Peer Pressure

(Photo Credit: josservincosc1301.wordpress.com)
(Photo Credit:  josservincosc1301.wordpress.com)
(Photo Credit: josservincosc1301.wordpress.com)

Tapos na ang Summer, tapos na ang maliligayang araw ng mga estudyante, bagong kabanata naman ng buhay bilang mag-aaral ang haharapin. 

Magkababata kami ng aking pinsang si Sophia, lumaki sa probinsyang malayo sa kabihasnan at hindi pa masyadong abot ng teknolohiya, hindi gaanong kilala sa amin si Apple d gadgets at iba pang gamit na makabago. Ngunit kahit papaano’y napadaan na rin doon si Nokia kaya namin siya nahawakan at nakilala.

Ganoon pa man, ignorante man kaming matatawag tungkol sa mga gadgets,  pagdating sa pag-aaral at katalinuhan, aba!  Hidi naman kami pahuhuli, Kahit pa ba laging talbos ng kamote at saging ang laman ng aming mga tiyan. Sa katunayan kami ng aking pinsan ang panlaban sa mga inter-school contest ng aming paaralan. Dinadala kaming dalawa sa iba’t-ibang bayan at mga probinsya para sa tagisan ng talino, sa awa ng Diyos, may bitbit kaming tropeo at sertipiko para ipakitang kami din ay may angking katalinuhan.

Nagtapos kami ng sekundarya na parehong nagkamit ng mataas na karangalan, pumapangalawa ako sa kanya. Siya ang Balediktoryan. Parehas kaming pumasa sa pagsusulit sa Unibersidad ng Pilipinas bilang mga Iskolar ng bayan. Walang kasing-saya ang aming mga magulang dahil wala nang gaanong gagastusin kundi kaunting alawans na lang.

Magkasama kami sa boarding haws ngunit magkaiba ang kursong aming napagtripan. Political Science ako at siya’y BSBIO. Gusto kong maging abogada at siya’y gustong maging doktora dahil pangarap naming makilala naman kahit papaano ang aming baryong sa pamamagitan namin. Mayroon pa nga kaming usapan na “Kami ang magsisimula sa aming baryo.’

Unang semestre namin sa UP ay naging smooth-sailing naman sa kabila ng pagiging baguhan at promdi, unti-unti rin naman namin natututunan ang mga kalakaran ng paaralan. Maraming naging mga kaibigan at nalamang mga kabulastugan na parte din naman ng pagiging estudyante at paglaki.

Dahil sa magkaiba kami ng kurso; magkaiba din ang aming Circle of friends na tinatawag.

Pangalawang semestre ng pangalawang taon namin sa aming pag-aaral ay napansin ko na ang kakaiba. Minsanan na lamang umuwi sa aming boarding haws si Sophia. Panay pa ang utang ng pera kesyo may marami silang proyekto sa laboratoryo at iba pang asignatura. Panay pa ang padala ng mga magulang niya dahil hindi na raw kasya ang alawans nito.

Minsan ay umuwi itong lasing na lasing, hindi magkandaugaga dahil sumusuka na, umiiyak pa. Panay ang sigaw na hindi ko gaanong maintindihan dahil kasabay nito ang paghagulgol. Nilinis ko ito at pinagyaman, pinainom ng mainit na tubig at ipnagluto ng noodles upang ito’y mahimasmasan.

Dumadaan ang mga buwan,

Marami na rin ang natutuklasan sa aming pagsasama sa tinutuluyan. Minsan isang hapong walang klase, sinipag akong maglinis ng buong kwarto namin. Habang ipina-file ko ang mga aklat, may nahulog na aluminum foil at totter mula doon. Kinabahan ako, naisip kong,

” ‘di nga bang nagsa-shabu si pinsan ko?” ah! Maaaring sa kaklase niya ito,” bulong ko sa aking sarili ngunit ang kaba sa aking dibdib ay hindi mawari.

Huling buwan ng semestreng iyon ay ipinatawag ang kanyang mga magulang ng kanilang dean. Ipinaalam na nakuhanan ito ng ilang sachet ng shabu sa kanyang bulsa habang natiyempuhan ding nagpa-pot session sa palikuran ng mga babae kasama ang barkada nito.

Umiiyak itong naglulumuhod sa dean para patawarin. Positibo sa drug test at alcohol test si Sophia at lalong positibo sa pregnancy test. Bagsak naman sa eksaminasyon sa kanyang mga asignatura.

Ako ang unang kinompronta nina tito at tita sa nangyayari sa aking pinsan. Wala akong masabi kundi ang umiyak, kasi kasalanan ko rin. Mayroon na akong napapansin noon, ngunit hinayaan ko lamang ito. Ayaw ko siyang pangunahan, gusto kong siya ang magsabi sa akin tungkol dito. Ayaw kong sabihing ako’y nakikialam. Ngunit mali pala. Dapat siya’y aking pinaalalahanan. Mayroon pala ako dapat pakialam sa kanya.

Na-trap na si Sophia, nangumpisal na siya, umamin siya harap ko at ng kanyang magulang. Umiiyak din siya, nadala siya ng kanyang barkada. Sa una’y painom-inom lang muna ng alak, naninigarilyo at kalaunan ay humihitit na sila ng ipinagbabawal na gamot hanggang sa maging sugapa na sila, at  hindi na pumapasok sa klase kaya bagsak lahat  ang mga asignatura nito.

Napagdesisyunang iuuwi na muna sa aming probinsya ang aking pinsan hanggang sa ito’y makapanganak. Iparerehab na rin muna doon sa aming lugar. Sayang ang batang ito. Malaki pa sana ang tsansang magbago ang buhay at may panahon pa para ito ay makatulong.

Lumipas ang mga taon, nagtapos ako ng aking political science at nagpatuloy sa aking pangarap na abogasya. Malaki na ang anak ni Sophia at nagpatuloy na rin siya ng kanyang kurso, ngunit sa ibang paaralan na hanggang matapos niya ito.

Nagdesisyon na siyang maging guro at hindi na doktor.

Taon pa ang binilang, heto na kami. Tagumpay sa aming pangarap sa kabila ng mga pinagdaanan. Mayroon na akong law firm at pamilya samantalang si insan ay isang guro sa pampublikong paaralan sa aming baryo.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.