PILIPINAS ANG MAS NAUNANG GUMAWA NG SUPERGIRL MOVIE (1973)

Pinky Montilla as Supergirl. (Photo courtesy of http://pelikulaatbp.blogspot.com)
Supergirl (1973) (Prima Productions, starring Pinky Montilla, Walter Navarro, Barbara Perez, Liza Lorena, Nick Romano, Ike Lozada, Mildred Ortega, Djhoanna Garcia, Cloyd Robinson, directed by Howard Peterson) (Movie Ad courtesy of Simon Santos, Video 48)
U.S. Version of Supergirl (1984)

Kung may ilang tao na yata ang napagkuwentuhan ko nito. Ngayong summer lang, tatlong tao yata ang nakuwentuhan ko ng natatandaan ko sa pinaka-orig na Supergirl Movie na gawang Pinoy (1973 ito ipinalabas habang 1980’s na yung US Version starring Helen Slater). Si Pinky Montilla ang gumanap na bida bilang si Supergirl at ang alter ego na si Neneng. Sa tanda ko, probinsiya ang setting at maraming mga itik/bibe. Bago pa ako mag-Dementia, isusulat ko na ito dito. Nagresearch kasi ako sa mga blogs sa internet at wala akong nabasa na mas madetalye kesa sa version ko!

Sa panaginip ni Neneng ipinagkaloob sa kanya ng isang malaking diwata (played by Barbara Perez) ang isang singsing na magbibigay sa kanya ng kapangyarihan bilang si Supergirl. E kaso, nang magising siya kinabukasan, wala na siyang maalala sa panaginip na iyon ngunit laking gulat niya na may suot siya na singsing. Sinabi niya ito sa kanyang ate na bulag (played by Mildred Ortega) at sa kanyang nakababatang kapatid na lalaki (sorry nga lang di ko kilala kung sino gumanap non). Dahil sa panunukso ng kapatid niyang mas bata na baka bigay ito ng kanyang secret na boyfriend, pinilit niya itong hubarin ngunit lubhang napakasikip ng pagkakasuot nito. Napalabas siya ng bahay at doon ay naisipan niyang lawayan ang singsing upang mahubad niya ito. Kaso ang mag-aactivate pala ng powers niya ay ang paghalik sa singsing kung kaya’t naging si Supergirl si Neneng! Ito ang unang beses na ipinakita na nakasuot siya ng Supergirl costume. (Di pa yata aware ang producers ng film na piracy ang ginawa nilang paggamit sa Letter S ni Superman ng DC Comics sa costume ni Pinky Montilla)

May kahinaan nga lang ang Supergirl na ito! Upang makabalik siya sa alter ego niyang si Neneng, kailangan niyang halikan muli ang singsing. Kaso, kapag siya na ulit si Neneng, wala na naman siyang matandaan sa kapangyarihan ng kanyang singsing! (nyemas!!!)

Enrico Villa as the hunchback. (Photo courtesy of http://pelikulaatbp.blogspot.com)

Sa bayan ding iyon ay may nakatirang isang mad scientist (played by Odette Khan) na may

Pinky Montilla as Supergirl. (Photo courtesy of http://pelikulaatbp.blogspot.com)

anak na babaeng laging naka-gown at may sidekick na kuba na luwa ang mata. Pet project ng lola ang bumuhay ng patay gamit ang nalalaman niya sa siyensiya. E kaso, palpak ang kanyang mga experiments (or so she thought).

Isang araw sinampolan niyang buhayin ang isang patay na palaka sa pamamagitan ng pag-inject ng kanyang serum. Kung kilala ninyo ang boses ni Odette Khan, maiimagine ninyo kung paano niya binibitiwan ang mga linyang: ‘MABUHAY KA!!! MABUHAY KA!!!” Habang super project ng excitement and anticipation si Kuba sa gilid. E kaso nga, di nabuhay ang palaka. Kaya itinapon ito ni kuba sa likod bahay!

E kaso, effective naman pala yung serum! (Kulang lang talaga sa patience si Odette Khan!). Ang itinapong palaka ay nabuhay! At di lang basta nabuhay, naging gigantic pa ang size at naging menace sa bayan nila Neneng.

