Pityur..Pityur! Kodakan Alaala, Na Lang, Kabayan

kianituj.blogspot.com
kianituj.blogspot.com
kianituj.blogspot.com

Sa sahig naming kawayan, sa maliit na silid tulugan. Habang hinihila ko ang kahon ng Kulafu na binili pa ni Nanay sa suki niyang tindahan. Karton na naglalaman ng mga natatanging kayamanan ng aking mga magulang.

Tama, kayamanan na itinabi sa loob ng  mahahabang taon na nagdaan. Hindi ginto, tanso o diamante, kundi ang mga black and white nilang litrato na kuha pa noong 60’s at 70’s.

Kay tagal nang dekada, pero, eto, isang matamis na ngiti habang  pinagmamasdan ko ang kanilang larawan sa kanilang kabataan! Isang alaala na alam kong sa puso ni Ama at Ina ay may isang kakaibang damdamin ang nadama sa lumang black and white na larawan nila.

Sa bagong henerasyon kung saan tayo nabibilang. Bagong mundo na nag-iba ang porma ng realidad dahil nasa makabagong teknolohiya, ‘ika nga. Binuklat ko ang album ko na libre sa Kodak! Mga larawan na kuha sa 90’s sa aking kabataan. Napatawa akong mag-isa habang binabalikan ang mga alaala sa bawat larawan na aking nakita; may  kanya-kanyang istorya. Isang larawang kuha noong ako ay nasa high school pa; may makapal na kilay, mga braso at binti na makintab dahil ginawang pamahid ang mantika ni Nanay, buhok na seven-seven dahil noon ito ay in, ngiti na pilit nang i-click ang lente ng camera dahil sa sinag ng araw na tumama sa aking mata. Isang nakatatawang mga kuha kasama ang aking mga kababata at kaklase.

Kung maibabalik lang sana ang mga panahon na iyon…

Ito na ako ngayon sa bagong milenyo at napabilang sa mundo ng mga OFW! Nandito sa dayuhang bansa, kung saan ang buhay ko ay ‘di malaya; kaya sa makabagong camera na sa cellphone na hanep, dahil kahit saang anggulo ganda ng shot sa bahay ni Amo!

Kung dati, background ay palayan at maisan pati damuhan? Mga ilog at dagat kasama mga alagang karabao ang nasa likod o gilid ng larawan, ngayon ay iba na dahil sa bawat pose ko ay ang kubeta, kusina, sala at kuwarto ni Amo ang bagong background sa bago kong litrato.

Damit na pabalik-balik at ang pose sa kubeta na carry ang linyang: “SMILE” sabay click at linyang “AY, ANG GANDA KO DITO!”.

Isang pampalipas-oras na pampasigla sa mata kaysa makita ang maputla, lungkot, at pagod na hitsura sa maghapong bakbakan sa palasyo ng mga taong hari at reyna sa tahanan na nagbigay sa akin ng 730 riyal sa isang buwan.

Sa kasalukuyang taon, ito pa rin ako; isang Inday na kasiyahan ay ang PITYUR…PITYUR kaagapay si Salamin sa bahay.

Kung dati sa Dubai larawan ko ay laging solo, ngayon, ito ako, naranasan ko na rin ang may kasama sa KODAKAN dito sa Gitnang Silanggan. Mga bagong kakilala at naging mga kaibigan na kasama ko na sa picturan! Sa bawat tingin ko sa mga bagong kuha na litrato? Namutawi ang ngiti sa aking labi, dahil ito ay isang ipon ko na yaman sa isang pakikipagsapalaran dito sa Gitnang Silangan. Dahil alam ko, na hindi habang buhay akong maging isang OFW.  Ngunit magiging parte na lang ito ng isang alaala na minsan sa buhay ko bilang OFW ay may nakasama sa larawan dito sa banyagang lupa.

Ang lahat nang ito ay magiging tanawin ng aking mga mata kapag ako ay matanda na, at maibibida ko ito na kuwento sa aking mga apo na:

“Ito ang lola ninyo at lolo, kasama si Kabayan sa aking paghahanapbuhay sa disyerto para sa kinabukasan ng tatay n’yo!”

Ikaw, kabayan, ganito  rin kaya ang iyong magiging karanasan? Na sa bawat kuha ng larawan ay may isang alaala na habang buhay n’yong pagsasaluhan ang tawanan at kalungkutan, sa isang pakikibaka dito sa bansang malayo sa pamilya. Kaya, sa pagtatapos ng aking kuwento, isang linya ang iiwan ko:

“1..2..3…SMILE…SAY CHEEZEEEEEE!”

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)