#Pinoys of Pinas: Kakaibang Kuwento ni Kuya Nonong “Ang Magpapandesal”

Si Kuya Dodong

Mahinang sigaw niya ang paulit-ulit mong maririnig sa umaga —  “Pendesel … keyow… reyannnnn!!” na susundan niya ng maingay na pagpapatunog ng kanyang mala-torotot na busina dahil hindi na niya kayang sumigaw. Minsan ay maririnig mo pa siyang pakanta-kanta habang parating na.

Magsisilabasan na kaming mga suki niya.

“Kuya Nonong, singkuwenta!”

“Sa akin, trenta, ‘Nong!”

“‘Yung medyo tustado sa akin ha, Nonong!”

Napakabagal niyang kumilos kaya’t kadalasan ay kami na ang pinakukuha niya ng pandesal. Tiwala na siya sa mga suki; wala naman kasi sa amin ang magtatangkang manloko pa sa kanya.

Aba eh, wala ka nang kunsensya kung pati si Kuya Nonong eh tatalunin mo pa?

Bakit kamo?

PWD si Kuya N. Person with Disability.

Oo, kasi hindi siya nakalalakad mag-isa, pero nakapagpepedal siya ng bisikleta kahit mabagal lang ang usad niya. Urong ang kanyang dila kaya napakabagal at hirap siyang magsalita.

Edad 20 anyos nang mawalan ng kakayahang maglakad si Kuya Nonong. Mangyari kasi’y napagtripan daw siyang kulamin ng mga halang ang kaluluwa noong araw; dahilan upang magkaganyan siya.

Pinatignan daw siya noon ng nanay niya sa isang ospital sa Davao ngunit wala namang nakitang dahilan kung bakit hindi siya nakalalakad, hanggang sa isang albularyo ang nagsabi na siya raw ay ginawaan ng hindi maganda. Kinulam, aniya.

Ulila na siya sa magulang at nakapisan sa pamilya ng bunso niyang kapatid.

Sa edad na 32, hindi na siya nagkaasawa’t pamilya dahil nga sa kanyang kalagayan, pero ayaw rin niyang maging pabigat sa kanyang mga ka-pamilya kaya sinikap niyang maghanapbuhay kahit tagabenta lang ng pandesal at suman; mapaumaga’t hapon iyan simula noong taong 2003.

Kumikita siya ng Php100-130 kada araw upang may maipantustos.

Makikita mo ring nagsisimba ‘yang si Kuya Nonong. Kaya lang, doon lang siya sa may gilid ng simbahan sa kalye dahil hindi niya maipapasok ang kanyang pedicab. Hindi rin siya makabababa upang lumakad papasok dahil nga sa hindi na siya kaya ng mga mahihina niyang buto.

Sa kanyang pag-uwi sa kanila ay may tutulong sa kanyang pamangkin para makababa siya mula sa pedicab at makapasok sa kanilang abang tahanan upang makapagpahinga na.

Ganyan araw-araw ang buhay ni Kuya Nonong, isang mahirap na mamamayan ng Pinas.

Pero kahanga-hanga siya talaga kasi masayahin siya, positibo at …  bolero!  hahaha  ^_^

Kapag pinapakyaw namin ang kanyang pandesal para sa mga Definitely Filipino iskolars namin ay napakasaya niya, sabay sabi ng:

“Ang baet baet mo telege, memmijoyce jimenez!”  [Ginawa pa akong artistahin hahaha!]

Mapapahanga ka sa kanya…dahil sa kabila ng nangyari sa kanya, sa kalagayan niya, go lang siya nang go!

May kapansanan pero kumikita. May mapait na kahapon pero lumalaban nang may ngiti sa bawat araw.

Ganyan ang tunay na Pinoy. Positibo, Masayahin. Hindi pagagapi sa anumang pagsubok.

O kayo, mahilig ba kayo sa pandesal? Hanapin n’yo si Kuya Nonong ha! Nasa Gatchalian siya sa Las Pinas.  ^_^

 

#PinoysOnTheGo   #PinoysOfPinas

This blog is part of a series of blogs tackling Pinoys we can be proud of…Pinoys whom we see on the streets.

dodong-2

 

Read:  Kahanga-hangang PWD: Ang Wish ni Kuya Nonong

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.