Pero bago ang sagupaan sa Higanteng Palaka, introduce muna natin ang ibang characters sa movie. Kahit bulag ang ate ni Neneng, may lovelife ang lola nyo in the person of the character played by Nick Romano. E kaso, emotera ang Ate at sabihan ba naman si Nick na ibaling na lamang ang pag-ibig niya sa iba. Pero siyempre busilak ang pag-ibig ni Nick Romano kaya panay pa rin ang buntot niya kay Ate!

May mga iba pang mabait sa baryo nila Neneng, isa na dito ang character ni Cloyd Robinson na kaibigan ni Ike Lozada na sintu-sinto sa movie. Ang markadong papel dito ni Kuya Ike ay ang pagbitbit niya ng tsinelas niya imbes na suotin dahil ayaw niya itong madumihan. Tuloy, ang mga bata doon ayaw siyang isama sa mga laro kaya si Cloyd ang tanging nagtitiyaga na kausapin at makipaglaro sa kanya.

Ike Lozada (Photo Courtesy of http://pelikulaatbp.blogspot.com)
Djhoanna Garcia with Walter Navarro (Photo courtesy of http://pelikulaatbp.blogspot.com)

Ang lagi namang naka-gown na anak ni Odette Khan (played by Djoanna Gracia) ay ikakasal na dapat kay Walter Navarro. Kaso, bago pa ito mangyari, natigok ang Walter. E siyempre luka-lukahan ang lola (ang guwapo kaya ni Walter Navarro) kaya super awayin na niya ang Mudra niyang Mad Scientist na buhayin nga ang jowa niya. Kaya ayun ang dahilan kung bakit ganun ang project ni Odette Khan.Isa siyang ulirang ina!

O ayan, balik na tayo dun sa Higanteng Palaka! Gabi na noon at si Neneng, ang Ate niya at bunsong kapatid ay nasa bahay. Dahil nga bulag, mas sensitive si Ate sa paligid kaya siya ang unang nakapansin na maingay ang mga bibe. Si bunso dapat ang uutusan na magcheck sa labas kaso may pagkabatugan ito kaya si Neneng ang lumabas bitbit ang gasera nila.

Ayun na nga, after ng mga ilang pacheck-check sa dilim gamit ang gasera, biglang nakita na ni Neneng ang higanteng palaka! Masyado yatang affected ng enermous size niya ang Kermit kaya kung gumalaw ito ay parang sumo wrestler! Ang Neneng, dahil na rin sa takot at sa angking pagka-eng-eng na rin siguro, nagtitili lang.

Ewan ko kung ang tili niya ang may kagagawan pero ang next scene ay nagtatakbuhan na ang taong bayan palayo sa palaka. Ang batugan nilang bunso ay lumabas din ng bahay at natumba-tumba na sa yanig na dulot ng mala-sumo wrestler kung lumakad na higanteng palaka. Iwanan ba si Ateng Bulag na siyempre nag-alala sa kapakanan ng mga kapatid niya kaya lumabas din at kumapa-kapa palabas ng bahay.

Dito ka matatawa, ilang kapitbahay ang nasalubong ni Ate na tumatakbo palayo sa palaka pero wala man lang nagmagandang loob na sabihan si Ate na “hoy gaga, papunta sa palaka ang direksyon mo!”. Kaya ayun, si Ate super march kay Kermit!

Ang Giant Kermit naman, nang makitang papalapit si Ate, biglang nagutom…kaya super labas siya ng dila niya at biningwit si Ate! Siyempre nakita ito ni NIck Romanong may pagnanasa kay Ate kaya to the rescue ito bitbit ang isang tulos na gawa sa kawayan. Super sinasaksak niya ang paa ni Kermit! E kaso di naman ito ininda ng Frog kaya patuloy lang ito sa pagpiga sa katawan ni Ate. Nung lumakad na ulit si Kermit, natapakan niya si Nick….pisak ang lolo!!!

E ano naman ang ginagawa ni Neneng…sigaw lang nang sigaw ng  “ATE!!!” Sa puntong ito, masyado na yatang nastress si Kermit kaya nawalan ng gana! Iwinasiwas na lang niya si Ate at tumilapon ito sa isang puno. Tigok si Ate!!! Pagkakita ni Neneng sa nangyari, napatili ito (yung cinematic na tili ha, yung may matching takip ng lips ng kamay na palms out). At dahil dito, nahalikan ni Neneng ang singsing at naging si Supergirl!!!

