mahalaga ang ALDUB or KATHNIEL! Planeta lang naman natin ‘yan, e ano ngayon kung mas maging madalas ang mga bagyo, ‘di ba? Resilient naman tayong mga Pinoy! ‘Di naman maiiwasan na may namamatay talaga. ‘Di naman totoo na kasama sa pag-iwas ng bagyo ang pag-iisip kung ano ang mas nakabubuti sa kapaligiran. Sige, ipagpatuloy ang paggamit ng plastic! Itapon natin kahit saan, malawak naman ang karagatan. Ano nga ba ang pakialam mo kung makain ‘yan ng mga galunggong na nakatira dun?

Karamihan sa atin ang naging masaya nung nanalo si Pacman or nung nanalo si Pia sa Miss Universe. Pinoy Pride ang sambit nating lahat! Kasabay ng Pinoy Pride ang pagmamalaki natin as a Catholic Nation. Sa totoo lang, wala tayong karapatan maging proud sa bansa natin! Kasama tayo sa Top 3 na nagtatapon sa karagatan at isa tayo sa pinakakilala sa corruption. Malamang hindi kayo nakinig nung sinabi ni Pope na ang tunay na Katoliko ay ‘yung nangangalaga rin sa kapaligiran.

Kilala mo sila pero alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng Climate Change?

Alam ko na kung ano sasabihin n’yo! Syempre magaling rin tayo sa dahilan, ‘di ba? Oo, alam ko na! Kasalanan ng gobyerno! Kawawa naman tayo! Hindi nga naman totoo na ang tunay na kapangyarihan ay nasa bawat mamamayan. Joke lang ‘yun nung sinabi nila na ang government ay for the people and of the people. Mabait lang talaga ang mga politiko kaya binabayaran nila tayo tuwing halalan. Kaya nga ginugugol na lang natin ang ating oras sa telebisyon na wala nang ibang pinoproblema kundi lovelife at kung sino ang kumanta ng nasa tono! Kung p’wede lang gamitin ang kaalaman natin sa telenovela at kalyeserye para mabago ang kasalukuyan.

About Paula Bernasor

Geeky, techie and non-conforming Filipina digital nomad in mermaid costume who loves geeky stuff, sustainable adventures and community empowerment.