“Pintuan”

Photo by qimono (Pixabay)

Minsan, tanggapin mo man sa sarili mo o hindi, wala ka nang babalikan. Ilang beses ka mang kumatok sa pinto, hindi ka na pagbubuksan. Dahil ang lahat ay may hangganan. Gaano man kalalim ang inyong pinagsamahan, kung tuluyan nang nawala ang pagmamahal at respeto n’yo sa isat-isa, wala ng dahilan para muling mag-umpisa o sariwain ang nakaraan.

Hindi lahat ng bumabalik ay may babalikan. 

Dati, noong tanga pa ako, natuto akong magpatawad sa taong minahal ko kahit sinaktan  niya ako, higit sa lahat, ‘tong puso ko. Alam niyo ‘yung klase ng ‘sakit’ na hindi mo inaasahang ganun pala kasakit? Buti pa sumakit na lang ang ulo mo, o ngipin mo, k’se kaya mo pang indain at may  mabibili ka pang gamot sa botika para maibsan ang sakit nito o mawala nang tuluyan.

broken heart photo
Photo by Pexels (Pixabay)

Pero, ang sakit na nararamdaman ng puso mo, dahil sinaktan ka ng taong pinakamamahal mo, ay ibang usapan na.

Minsan, sa sobrang sakit ng nararamdaman mo ay ayaw mo na siyang mapag-usapan. Ni pangalan niya ay ayaw mo nang mabanggit o marinig man lang.  Kaya lang… muli siyang kumatok sa pintuan. Nagsumamo. Humingi ng kapatawaran. At dahil isa kang ‘tanga’ at otomatik nagkaroon ng amnesia, ‘di mo na maalalang isang balde na pala iyong iniluha habang siya’y wala. At ngayon, nang walang halong pag-aalinlangan, muli mo siyang pinagbigyan. Pero, aminin man natin o hindi, hindi lang naman ang pagiging tanga natin ang dahilan. Puwede ring – “Mahal mo lang talaga”, ‘di po ba?

Nang dumating ang araw na pinakahihintay mo, ang muling makarinig ng pamilyar na mga katok sa pinto, alam mo sa puso mo, handa ka nang kalimutan ang nakaraan. Magkapatawaran. Mga puso’y muling pagbigyan….Pero teka, sa pangalawa, o pangatlong pagkakataon? Paulit-ulit na lang. Hindi ka pa ba nagsasawa? Bakit? Dahil “Mahal mo…?” Eh ikaw? “Mahal ka ba niyang talaga…?” Pagmamahal ba ang tawag doon? Aalis at babalik kung kelan niya gusto? Makikipagharotan sa ibang kandungan. “It’s just a fling. Nothing to be serious at all.” – lagi niyang alibi. “Baby, don’t you cry.”

“Haha. Nakakatawa. Hindi ba nila nakikitang sa masyado nilang pambibilog sa mga ulo natin, lumolobo na ‘to. Masyadong nagpauto sa mapanglinlang nilang puso. Pero hindi mo hahayaang sumabog lahat ng katinuan mo dahil lang sa isang walang kuwentang tao. Masyado nang maraming nangyari. Sa sobrang dami ni hindi mo na maalala kung kailan ka huling naging masaya? – Dahil hindi na masaya.

“Tok. Tok.”

Pasensiya, pero sarado na ang pinto. Nakadobol-lock na rin ang aking puso. At kung sakali tumanggap muli ‘to ng bagong panauhin? Basta ba’t hindi ikaw, siya ay aking papapasukin – sa sala, sa hapag-kainan, sa balkonahe, sa kuwarto, hangga’t sa harap ng pintuan ng puso ko.

Malay natin, hawak pala niya ang susi?

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/. IG:indayluwag420