Siyempre upak to the max ang ginawa ni Supergirl kay Kermit. As in ang sound effects ng suntok niya yung tunog na lasog-lasog ang laman ng Echuserang Frog! Siyempre napatay si Palaka pero too late…tsugi na rin si Ate at ang kanyang faithful lover!

Next scene, siyempre super dalamhati si Neneng! Halos daily, panay ang dalaw niya sa puntod ni Ate. (Take note ha, di na naman niya alam na siya pala si Supergirl). Isang beses na dumalaw siya dito at nag-eemote, sabay appear ni Walter Navarro! (nalaman yata ni Odette Khan na effective pala ang serum kaya ginamit niya ito kay Walter…yun nga lang, di ito perfect. Kahit buhay si Walter, di naman ito makapagsalita. Pero wag ka, kahit mala-siopao ang cheeks ni Neneng, mukhang type siya ni Walter!) Isinama niya ito sa balurs nila at dun nga tumira nang ilang araw. may scene pa sa balur na natakot si Walter dun sa ipinintang krus sa sawaling pintuan nila Neneng. Kaso biglang dating ng anak ni Odette Khan na nakagown…nirasyunan niya ng pagtataray ang Neneng sabay karay sa boyfriend niyang Zombie!

Super reklamo si Junakis kay Odette Khan (na sumunod din sa bahay nila Neneng) sa state ni Walter, bakit daw ganun, walang talkies!!! E ang taray talaga kaya napikon ang Odette! Dun lumabas na si JUnakis pala ay isa ring patay na binuhay lang ni Odette (kaya pala naka-gown, pamburol pala ito!). Narinig ito ng mga taong bayan kaya pinagbabato nila si Odette. Siyempre, nakatakas ang lola at sumumpang maghihiganti!

Frustrated na talaga si Junakis…lalo na at nahalata nito na di na siya type ni Walter at ang pinagselosan ay si Neneng!!! kaya ayun, pilit na pinahalikan ang sarili. Kaso nung akala niya na nabuhay na niya ang pagnanasa ni bangkay, yung inaakala niyang yakap, naging sakal! Tsugi si junakis!!!

Si Odette khan at this point, frustrated na dahil palpak ang kanyang project! Kaya ayun, nagresort na sa pagtawag sa Kadiliman. Appear naman si Liza Lorena (as the Devil) at binigyan siya ng singsing (yung kay Neneng, pa-sweet ang design…itong kay Odette pangkontrabida talaga, malaki ang bato at kitang-kita sa camera…yung kay Neneng kailangan tight shot pa para makita e.) So ayan na nga, may power na siyang bumuhay ng patay!

Para makapaghiganti, binuhay niya ang lahat ng patay sa sementeryo (kasama na si Ate na ang taray ng gown…may caftans pa na uso noong 70’s, ang kanyang lover na si Nick…ay pati pala si Cloyd na mabait kay Kuya Ike namatay na rin, naapakan ng higanteng palaka). Siyempre martsa na sila papunta sa bayan.

Ano pa nga ba, takbuhan siyempre ang taong bayan…kaso ang iba sa kanila nakita na yung mga zombie mga relatives nila. Kagaya nung isang batang lalake na nakita niya ang dead niyang lola. Yumakap ang bata sa matanda kaso sinakal siya nito. Dead si bagets!

Si Kuya Ike na naalimpungatan sa sigawan ng mga tao, lumabas at nakita si Cloyd Robinson (bitbit pa rin niya ang tsinelas niya siyempre). Yung akala niyang mabait na kaibigan niya, zombie na nga pala. Kaya ayun, pinagsasaksak si Kuya Ike ng tulos ng kawayan. (o di ba, of all weapons kawayan pa ang ginamit kay Kuya Ike na mataba? Parang lechon lang, ganun???) Di agad namatay si Kuya Ike, nakatakbo pa ito papuntang simbahan at doon namatay na nagdadasal.

