“Pers Lab”

Pers lab. Kailan at saan nga ba ‘yun nag-umpisa? Di ko na maalala. Lumipas na ang maraming taon. Isa, dalawang dekada, at ngayon ay magtatatlo na. Magtatatlong dekada na kitang hindi nakikita o nakukumusta.

Kumusta ka na? Siguro may asawa at mga anak ka na. Siguro kung nasaan ka man sa mga oras na ‘to ay wala na ako sa puso at isipan mo. Siguro kahit kailan ay ‘di na sumagi sa ‘yong isipan ang halos tatlong taon nating pagmamahalan. Tatlong taon. Matagal-tagal din ‘yun. Pero ‘tong tatlong dekada, ay masasabitan na ako ng medalya!

Medalya ng dakilang tanga? Joke. Kailan man ay hindi katangahan ang mahalin ka nang sobra-sobra. ‘Yung sa hinaba-haba ng panahon, eto pa rin ako, naghihintay sa ‘yo. Alam kung alam mo na ang sinasabi kong ‘to ay totoo. Dahil hindi biro na magpahanggang ngayon ay ikaw pa rin.

Ikaw pa rin ang tinitingala ko na parang bituin. Tahimik kong pinagmamasdan gabi-gabi at tinatanong ko sa aking sarili kung nakatingin ka rin? Kung nakatingin tayo sa iisang bituin? Mukhang malayo na ang narating mo. ‘Di na kita maabot. Pero malayo ka man ay malapit pa rin. Kasi nandito ka lang sa puso ko.

Sa puso ko ikaw ay nag-iisa. Walang pumapangalawa. O pumapangatlo. Paano mangyayari ‘yun eh iisa lang ang ating puso. Kaya nararapat lang na ang iisang puso ay para sa iisang tao lang. Para buo. Walang kasalo. Para kung sakaling magkita man tayo ulit ay hindi ka na magtataka.

Hindi ka na magtataka kung bakit hanggang ngayon sa buhay ko ay walang iba. Pangalan mo lang ang nakaukit dito sa puso ko. Hindi man naging maganda ang paghihiwalay natin, at least kahit papa’no ay hindi naman tayo naging magkaaway. At least kahit papa’no ‘yung huling pagkikita natin ay masaya.

Masaya tayo para sa isa’t isa.

Pers lab? Sadyang kakaiba. Nakakakaba. Kasi puwedeng dun magsimula ang hindi mo na kayang tapusin. ‘Yung kahit iniwan ka na ay hindi mo pa rin makuhang magpaalam nang tuluyan. ‘Yung talagang tuluyan mo nang iiwanan at wala ka nang babalikan.

Babalikan ba kamo? Eh nabasa mo lang ang fast fact na ‘to sa lumang Reader’s Digest: “72% of first loves who rekindle their romance end up staying together” ay bigla nagkaroon ka ng pag-asa. At bigla na-inspire ka kaya eto nagsusulat ka na naman.

Na naman? Paano kung kasama ka pala sa 28%? Paano kung hindi? Tadhana lang ang may alam. Dahil sa pagkakatong ‘to isa lang ang alam ko.

Naalala kita. 🙂

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/. IG:nomatterwhat214
Source :

Pers Lab