Pinakadakilang Pagmamahal Na Higit Pa Sa Buhay Ko (Pangalawang bahagi)

(Photo Credit: Worldofcyberlovers)
 (Photo Credit:    Worldofcyberlovers)
(Photo Credit: Worldofcyberlovers)

Kinabukasan ay maaga pa lamang ay pinuntahan ko yung mag-asawang kaibigan naming at halata daw na mukhang tinamaan ako kay Laila. Binanggit ko na sumama sila manood ng sine sa amin. Hindi daw sila pwede dahil may lalakarin daw sila. Nagmakaawa na lamang ako na pagbigyan ako para naman makasama ko si Laila. Siguro nababakas sa aking mukha ang pagiging desperado ko na sila na lang ang nagbigay ng suhesyon. Sinabi nila na kunwari ay sasama sila pero sa last minute ay hindi sila makakarating at bahala na raw ako kung mapapayag ko siya na manood kahit kaming dalawa lamang.

Tumunog na ang telepono at si Laila nga ang nasa kabilang linya. Hindi nila ipinaalam na nandoon ako at tulad n gaming usapan ay pumayag sila na manood kaming apat at nagbigay sila ng oras at lugar kung saan kami magkikita. Pagkababa ng telepono ay sinabi nila na bahala na raw ako basta hanggang doon lang ang kaya nila at pinaalala sa akin na ikakasal na ang babae.

Nagpasalamat ako at paglabas ay tumawag ako sa kanya upang alamin kunwari ang usapan mamaya. Binanggit niya ang napagkasunduan at doon na lang daw kami magkikita. Tuwang tuwa ako at maaga pa lamang ay nandoon na ako sa usapan na lugar.

Eksaktong alas 5 ng hapon ay dumating na siya at nakita niya ako. Simpleng bati lang ang nangyari at naitanong ko sa kanya kung darating na ba ang mga kasama naming, sabi niya oo daw. Naghintay kami ng halos kalahating oras at malapit ng magumpisa ang palabas at wala pa yung mag-asawa. Kunwari ay nag-aalala ako at sinabi kong tawagan naming dahil baka kung ano na ang nangyari. Tinawagan nga niya at siyempre alam ko na ang sagot. Napasimangot siya at parang naatubili. Pagbaba ng telepono sabi niya na hindi nga raw makakarating kaya gusto na niyang umatras.

Nakita niya sa aking mukha ang biglang pagkalungkot at kunwari ay okey lang sa akin pero halatang hindi ako Masaya at ito ay nagging daan para sabihin niyang matutuloy na lang kaming dalawa. Lumundag ang puso ko pero hindi ko ipinahalata sa kanya at sabi ko na lamang ay salamat.

Kumuha na ako ng ticket at bumili ng konting makakain sa loob at siyempre ay madilim sa sinehan kung kaya sabi ko sa kanya na hawakan ang aking kamay para makasunod siya sa akin. Ang lambot ng kanyang palad na halata mong hindi naglalaba. At para akong nasa alapaap dahil nahawakan ko agad ang kanyang kamay. Pagkaupo ay doon maguumpisa na ang palabas at tahimik kaming dalawa na nanonood pero ang utak ko ay nasa kanya dahil an gaming mga balikat ay magkadikit. Natapos ang palabas at medyo madilim na kung kaya inaya ko muna siyang maghapunan.

Sagot niya ay sandal lamang dahil tumawag muna siya sa kanyang kasintahan at ng malaman niyang magoovertime at hindi makakadalaw sa kanya ay pumayag na siya sa alok ko. Sa buong pagsasama namin ay naging magalang at maginoo ako. At sa tingin ko ay doon medyo gumaan ang kanyang loob at di kalaunan ay nakikipagkwentuhan na  at nakikipagbiruan na rin sa akin. Nakita ko na ang kaniyang ugali at sabi ko nga sa sarili ko na siya ang hinahanap kong babae para makasama habang buhay.

Ito ay nasundan pa ng maraming pagkikita hanggang naging madalas na an gaming pagtatagpo. At isang gabi ng ayain ko siyang pumunta sa tabing dagat at nagpaunlak ay doon ko nalaman ang lahat ng tungkol sa kanya at ng kanyang kasintahan.

Itutuloy……

About da_professor

Masasabi kong ako ay jack of all trades, master of nothing. Simula noong bata ako ay marami na akong nasalihan at nainvolved na activities..choir, theater, cubs scout, boys scout; senior scout. Karate, taekwando, arnis. Sali sa legion of Mary, block rosary , youth organization, sumasali sa mga tournament ng basketball, volleyball, bowling, tennis, chess, pingpong at kung ano ano pa. Hanggang ako ay nagkatrabaho, nagkapamilya ay nawala na ang mga aktibidades ko. Ang hindi lang nawala sa akin ay ang hilig ko sa pagsusulat. Siguro bunsod na rin ito ng hilig ko magbasa at magobserba ng mga bagay bagay kung kaya ang aking creative juices ay buhay na buhay pa. Sa kasalukuyan ay nasa gitnang silangan ako na araw araw ay nakikihalubilo sa mga manggagawa dito para siguraduhin ang kanilang kapakanan (human resource) Biniyayaan ako ng limang anak at isa na lang ang nagaaral sa kolehiyo.