Pinaglayo Ngunit Itinadhana

(Photo Credit: strongenough-christina)

(Photo Credit:  strongenough-christina)
(Photo Credit: strongenough-christina)

Ako si Julie. Nagmula ako sa malaking pamilya. Mahigit isang dosena kaming magkakapatid. Mahirap lang kami at sa dami namin, hindi kami kayang pag-aralin ng aming mga magulang. Ang ilang mga kapatid ko, nakatuntong ng high school ngunit hindi naman natapos. Ako, hindi nakatapos kahit elementary. Hanggang grade 4 lang ang inabot ko.

Bata palang kaming magkakapatid, umaalis na kami sa aming bahay upang magtrabaho sa Maynila. Sa Capiz kami ipinanganak at lumakit. Sa bundok kami nakatira at ang tatay ko ay magsasaka. Ang nanay ko naman, taong bahay lang. Abala sa aming magkakapatid.

Sa Maynila, walang mapasukan ang isang tulad ko na hindi nakatapos kahit elementarya kundi sa bahay lamang. Ganoon halos kaming magkakapatid. Kung kani-kaninong bahay ng mga kakilala ng kamag-anak namin kami nangamuhan.

Ako, tumira sa bahay ng malayong kamag-anak. Isang seaman si kuya Nick at isang accountant naman si ate Ching. May dalawa silang anak. Sa side ako ni Kuya Nick at nakilala ko naman ang pamangkin ni ate Ching na mas bata sa akin ng apat na taon.

Si Michael, taga Capiz rin at iisang bayan lang kami ngunit hindi kami dating magkakilala. Nagtrabaho naman siya sa factory at doon nanunuluyan sa bahay ng aming kamag-anak. Panganay siya sa kanilang magkakapatid at inaasahan siya ng kaniyang pamilya na magpadala ng pera buwan-buwan dahil nag-aaral pa ang kanyang mga kapatid.

Dahil araw-araw kaming magkasama sa iisang bahay, hindi maiwasang mahulog ang loob namin sa isa’t isa. Ilang buwan din kaming may patagong relasyon hanggang sa nalaman ng mag-asawa ito. Ayaw nila. Bata pa raw si Mike sa edad na 19 (ako ay 23) at pangit daw tingnan dahil nakatira kami sa iisang bahay.

Pinaglayo kami. Lumipat ng Bulacan si Michael at kalaunan ay nakasama niya ang kanyang mga kapatid at ina roon noong namatay ang kanilang ama. Ako naman, lumipat ng ibang bahay at doon nangamuhan. Kinalaunan, nagkaroon na rin ng ibang nobyo.

Lumipas ang mga taon na wala kaming balita sa isa’t isa. Bata pa kami noon kaya maaaring tama sina kuya at ate na kaya lang nahulog ang aming loob sa isa’t isa dahil magkasama kami sa iisang bubong.

Lumipas ang pitong taon at nasa Maynila muli ako nagtatrabaho bilang yaya ng isang mayamang pamilya. Debut raw ng kapatid ni Mike at gaganapin daw ito sa bahay nina ate Ching. Matagal na rin namang wala kaming komunikasyon sa isa’t isa kaya naisip ko, wala naman sigurong masama kung makikita ko siya roon kung pupunta ako. Nabalitaan kong mayroon pala siyang naibahay na babae ngunit lumayas raw ang nanay niya at hindi ito bumalik hanggat hindi umalis iyong babae sa kanilang bahay. Medyo hindi raw kagandahan ang ugali kaya napilitan ang nanay niya na papiliin siya kung sino sa kanilang dalawa ang titira sa bahay.

Noong nakarating ako sa debut, hindi ko kaagad nakita si Mike. May trabaho pala siya at sa Bulacan pa manggagaling. Sa Malabon kasi ginanap ang handaan. Papatapos na ang party noon nang dumating siya.

Hindi ko alam kung bakit pero nang makita ko siya, biglang nabuhay lahat ang naramdaman ko sa kanya. Ganoon din siya sa akin. Hindi natapos ang gabing iyon at naging magkasintahan kaming muli at nang umuwi sila ng kanyang pamilya sa Bulacan, sumama na ako.

Napakabilis ng pangyayari ano? Hindi ko rin akalain na sa loob ng pitong taon naming magkahiwalay ay babalik muli ang aming nararamdaman sa isa’t isa at nang dumating ang pagkakataong patunayan namin ang aming pagmamahalan, hindi na namin pinakawalan pa.

September noong ginanap ang debut ng kapatid niya at May ng sumunod na taon ay ikinasal kami. Malaki na ang tiyan ko noon dahil sa unang buwan palang naming magkasama, nabuntis kaagad ako.

Sa ngayon, tatlo na ang aming anak. 9, 8 at 6 taong gulang na pawang nag-aaral sa private schools. Napatunayan ko rin na kahit ako’y nakatapos lamang ng grade4 ay kaya kong tulungan ang aking pamilya sa paghahanap buhay. Ang asawa ko ay driver ng isang malaking kumpanya dito sa Bulacan at ako naman ay nagluluto ng mga pagkain at ibinibenta ko. Ang pinagkukunan ko talaga ng pang-araw-araw namin ay ang aking pagbabahay-bahay at nagma-manicure at nagpe-pedicure. Kung minsan, kumikita ako ng 150pesos. Kung maswerte sa linggo o sabado, inaabot ng 700pesos ang kinikita ko sa loob ng isang araw.

Napatunayan ko na rin sa ibang mga kamag-anak na kaya akong panindigan ng lalaking minahal ko. Sa mga nakakilala sa aming magkakapatid, halos karamihan ay umuwing disgrasyada sa probinsiya pagkatapos mangamuhan sa Maynila.

Kaming mag-asawa, ilang beses na inalok ng kanyang kapatid na mag-abroad ngunit kami mismo ang umaayaw. Ayaw namin magkalayo at ayaw din naming iisa lang ang nag-aalaga sa mga bata. Sapat na siguro na magkasama kami rito. Maliit man ang aming kita ngunit naniniwala akong kapag nagtulungan kami ay maitataguyod namin ang aming pamilya.

Sa aming pagmamahalan, napatunayan na kahit gaano pa katagal kayong magkakalayo kung kayo ay kayo talaga ang magkakatuluyan sa huli.

________________________
NOTE: Ang kuwentong handog ko sa inyo ay kuwento ng aking panganay na kuya at ng aking hipag. Ako po ang nagdebut at doon sila nagkitang muli at gusto kong magpasalamat sa hipag ko na napakamaabilidad sa buhay.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.