“Pers Lab” (Part 2)

Pers Lab.

Naaalala na naman kita. Di naman kasi kailangang makita ka ulit ng dalawang mata ko para maalala kita. At lalong hindi naman dapat maging araw ng Sabado para ma-MMK mode ako sa ’yo. Talagang naaalala kita kasi sa isip ko lagi kang sumasagi.

‘Yung dati, pag gising ko sa umaga, ikaw ang una kong nakikita, pero ngayon isa na lang ‘tong bakanteng unan kung saan nakadapa ‘yung bigay mong teddy bear sa ’kin. Nakaka-miss ‘yung sabay tayong nagigising sa tunog ng alarm clock pero ayaw pa rin nating bumangon kasi meron pang five minutes para ipikit ulit ang ating mga mata at sabay tayong magda-drama, kunyari ang kuwentong pag-ibig natin ay isasa-pelikula. At habang magkaharap tayo sa hapag-kainan para e-enjoy ang kape at pandesal na almusal, ‘di pa rin maiwasan ang malalagkit nating tinginan, kasi nga Pers Lab, pagmamahal ay wagas, naglalagablab!

Yung isang oras lang kayong maghihiwalay pero ‘yung pakiramdam n’yo sa isa’t isa ay parang katapusan na ng mundo, kaya lagi kayong magkadikit parang kambal-tuko!

Hindi mo talaga aakalaing darating ang mga sandaling ‘to na inaalaala mo na lang siya sa halip na nakikita, nahahawakan at nadadama.

Nakalulungkot isipin.

Saan ka nagkamali? Sino ang nagkamali?

‘Di kaya dahil sa simula pa lang alam mo nang mali? Kaya sa hiwalayan nauwi?

Pero kung titimbangin mo sa isip, sa puso, wala namang nagkulang. Walang ring nagkamali. Nasobrahan lang. Nasobrahan sa tiwala kaya ang lahat ay nawala. Kaya ‘yung malimit magsabing “tiwala lang…”, sino ba ang hindi nagtitiwala? Sino ba ang may gustong masaktan? Maiwan? Wala naman, ‘di ba?

Ang mawalay ka sa Pers Lab mo, ‘yun ang kahuli-hulihang gusto mong mangyari sa buhay mo, pero ‘yung tuluyan kang malayo sa kanya at magkalimutan kayo, ‘yun ang habambuhay na kalbaryo ng puso mo.

Tiwala’y maglalaho.

Mundo’y guguho.

Puso’y ‘di  alam saan patungo.

Kung ika’y pupuntahan?

Meron bang madaratnan?

Meron pa bang babalikan?”

Sa alaala, madami.

Sa ’yo?

Meron pa bang puwang ang Pers Lab mo sa iyong puso?

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/. IG:nomatterwhat214