“Pildoras”

PhotoGrid_1386596921822“Tanging kamatayan mo lamang ang magiging susi para sa aking kapatawaran!” mariin niyang banggit sa akin!

Kung mamamatay ka, magiging maluwag ang dibdib ko at mapapatawad na kita! Kaya mamatay ka na!” isang mariin na pagpikit mula sa naghuhumiyaw na poot at simbuyo ng damdamin ng aking kabiyak.

Batid ko ang labis niyang panggigigil at himutok. Batid ko ang labis na hapdi at kirot ng sakit bunsod ng mga nagawa kong pagkakamali. Batid ko na maaaring tuluyan na niya akong ayawan at maaaring iwan upang makalimot sa lahat ng pighati ng aking nagawa. Batid ko na bunga ng aking mga nagawa ay hindi ko na maaaring makuha ang kanyang pagmamahal at tiwala.

Naging madilim na ang lahat sa aking paningin at animo’y ang gatiting na pisi na nagpapatibay ng aking katinuan ay kusa na lamang bumigay at kahit anong kapa ay hindi maapuhap ang pagtayo mula sa karimlan ng damdamin na mahigpit na bumabalot sa aking kamalayan.

Unang araw ng kadiliman ay naging abala ako sa pagkalap ng mga impormasyon kung paano nga ba ang magpakamatay ng walang mararamdaman na sakit.

“Mayroon nga bang pagkamatay na hindi ka makararamdam ng gatiting na sakit?” Nakakatuwang isipin na nais kong mamatay na hindi ko sasaktan ang sarili. Nais ko iyong simpleng kamatayan na walang maaabalang sinuman at maaaring gastos na haharapin. Iyong tiyak na kamatayan na hindi ako gagamit ng dahas sa aking sarili. Kamatayan na tahimik at siguradong mabilis.

Hindi ko na alintana ang matinding kasalanan na aking gagawin at ang tanging nag-iisang tuwid at mabuting gawin ay kitilin ang sariling buhay para na rin mapatunayan na seryoso ako sa paghingi ng tawad sa minsang pagkakamali.

“Ito lamang ang paraan para matapos na yaring mga sigalot ng aking buhay! Ito lamang ang dapat gawin upang ako ay kanyang mapatawad! Ito lamang ang tanging susi sa paglaya sa tatlumpung taon ko na ring pulos pighati’t kamalasan kong buhay! Ito lamang at wala ng iba pa!

Sa pagkalap ko ng impormasyon ay namataan ko ang simpleng paraan ng pagpapatiwakal!

Sa bawat paglunok ko ng pildora ay isa-isa kong binalikan ang kabanata ng aking buhay! Isang lagok, pangalawang lunok hanggang sa ika-tatlumpu’t ay nakaramdam na ako ng pagkaliyo at kakaibang tibok sa aking puso. Pero kahit nahihirapan ay kailangan kong ipagpatuloy hanggang sa ika-animnapu’t bilang ng pildoras ay napagtagumpayan kong lunikin at animo’y umiikot na ang lahat sa aking paligid. Nasuka na ako sa sarili kong damit hanggang sa unti-unti ng dumilim ang lahat para sa akin.

Habang isinasagawa ko iyon ay nababalutan ako ng matinding determinasyon at kahit na katiting na takot ay hindi ko nakapa sa aking kalooban.

Sadyang iyon lamang ang dapat na gawin tutal naman ay tuluyan na rin mawawasak yaring buhay dahil mawawalan ng direksiyon ang pamilyang labing-dalawang taon na pinagpilitan na mabuo!

Sa bawat lunok ko ay hindi ako nakadama ng panghihinayang sa buhay na ipinagkaloob, para sa akin ay maaaring sapat na ang nagawa ko para sa aking sarili, pamilya at lipunan na ginagalawan.

Sino nga ba naman ang maghahanap sa isang tulad ko lamang? Sino nga ba ang bibigyan ako ng importansiya para iyakan sa aking huling hantungan, tiyak na wala! Sino nga ba naman ang mga taong mangungulila sa aking pagkawala! Sino nga ba naman ang makakaramdam ng kawalan sa aking paglisan? Naghuhumiyak na puro “Wala” ang tanging kasagutan.

Kung kaya’t habang nagmamalisbis ang mga luha sa sakit ng aking ginagawa ay bigla akong natigilan. “Teka! Di nga ba’t ang sabi ko sa aking sarili ay walang mararamdaman na kagit gatiting na sakit ang gagawin kong pagpapakamatay?”

