Patuloy na Magpapatuloy ang Nagpapatuloy

Nagdaan ang isang linggo upang masilayan, maranasan at aking mayakap ang mundo mula sa iba’t ibang paningin, pandinig, paglanghap at paghahambing. Halos naangkin ang larawan, pag-iisip, panahon ng di lamang iisa at higit pa sa nakararami kundi maging ang sariling akin subalit ganap kong naunawaan, gaano man katigib ang pagpapaubaya o hangarin ay batid kong ang sa kanila ay sadyang hindi sa akin. Walang maaaring baguhin bagaman maaaring mayroong mabago subalit ang totoo ay sa pagkakaniya-kaniya pa rin ito hahangga at mauuwi.

Humayo, naglakad, naglibot; nag-isip at pilit iwinaglit ang mga napipiling kasagutan na napupulot sa bawat daan hindi dahil sa sarado ang isip sa pagtanggap kundi nais lamang na magiging higt pang bukas sa kung ano pa ang maaaring ipakita at ipaliwanag ng kung anong ipinapasok ang nagsusumuksik na hanay ng mga kaisipan at paliwanag.

Mahirap lunukin ang mabubuting layon para sa malinaw na motibo. Nakababagabag sa isip, puso at pagkatao ang panghihimasok sa kinagaiwang walang puwang para sa pansariling kagustuhan at paggawa ng pagbabago. Ang makinig sa mga ninanasang maringgan upang higit sa lahat ay maging pinakamainam ang pagkukwento. Walang Kwenta na ito lamang ang puno’t dulo ng buktot na binuong ipinaglalaban mo.

Hindi mapangangatwiranang makatuwiran na ipangatwiran ang ibayo sa katuwiran. Sa makatuwid, di maitutuwid sa pagmamatuwid ang liko kahit sapilitan pang ituwid ng nagmamatuwid. Ngayon, sino ang handang tumutol, humusga o sumang-ayon?

Isang linggo upang angkinin ang ang panahon, oras, iilang tao o maaaring sa hangganan ng mundong ninanais ko sa ngayon. May mga itinapon, iniwan at natutunan subalit Hindi rito lamang matatapos ang pakikipagbaka lalo pa at higit kong napagtanto kung ano ang mga ninanasa ko— sa ngayon; kung ano ang naaabot ng pakiwari, sapantaha at limitado pa ring nalalaman ko. Uusbong pa ang iba, mag-iibayo pa at pagsusumikapan ko pang maabot at unawain at tanggapin pa ang mga ito.

Hindi ako magagalit ni magtatampo. Hindi marapat at makatuwiran na hanggang dito lamang ang pisi at mailalaman ng salop ko. Kailangan ko lamang marahil ng karagdagan pang pang-unawa upang patuloy na matanggap ang mga sumusunod pang hamon, sitwasyon at kung anong ninanais ng mundong ito na marapat, kailangan at inaasahan pang iwaksi o ipabatid at sa akin ay ipabaon.

About razelFilipino

"...simpleng pangarap, malaking hamon. ito ang nais paghandaan at maranasan." Experience leads to learning as it shapes one’s perspective towards everything around us. Writing has been a very powerful tool for me to see things through, think out of the box, reflect, look at things on a bigger picture and be keen on details; to be rational, open-minded and just to be simply free. For every thought, for every word, for every phrase and for every emotional state may be kept or conveyed... http://razelfilipino.blogspot.com/