Payong Kaibigan

(Photo Credit: sdhammika.blogspot)
(Photo Credit:  sdhammika.blogspot)
(Photo Credit: sdhammika.blogspot)

Hindi ako mahilig sa mamahaling bagay. Ayoko gastusan yung mga damit na branded dahil alam kong wala rin namang nakakakita ng tatak ‘non kapag sinuot ko na. Ang isa pa, alam ko ring kung maiisipan kong mag-istrol sa mga malls, siguradong mapapayuko na lang ako dahil may kapareho ako ng suot. Badtrip.

Pero lahat ng ito ay nawala sa standards ko nang dumating ang unang biyernes ng Enero 2013.

Ilang araw pa lang ang nakalipas matapos magdiwang ang mga tao ng bagong taon. Unang linggo rin sa paaralan. Balik-trabaho ang mga nagpalaki ng tiyan noong Medya Noche. Isa na ako roon.

At dahil nga balik-trabaho ang lahat naisipan ng mga katrabaho kong magdinner out sa isang restawran para sa mga hipsters doon sa Cubao expo. Apat kami. May kotse yung isa, yung isa naman makikisabay sa may kotse, at yung isa malapit lang sa Cubao ang uuwian.  Dahil hayok kami sa pagkain at dahil sobrang toxic ng linggong ‘yon, busog na busog kami sa iba’t ibang putahe at ang ulam namin ay ang mga nangyayari sa trabaho. Ang sarap ng kumbinasyon. Nakakaumay.

Natapos ang lahat, nagbayad na kami ng bills. Busog ang tiyan ko pero ang nagutom bigla ang pitaka ko kaya naisipan kong magwithdraw ng pera sa may Farmer’s Market. Nakauwi na yung tatlo kong kasama at naiwan muna ako sa mall na iyon bitbit ang dala kong bag na punong puno ng mga gamit ko sa trabaho. Laptop, iPad, mga aklat, at mga resibong lukot lukot. Dahil hindi naman ako talagang taga-Maynila, natakot akong ilagay yung bag ko sa likod kaya isinukbit ko ito sa aking harapan. Ang bigat. Pero okay lang sa’kin dahil sanay na rin ako.

Alas 7:30 na iyon ng gabi at nagpaplano na ako kung sasakay ba ako ng taxi o sasakay na lang ng MRT pa-Ortigas dahil taga San Juan ako. Bumaba ako kung saan saan, nag-iiikot. Hindi ko alam kung paano makarating sa MRT station. Lumiko ako, naglakad, bumalik, naglakad, bumaba, umakyat at naramdaman kong parang gusto kong mag CR. May nakita akong ‘Pay Toilet’. Pumasok ako at nagbayad ng P10.00. Paglabas ko, napag-isipan kong gusto ko na talagang makauwi dahil pagod na ako sa kakalakad.

Matapos makipag question and answer sa mga guards na nakipagchichikahan lang sa mga sales clerks, natunton ko rin kung saan ang MRT station. Sobrang haba ng pila na parang may concert yung One Direction. Pero ang direksyon ng pila ng mga tao ay hindi one. Kungdi three. Tiniis ko ito hanggang sa makaakyat na ako sa pila kung saan maghihintay na ako ng tren. Nakapila ako sa mga lalakeng animo’y konting lingat lang, sasabihan ka kaagad ng ‘holdap to!’. Meron din sa likuran ko na estudyanteng parang walang pakialam sa mundo habang nakasabit ang puting earphones niya sa kanyang tainga.

Ayan! dumarating na.

Ito ang paborito kong part sa pagsakay sa punong MRT. Hindi ko na kailangang humakbang! Para lang akong nakasakay sa isang rollerblades. Pagbukas na pagbukas sa pintuan ng tren, automatic shoot ako sa loob dahil ang daming nakikipagtulakan sa likod. Another best part sa MRT kapag puno ay hindi ko na kailangang kumapit sa mga bakal para hindi matumba. Ang tanong kasi ay..paano ako matutumba kung pinalilibutan ako ng mga nanggigitatang mga tao sa paligid? Sagot! Paano?!

