Payak na pamumuhay, ibinida sa isang pre-wedding photoshoot sa Laguna

Imahe mula sa ChuckShots | Facebook

Kadalasang makikita sa mga larawan ng magkasintahang malapit nang ikasal ang kanilang magagarbong suot na damit habang nasa mamahaling venue o kaya naman ay may bonggang setup para sa photoshoot.

Hindi nagpatalo sina Mhajoy at Jocjoc pagdating sa konsepto ng kanilang pre-wedding shoot na may kinalaman sa istorya at mithiin ng kanilang pagmamahalan.

Imahe mula sa ChuckShots | Facebook

“We promise each other’s acceptance of flaws, here’s our love through life’s simplest forms,” ito ang pangakong kanilang pinanghahawakan para sa isa’t isa.

Ayon pa rito, “For better and for worse, we have us.”

Nag-viral ang mga larawan ng magkasintahan dahil sa konsepto nitong nagpapakita ng payak ngunit masayang pamumuhay.

Kuha ang mga ito ni Believer Chucks na kaniya namang ibinahagi sa Facebook page na ChuckShots. Dahil sa kaniya, nagkaroon ng buhay at naging kabigha-bighani ang bawat eksena sa pang-araw-araw na pamumuhay ng ordinaryong pamilya.

Imahe mula sa ChuckShots | Facebook

Makikita sa larawan nina Mhajoy at Jocjoc ang saya na dulot ng kanilang pagtutulungan sa gawaing bahay.

Nariyan ang sabay nilang pag-iigib ng tubig sa poso, paglalaba ng maruming damit, pagluluto ng pagkain, pagsisibak ng kahoy, at paglilinis ng bakuran.

Hindi rin mawawala ang sweet moments ng dalawa habang nagpapahinga at nagkukuwentuhan sa tabi ng kanilang maliit ngunit masayang tahanan.

Imahe mula sa ChuckShots | Facebook

Marami ang bumilib sa konsepto na “very Pinoy” umano. May ilan rin na naantig at nagpahayag ng kanilang paghanga rito.

“I think this is the best pre-nup I’ve ever seen it’s so natural. Love it! Congrats, guys,” sabi ni JRD.

“Iyong kunntento lang kung anong mayroon kayo. Sa lahat ng pre-nup ito ang gusto ko. Godbless and best wishes, couples” komento ni DZCL.

“Congratulations to this very grounded millenial couple for understanding what married life is all about. Very impressed,” ayon naman kay JS.

Nagpasalamat naman si Believer Chucks sa pamamagitan ng
kaniyang Facebook account sa mga taong nagbigay ng magagandang komento sa mga larawan na kaniyang ibinahagi.