Pilipinong Malaya

OFW (Photo Credit: www.tumblr.com)
OFW (Photo Credit: www.tumblr.com)
OFW (Photo Credit: www.tumblr.com)

Ako ay isang OFW. Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Ang misyon ko’y magpakabayaning hindi nabibigyan ng pangalan. Tungkulin kong pagbutihin ang aking bawat araw malayo sa aking pamilya, sakop na niyon ang mga emosiyong maaari kong makuha sa aking pag-iisa.

Hindi ko alam kung hanggang kailan ko kakayanin, pero hindi ako uurong sa anumang hamon. Ako’y Pilipinong may ninunong bayani sa nakaraan, sila yaong dumanas ng hagupit ng galit ng ibang lahing mananakop. Na ngayo’y siyang aking ginagawang sandata upang suungin ang anumang panganib sa malayong bansa.

Tuwing darako ako sa Paliparan ng Pilipinas, ang pakiramdam ko’y muli na naman akong mapipiit nang mahabang panahon. Ang makakapiling ko’y rehas na hindi man nakikita ngunit damang iyo’y kumukulong sa aking nagpupumiglas na pagkatao. Ang pamilya ko ang siyang nagsisilbing tagahatid sa akin, tagasundo na rin sa tuwing ako’y palalayain. Sa tuwing lilingunin ko sila’y tila mas hindi nila kakayanin na ako’y mawawalay, ako mandi’y takot din. Pagkat kahit pa ang isang lahing may pinanghuhugutang tapang sa nakalipas ay nasisindak pa rin sa tuwing mag-iisa. Sa aking paglipad ay nakasunod ang pangambang baka iyon na ang huli. Kung sakali mang kitilin ang buhay ko ng aking kabayanihan, lilisan naman akong may malaking naiambag sa aking bayan. Ililibing akong hawak ang watawat ng aking bansa at may pamanang tapang sa lahat ng aking maiiwan.

Higit pa sa nakaraan ang aking sasapitin tuwing lalapag na sa lupaing hindi sa atin pagkat doon ako’y walang kaagapay. Ang buhay ko sa ibang bansa ay halintulad noong unang panahon sa Pilipinas. Alipin ako’t patuloy na nagpapaalipin. Hindi ko man gustuhin, iyon ang nangyayari. Mabuti na sanang maging alipin ng ibang lahi kung kapiling yaong aking sinisinta’t mga mahal sa buhay. Mas mainam na sanang maging bihag kung malaya ang aking isip. Hindi iyong humakhakbang akong may kadena sa binti, at may patalim na nakatutok sa leeg.

Ang bawat araw ko’y hawig sa bilanggong inaalipusta pagkat ang init ng disiyerto’y humihiwang parang ispada sa balat kong kayumanggi. Ang aking mga kasama’y iba-iba, sila’y may bitbit ding tapang kaya ako’y nababahag sa tuwing sila’y tititig, mata sa mata. Kung minsan pa’y kalahi ko mandin ang siyang nang-aapi, wala naman akong magawa pagkat bulag yaring isang mata. Ang nakikita’y liwanag sa kanan, inggit naman sa kaliwa. Ang naririnig ay isa lang; bulong ng salapi.

Kung ihahambing ko ang buhay noon sa ngayon, halos wala namang pinagkaiba. Noo’y alipin tayo sa sariling bayan, ngayo’y alipin pa rin sa bansa nila. Ang kasarinlang matagal nating inasam ay tunay nga kayang tinatamasa na? O baka naman kusa na tayong lumuluhod at nagpapaubaya sa iba?

Kapag naiisip ko ang mga bagay na ito, lumalakas ang loob kong manatili na lamang sa aking banwa. Ngunit doon sa ati’y hindi sapat ang lahat; walang sobra. Kaya para sa kapakanan ng aking pamilya, ako’y mag-iimpake’t hihila ng maliit na maleta. Ang buhay ko’y aking alay, hindi lang sa aking naiwang pamilya, gayundin sa aking bayang halos ako’y itaboy na. Lumayo man akong may pakay na kaginhawahan, pangakong ako’y magbabalik kahit pa maghirap sa mismong bayan. Ano pa man, ako’y Pilipinong tunay, walang pag-aalinlangan, walang kibit kong ipagmamayabang.

Dalawang taon ang aking kontrata, kung minsa’y higit pa. Maraming araw pa ang lilipas bago ko makasanayan ang kanilang kultura. Dahil ako’y isang dayuhang may pangangailangan, napipilitan din akong pag-aralan ang kanilang salita at batas. Kung minsa’y ginigipit, kinukulong at hindi pinakakain, tinatanggap lang ang bawat sabihin ng asal-hayop kong amo. Dapat ako’y susunod, dahil kung hindi’y ako’y manganganib. Kapag ako’y lumaba’y ako rin ang talo. Buhay ang kapalit ng madugong pagkakamali, uuwi akong walang pintig habang sa loob ng malaking kahon ay hindi makatindig. Hindi uso ang hustisiya pagkat pagtanggap lamang daw ang sagot sa problema. Tingnan nga’t parang walang laya ang tulad ko, ang tulad naming OFW.

Sa tuwing dumarating ang araw ng aking pagbabalik, ang puso ko’y lumulundag-lundag pagkat batid kong ako’y muling malaya na. Saka na ako mag-iisip kung ako’y lilipad pa ba, ang pakay ko’y manaliti muna sa bayang aking sinisinta. Sa paglapag ng eroplano, ako’y makangingiti nang walang halong pangamba. Mawawala na ang alinlangang nagpapanginig sa aking buong kalamnan. Hindi na muli pa ako makaririnig ng anumang putukan, wala nang mga pagsabog, wala nang panganib na naghihintay, wala nang panggigipit, pang-aapi, pang-aalipusta at hindi pantay na pagtingin. Pagkat sa aking muling pagtapak sa lupang nagbansag sa aking Pilipino, ako’y hindi na alipin, ako’y wala nang takot, dahil ako’y ligtas na’t isa ng Malaya. Ganap nang Pilipinong Malaya.

About sherald salamat