‘Ortigas Steysyen..ortigas steysyen..padaanin po ang mga bababa’

Lumabas ako upang huminga nang malalalim at narealize kong ang sarap pala mabuhay. Biro lang.

Nilakad ko ang mahabang pagitan mula Ortigas station hanggang sa Robinson’s Galleria. Habang naglalakad ako marami akong iniisip. Nilalagyan ko ng background music yung mga nakakasalubong kong tao, para talagang indie film lang na pinagbibidahan ni Ronnie Lazaro at Lilia Cuntapay. Swabe.

Pumasok ako sa Galle nang pawis na pawis at umakyat muna sa National Bookstore para magbasa ng kung ano ano. Tamang tama rin dahil doon ako maglalakad sa footbridge para makasakay ng jeep papunta sa kalye kung saan ako nakatira. Pagbuklat na pagbuklat ko sa tinagalog na Twilight, biglang bumuhos ang ulan. Bumuhos. Bumuhos. Bumuhos. Nakatingin ako sa labas, nakasabit ang mabigat kong bag sa katawan ko at gusto ko nang umuwi.

Naisipan kong mag taxi na lang at baka sakaling swertihin, hindi ko na lang ikukuwento yung nangyari kasi hindi swerte.

Bumalik ako sa National Bookstore.

Umuulan pa rin. Sobrang lakas.

Pagtingin ko sa relo ko, alas 9 na. Pagod na ako talaga.

Gusto ko nang umuwi pero wala akong payong. Naisipan kong tumakbo na lang pero marami akong gadgets na hindi pwedeng mabasa. Hapong hapo na ang itsura ko pero sige.. hihintayin ko na lang muna tumila yung ulan pero sa init ng panahon nitong mga nakaraang araw parang wala itong plano tumigil. Patuloy ang pag-iyak ng langit.

Wala na akong naisip na paraan kungdi ang pinaka ayokong gawin. Ang bumili ng payong. Tamang tama at nasa National Bookstore ako. Minsan kasi, mayroon silang binebentang kung ano-ano. Nagtanong ako sa sales clerk, natawa siya. Sabi niya, “Si Sir naman nagjojoke..”. Batukan kita ate eh!

Lumabas ako sa National Bookstore at nakita ko ang department store. Pumasok ako na parang buntis na malapit nang magluwal ng sanggol. GUSTO KO NANG UMUWI!

Wala akong payong na makita kahit saan man ako pumunta sa floor na iyon. Pagod na ako maglakad at ayoko na talaga. Naisipan kong hintayin na lang talagang tumila ang ulan kahit abutin ako ng gabing gabi.

Hindi ko alam kung bakit dahan dahan akong dinala ng paa ko sa Ladies’ section ng mall, and voila! Nakita ko ang naggagandahang mga babae, este payong! Iba’t ibang kulay. May malaki, may maliit, may high tech, may low tech, may pambabae, may pambabae at may pambabae. Lumapit ako sa sales clerk at handa ulit ako mainsulto tulad ng ginawa sa’kin nung taga National.

“Miss, panlalake ba ‘to?” tanong ko.

Ngumiti si ate. sabi niya “Pwede naman po.”

Mabuti pa si Ate may manners. 🙂

Nang tiningnan ko ang presyo ng mga payong, halos malula ako sa mahal! May tig P1,200, may tig P700, at tig P500. Sa loob loob ko, alangya..isang beses ko lang gagamitin tas’ ganito pa kamahal? Nag-ikot ikot pa ako at nakita ko yung maliit at kulay pink na payong na may price tag na P150. Pagbukas ko, logo ng Angry Birds. Siyempre hindi ko ‘yon binili. May nakita akong tig P250. Pwede na. Binili ko yun at excited na akong lumabas.

Nang malapit na ako sa exit ng mall, nakita ko na patak patak na lang ang ulan. At ‘di naglaon, naging ambon na lang.

Napailing ako sa inis at gusto kong isauli itong payong.

Lumabas ako at binuksan ang payong kong may price tag. Wala akong pakialam kung umuulan pa o hindi na!

Gagamitin ko itong payong kong may nakasabit na presyo.

Naglakad ako na kahit wala nang ulan, bukas pa rin ang payong na nagyayabang.

Jared Richard Uy

twitter: @jaredpuge

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.