Natural, si Bunso at si Neneng nakita si Ate…si Bunso ang unang yumakap kay Ate na Zombie at super sinakal ito. Siyempre awat naman si Neneng. Binitiwan ni Ate si almost dead na si bunso at si Neneng naman ang sinakal. Ang Neneng, super plead kay Ate to spare her…medyo natauhan si Ate at binitiwan si Neneng. At that point, parang itinuro ni Ate kay Neneng ang isang natapong gasera at isinenyas na sunugin siya. Siyempre noong una ayaw muna ni Neneng. Pero after ng dialog niya, sinunog din niya ang kanyang Ate.

Next naman, nasalubong niya si Walter na wala pa ring talkies. Isinenyas din niya na sunugin siya. Siyempre mas sweet ang dialog ni Neneng dahil crush din niya si Pogi noh? Sayang din sunugin! Kaso sinunog din niya! Habang pinapanood niya itong masunog, nagpahid siya ng luha gamit ang kamay at aksidente na naman niyang nahalikan ang singsing!!!

Lipad ang Supergirl sa simbahan kung saan tumakbo ang buong baryo! Di makapasok ang mga zombie kasi nga takot sila. Si Odette Khan na may hawak pang latigo panay ang sigaw sa labas ng simbahan: “PASUKIN SILA! PATAYIN SILANG LAHAT!!!” E kaso nga di pwede.

Sa bintana ng simbahan dumaan si Supergirl kaya nakapasok sa loob. nakita niya ang jowa ng ate niya na si NIck Romano. Hinila niya ito papasok sa simbahan at pinilit niyang isawsaw ang kamay dun sa anghel na may hawak na holy water. Yung struggle ni Nick was only at that point na isasawsaw ang kamay niya. Nung masawsaw, di na siya nanlaban nang pinagsign of the cross siya ni Supergirl! Natunaw ang Nick pagkatapos.

Dito na naman pumasok ang pagka-eng-eng ni Supergirl! Sa sobrang pagod yata at lungkot sa mga nangyayari, nag-emote ito. Napakapit ito sa kamay ng anghel na holy water font at isinubsob ang mukha sa kamay niya…ayun, nahalikan ang singsing at naging si Neneng!!!

E di ba nga, clueless ang Neneng sa powers niya kaya nasindak nang makita si Odette Khan at mga zombies sa entrance! Dahil nakita ni Odette ang transformation ni Supergirl to Neneng, inutusan niya ang sidekick niyang kuba at naging paniki ito! Nakalipad ito sa loob ng simbahan kaya nagpanic ang mga tao (so ang sacred lang pala e yung pader at sahig at siguro pati bubong ng simbahan…as long as di ka nagtatouch dito ang evil forces, safe sila…nyemas!!!). Kinagat nito nang kinagat si Neneng na sa kakastruggle ay napunta sa may pinto kaya nahila ng mga zombies at pinagsasaksak ng tulos ng kawayan palabas ng simbahan!

Halos mamamatay na si Neneng nang biglang dumating si Barbara Perez (yung diwatang higante) at natrasform ulit siya bilang Supergirl. Siyempre upak na ang mga zombies. Ang finale, yung confrontation nila ni Odette khan na nag-aapoy ang latigo. Pero to cut the long story short (ang haba na kaya nito), natalo ni Supergirl si Odette!

Mission accomplished kaya transform na ulit si Supergirl into Neneng. E di ba nga sugatan si alter ego??? Kaya tumba ang Neneng! May dialog pang mahaba si Barbara Perez (something to the effect na lumipas na ang dilim at may bago nang umaga…) pero pagkatapos, pinagaling niya si Neneng!

Last scene…si NeneNg na fresh na ulit (nakatali na ang buhok kaya mas lalong naaccentuate ang cheeks) ay nasa puntod ng ate niya. Tanong ninyo kung sino ang dumating? SI WALTER NAVARRO!!! And this time nagsasalita na ito. Ito ang batuhan nila ng dialog:

Walter: Mukhang pamilyar ka sa akin…
Neneng: Ikaw din, pamilyar ka sa akin…

(long pause….)

Walter: (pointing at Ate’s grave) Sino yang dinadalaw mo?
Neneng: Ang Ate ko… ikaw,(pointing at the adjacent grave) sino yang dinadalaw mo?
Walter: Kapatid ko rin…kakambal ko (o kaya naman pala nakakapagsalita na, di naman pala siya yung zombie…kapatid siya!)

WAKAS

Enhanced by Zemanta