Pero bigo ako ng mga sandaling iyon, dahil kung handa man ang aking pisikal na katawan ngunit hindi ang aking ispiritwal at emosyunal na bahagi ng aking katauhan. Dahil habang pilit na nilulunok ko ang isa-isang pildoras ay nakadama ako ng matinding pagsisisi sa aking ginawa. “Sadya nga bang ito ay tama at tanging solusyon sa aking problema?”

Bukod pa roon ay ang matinding takot sa ginawang matinding pagkakasala kung ang ating Diyos ay kaya akong unawain at patawarin sa ginawang pangbabalewala sa buhay na kanyang ipinagkaloob.

Lalo akong napahagulhol habang nilalabanan ang nagmamadaling pagsanib ng aking mga talukap nang maisip ko ang kapakanan ng aking mga anak. Paaano na kaya sila kung ako na mismong pinagsasandalan nila ay kusang sinira ang sarili at mas piniling sila ay talikuran at iwanan na makipagsapalaran sa magulo at makamundong buhay ngayon sa buong sanlibutan. Sa kanilang kamusmusan kaya ay makakaya nilang tumayo at maging independiyente sa mga bagay-bagay?
Kaya na nila kayang makipagsapalaran at matutong labanan ang iba’t-ibang hamon ng buhay?

Kaya tanging nasambit ay ang pagpapatawad at panalangin na sana sa aking paglisan ay lumaki silang ang pundasyon ay hindi madaling mabuway at marupok upang manatiling nakatayo sa kahit anumang pagkadapa at pagsubsob.

At tuluyan ko nang hindi pinaglabanan ang pagbigat ng mga talukap. “Bahala na!”

Habang unti-unti kong binubuksan ang aking mata habang nakakaramdam ng matinding sakit ng ulo at pagkahilo ay pinisil-pisil ko pa ang aking braso at nagulat na buhay pa ako.

“Oo! Hindi naging matagumpay ang isinagawa kong pagpapatiwakal dahil natagpuan ako kaagad ng aking mga kasama sa bahay na pinaglilingkuran.
Nagsagawa ng pang-unang lunas at saka ako pinasundo sa ambulansiya.

‘Hindi ko pa raw panahon mamatay sabi ng mga kasama ko! “

Maaaring hindi nga siguro sapagka’t naipasuka sa akin ang mga pildoras na ininom ko! Mas mahirap tuloy ang dinanas ko na pagpapasuka nila at kung anu-ano pang mga proseso ng pampatanggal ng mga gamot na ininom ko ang isinagawa.

Isang linggo rin akong hindi naging maayos ang pakiramdam. Bigla tuloy akong nakaranas ng kilabot sa aking nagawa.

Ipinagpasalamat ang ikalawang buhay na ipinagkaloob pang muli ng Panginoon. Mula sa karimlan ay nakita ko ang unti-unting liwanag na nagmula kung saan.

Ipagpatuloy ang pagpapakita ng lubos na pagsisisi sa aking kabiyak sa nagawang pagkakamali. At kung susuwertehin na mapatawad ay iingatan ang pagmamahal at kapatawaran na ipinagkaloob.

Akala ko bilang tao na hinog na sa iba’t-ibang suliranin ay makakaya ang anumang darating na pagsubok. Ngunit sadyang hindi pala, lalo na kung ang pagkawala ng isang taong lubos na pinakamamahal ay kaya kong talikuran ang lahat at kahit pala tapusin ang sariling buhay ay aking magagawa.

May iba’t-iba tayong paraan kung paano natin dinadala ang bawat pasanin natin sa buhay. Ngunit kahit dumating tayo sa puntong wala ng masuliningan ay huwag kayo maglalakas-loob na mismong bawiin ang buhay na ipinagkaloob sa inyong sariling mga kamay.

Isa na naman itong realisasyon sa aking buhay na maaaring ang aking mga akalang mga bagay na nagawa ay sapat na ay sadyang kulang pa at kinakailangan ko pang mas mapabuti ang aking sarili, mas mapaunlad ang mga karunungan, mahasa pa ng masinsinan ang mga kakayahan at mas magpursige pa upang mabigyan ng mabuti at makabuluhang buhay ang pamilya lalo na ang mga pinakamamahal na mga anak.