Perya ng Buhay

Naranasan mo na bang sa buhay ay sumabit?
Nang sa hirap ng buhay matutong sa patalim mangunyapit?
Yan ang buhay na dinaranas ng karamihan sa atin;
Isang kahig, isang tuka, laging kapit sa patalim.

Naranasan mo na bang tumulay sa alambre?
Magpasirko-sirko’t magpatawa ng marami?
Yan ang buhay na dinaranas ng iba nating kababayan,
Na umalis ng bansa upang pamilya’y matulungan.

Nagpaalila’t nagpaapi sa pinaglilingkurang banyaga;
Maglakad man sa bubog, pilit ginagawa.
Matustusan lang ang kailangan ng pamilyang naiwan;
Mabigyan ng maalwang buhay, tiya’y malagyan ng laman.

Tila payasong pinipilit magpatawa sa mga hari;
Kahit ano’y gagawin, di na magiisip o mamimili.
Pagkat buhay ng mahal ang laging nakasalalay;
Kahit dignidad at sariling buhay, walang alinlangang iaalay.

Ngunit anong ganting-gawain ng ibang nakikinabang?
Winawaldas sa wala ang katas ng pinaghirapan.
Akala mo’y milyonaryo, gumasta’y parang bukas ay wala;
Ang akala, porke’t nasa ibang bansa’y nakahiga sa pera.

Paguwi ng pobreng nanilbiha’y tuluyan lang nagtaka;
Pagkat hirap sa ibang bansa’y tila di yata nagbunga.
Parang baliw sa pagiisip, mata’t bunganga’y nakabuka;
Kapalit ng pawis at dugo, saan na napunta?

Kaya’t muli na namang babalik sa bansang pinagsilbihan;
Na walang baung saya, kundi hirap ng kalooban.
Nagiisip ng paraan kung sa buhay pa’no makararaos;
Kung pa’no di maghirap, kung pa’nong hindi makapos.

Muli na namang maglalambitin at tutulay sa alambre;
Kakain ng apoy, magpapahabol sa mga tigre.
Maninikluhod sa mga taong hindi naman kapamilya;
Upang ang sariling pamilya’y ang buhay, guminhawa.

Yan ang perya ng buhay ng karamihan sa atin;
Laging hirap ang karamay, laging sa bangin nakabitin.
Paulit-ulit lamang mangyayari, sa anumang panahon;
Hanggang maubos ang pagasa’t umuwi nang nakakahon.

About Polski1811

random ramblings, useless musings.